Kipkip ang backpack sa aking kandungan ay naririnig ko ang usapan ng mga kapwa ko pasahero sa jeep. Halos lahat ay nagrereklamo sa traffic na dulot ng ginagawang road widening. Isang linggo na rin naming kalbaryo ito, lalo na ng mga tulad kong estudyante.
Tumanaw ako sa labas ng bintana para pagmasdan ang tanawin: malawak na bukirin; hile-hilerang puno; nagliliparang mga ibon.
Ilang taon ko nang binabaybay ang kalsadang ito, papasok sa eskwela at pauwi sa bahay. Mula iyon nang mag-high school ako, at ngayon nga ay nasa unang taon na sa kolehiyo. Parehong daan, parehong lugar, parehong tanawin. Kilala ko na nga yata ang lahat ng jeepney driver sa lugar na ito, na araw-araw kong nasasakyan. Isama na rin ang barker na nakaka-kwentuhan ko pa kapag naghihintay ng jeep na susunod sa pila. Pamilyar na rin ako sa mukha ng mga kapwa ko pasahero, estudyante man o hindi.
Maya-maya'y naramdaman kong unti-unti nang umuusad ang sinasakyan naming jeep. Nakahinga ako ng maluwag nang sa wakas ay magdire-diretso na ang takbo namin. Limang barangay pa kasi ang madadaanan bago ang sa amin.
"Manong, Namboongan crossing!" narinig kong sigaw ng isang babae nang abot-tanaw na namin ang binaggit niyang bababaan. Paghinto ng jeep ay nilingon ko siya at nakitang nahihirapang makadaan dahil sa mga bag at basket na nakaharang sa daan. Sa bandang unahan pa man din siya nakapwesto. Pagdating niya sa tapat ko, malapit sa labasan, napansin kong naka-ngiti siya sa 'kin. Si Yna pala, schoolmate ko noong highschool. Hindi ko agad nakilala dahil bukod sa malayo ang kinauupuan niya kanina, hindi ko rin suot ang salamin ko. Nginitian ko rin siya.
Kumaway pa ako sa kanya habang muling umaandar ang jeep at papalayong pigura na lang niya ang natatanaw ko. Ibinalik ko ang atensyon sa tanawin sa labas ng bintana nang may mag-over take na mini bus.
"Cindy!" mabilis na sigaw ng dalawa sa sakay niyon. Napangiti ako sa inasal na iyon nila Maritess at Jayson, mga kaklase ko sa isang minor subject, na biyaheng Dagupan ang uwian.
Ilang sandali pa ay huminto ang jeep sa tapat ng eskwelahang pinasukan ko noong elementarya. Sumakay si Sir Dante, dati kong teacher na kilala sa pagiging terror at mahigpit sa pagbibigay ng grade.
"Ikaw pala. Kumusta?" Bati niya nang napansin ako.
"Okay naman po, Sir. Kayo po?"
"Ayos lang din," nakangiting sagot niya.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako lumipat ng section noon kahit istrikto siya, ay dahil sa mahusay siyang magturo. Parang nagiging ibang tao rin siya kapag nasa labas ng classroom. Ang kilalang terror na teacher ay nagiging mabait na kaibigan at ama. At iyon ang di nakita ng iba.
"Patac, kiskisan!" Muli niya akong nginitian bago bumaba.
Napagawi ang tingin ko sa isang ale na pasirko-sirko ang ulo habang nakapikit. Kawawa naman. Madalas ko siyang nakakasakay at palagi rin siyang nakakatulog sa biyahe, kandong ang isang basket na lalagyan ng mga paninda niyang gulay.
"May bababa ba sa Cupang?!" pasigaw na tanong ng driver na si Manong Larry. Halatang sinadya nitong lakasan ang boses para narinig ng ale. Marahil ay kabisado na rin nito ang rutina ng naturang pasahero.
Mabilis namang naalimpungatan ang huli at sumagot, "Oo!" Pupungay-pungay ang mga matang bumaba ito.
Ang mga natitirang pasahero ay hindi pa rin tumitigil sa pag-uusap-usap. May mga kapwa ko estudyante na nagku-kwentuhan tungkol sa assignments, projects, at pati na rin sa crush nila. Ang mga nakatatanda ay hindi rin papahuli sa usapan; tungkol sa lasenggero nilang kapitbahay, boss na ayaw magpabale, at mga utang na hindi nila masingil. Mga bahay na hindi ko man gustuhing pakinggan ay kusang umaalingawngaw sa pandinig ko.
Hanggang sa napukaw ang atensyon ko ng babaeng nakaupo sa tapat ko. May kausap siya sa cellphone at mukhang problemado. Base sa unipormeng suot niya ay isa siyang nursing student sa parehong University na pinapasukan ko. Hindi maipinta ang mukha niya na animo'y may mabigat na pinagdadaanan. Ramdam ko siya. Mahirap talaga ang buhay kolehiyo. Alam ko iyon, dahil bilang ComSci student, gabi-gabi akong napupuyat sa paggawa ng codes.
"Eh de break kung break!"
Halos mapangiwi ako sa narinig na bulalas niya. Akala ko pa naman ay tungkol sa pag-aaral ang problema niya. Love life pala.
Itinuon ko na lang ulit ang paningin ko sa bintana. Malapit na pala ako.
"Manong, subdivision po!" malakas na sabi ko.
Agad kong pinasadahan ng tingin ang suot kong wristwatch pagbaba ng jeep. Alas sais na rin pala kaya medyo madilim na.
"Cindy!"
Mabilis kong nilingon ang pinanggalingan ng sigaw na narinig ko. Nakita ko si Tatang Teodoro sa kabilang gilid ng kalsada na may bitbit na supot. Kinawayan ko pa siya at sinenyasan na 'sandali lang' dahil marami pang dumadaan na sasakyan. Nakagawian na kasi niyang bigyan ako ng bunga ng mga tanim niyang prutas tuwing umaga. Pero dahil sa pagmamadali kong pumasok kanina para di ma-traffic dahil sa road widening, hindi na niya iyon nai-abot sa'kin. Marahil ay hinintay niya talaga ang pag-uwi ko ngayong hapon.
Ang totoo niyan, marami ang takot sa kanya, lalo na ang mga bata. May kaunti kasi siyang diperensiya sa pagiisip. Pero hindi ako kabilang sa mga iyon. Bata pa lang ako ay kilala ko na siya. At alam kong kahit kakaiba ang behavior niya, mabait siya at hindi nananakit. Sa katunayan, naawa ako sa kanya. Hinuhusgahan siya ng mga tao: nilalayuan na parang criminal; iniiwasan na akala mo ay may nakakahawang sakit; ipinaparamdam sa kanya ang kakulangan niya. Pero para sa akin, isa din siyang normal na tao na nangangailangan ng pang-unawa at pagtanggap.
Nang makita kong wala nang sasakyan, nagsimula na akong humakbang papunta sa kinaroroonan niya.
Pero bago pa man ako tuluyang makatawid, ilang malalakas at sunod-sunod na busina ang gumulat sa 'kin. Halos manlamig ang buong katawan ko nang makita ang humaharurot na van papalapit sa akin. Napakabilis ng mga pangyayari. Sa sobrang bilis, hindi ko na namalayan ang sumunod na naganap. Ang alam ko lang, may naramdaman akong mainit na likido sa buo kong katawan kasabay ng nakabibinging sigawan sa paligid. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa ganoong sitwasyon, hanggang sa may pamilyar na boses akong narinig: sumisigaw; humahagulgol; paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ko.
'Mama.'
Gamit ang natitira ko pang lakas, pilit kong iminulat ang mga mata ko, dahan-dahan, hanggang sa may maaninag ako. Tumambad sa akin ang umiiyak mukha ni Mama. Naririnig ko rin ang boses ni Papa at ng nakababata kong kapatid. Hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi nila. Parang ayaw rumihistro sa isip ko ang mga salitang binibigkas nila. Nararamdaman ko na rin ang unti-unting pagbigat ng talukap ng mga mata ko. Gusto kong matulog. Parang pagod na pagod na ang katawan ko at kailangan nang magpahinga.
Sa sulok ng mga mata ko ay nakita ko si Tatang Teodoro. Umiiyak siya at parang may gustong sabihin. Gusto kong magsalita at sabihing 'ayos lang', pero ayaw bumuka ng bibig ko. Pilit ko siyang nginitian kahit hindi ako sigurado kung matagumpay kong naingiti ang mga labi ko, na pakiramdam ko ay namamanhid na.
Parang gusto ko nang matulog at magpadala sa kung anong bagay na tila humihila sa 'kin. Hindi na ako nanlaban pa. Sa halip ay kusa ko nang ipinikit ang mga mata ko.
Ang kalsada kung saan ko unang natutunang maglakbay mag-isa...
Ang kalsadang dinadaanan ko pauwi sa aking pamilya...
Ay ang pareho rin palang kalsada kung saan matatapos ang lahat.