Chapter 47

117K 7.5K 1.1K
                                    

Chapter 47

Katanungan

Sa daang bugso ng damdami'y mahigpit mong kalaban

Ilog na umaagaw ng pagkakakilanlan

Unang pagsalo ng paa'y siyang unang magbibigay tulay

Bugtong na siyang nagbukas sa buhay na laro ng reyna. Maliit na papel na siyang tangan sa aking nangangatal na kamay. Aking mga mata'y paulit-ulit naglandas sa saliw ng mga letrang naghahayag ng tonong tanging ako lamang ang makakarinig.

Sa isang iglap, ang tila mala-paraisong silid na puno ng tuwa't galak ay nabalot ng kadiliman. Isa-isang naglaho ang magkakapatid na Gazellian sa aking mga mata, sinubukang abutin ng aking mga kamay ang kanilang mga pigura ngunit sa tuwing abot kamay na sila, tila mga nauupos na puting usok na unti-unting nilalamon ng dilim.

"D-dastan..." ngunit maging ang aking hari'y naglaho sa aking mga mata.

Ang tanging nanatiling may liwanag ay ang kakaibang larong may dalang bugtong at palaisipan, at ang reynang taas noong nakaupo, nakakrus ang mga hita sa aking harapan.

Ang mga mata nami'y nagtama at pinilit kong gantihan ang tindi ng mga titig niya sa akin. Pumasok ako sa mundo ng mga Gazellian na iniwan ng impresyong ang hari ang siyang pinaka-mapaglaro sa lahat na siyang pinatunayan ng mga itinakda sa mga Gazellian, ngunit hindi ba nila nakikita ang reyna at ang nag-uumapaw nitong presensiya?

O marahil ay ako lamang ang may kakayahang---

Suminghap ako sa aking naiisip at kusang nagusot ang lumang papel sa aking kamay. Buong akala ko'y mamayani ang matinding katahimikan sa pagitan naming dalawa, ngunit nang magsimulang magyaman ang amoy ng usok ng insenso at nagsimula iyong yumakap sa aming dalawa, unti-unti kong narinig ang mahinang saliw ng kudyapi at plauta na siyang nagmumula sa mahiwagang laro na siyang nasa pagitan naming dalawa.

"B-bakit? Sino ka?" ito agad ang unang lumabas sa aking bibig.

Sa kabila ng kaba sa dibdib ko at walang katapusang katanungan, hindi ko pa rin maiwasang humanga sa kasalukuyang reyna ng Parsua Sartorias, ang kanyang mga anak ay nakilala kong hindi basta-basta nilalang lamang, ang mga itinakda sa kanila ay ganoon din ngunit paano niya naikubli ang lahat ng ito?

Siya'y hindi pangkaraniwang bampira, siya'y isang—

"Ibabalik ko sa'yo ang sarili mong katanungan, Leticia, sa tingin mo ay sino ako?"

Sinubukan kong ibuka ang bibig ko upang sagutin siya, ngunit ang tangi ko lamang nagawa'y ibalik ang atensyon ko sa nagliliwanag na laro.

Parang pinipiga ang puso ko habang unti-unti kong pinagtatagpi-tagpi ang mga katanungan ko noon pa man.

Mula sa walang katapusang koneksyon ng mga Gazellian sa nakaraan at sa pinakamalakas na diyosa, ang patuloy na pag-iwan ni Haring Thaddeus ng bakas na tila nais siyang sundan, ang mga nilalang na siyang may mahalagang parte ng isang bugtong...

"B-bakit hindi na lang natin ipagpatuloy ang ating laro, Mahal na Reyna?" nangangatal na sabi ko.

Tumaas ang sulok ng kanyang labi bago niya hinawi ang kanyang mahabang buhok. Inilahad niya ang kanyang kamay at hinayaan niya akong sagutin ang unang bugtong.

Sumulyap ako sa iba't-ibang bato dala ang bawat kapangyarihan ng magkakapatid na Gazellian at ng itinakda sa kanila. Nasa akin ang bato ni Claret, Naha, Finn, Casper at Caleb. Mariin kong pinag-isipan kung ano ang magagawa ng kanilang kakayahan.

Nakuha ko ang ibig sabihin ng bugtong, ang ilog ay may kakayahang hawakan ang damdamin ng magtatangkang lumusong doon, ibig sabihin nito may halong hipnotismo ang ilog, si Finn ang bampirang maaari kong gamitin, ngunit sa paano tulay ang kanyang gagawin? Hindi na ako nag-aalala sa posibleng pagkawala ng alaala, kung walang magagawang pinsala ang hipnotismo kay Finn, hindi magagawang tanggalin ng ilog ang kakayahan ng kanyang bato. Ngunit paano nga ang tulay?

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon