Jareth
Nagising ako nang biglang bumukas ang pintuan ng kwarto ko. Kasunod nun ay ang mala bombo radyong boses ni mama.
"Ikaw Marrieth ha! Aga aga cellphone agad ang inaatupag! Kababae mong tao matuto kang magtrabaho!" sermon ni mama habang may hawak na walis.
"Ikaw Jareth bangon na" sabi naman nito sa akin at lumapit sa higaan ko.
Itinaas ko naman ang dalawa kong kamay at ngumiti para itayo niya ako.
"Sus" ngiti ni mama at binitawan ang walis at niyakap ako habang inaamoy amoy ang leeg ko.
"Hahaha mama!" tawa ko dahil nakikiliti ako.
"Bangon na anak, may lakad tayo maya maya" inakay niya ako paupo at inayos niya ang higaan ko.
"Saan po mama" sabi ko sabay hikab.
"May birthday dun sa bagong bahay na katabi natin, inimbitahan tayo" pinababa niya ako sa kama at tinupi ang kumot ko.
"Nak! Palitan na natin kumot mo ang panghi na!" biglang sabi ni mama kaya't agad akong napalingon sa kanya ng unti unti niya itong pinaikot ikot at inilagay sa balikat.
"Ayoko!" sigaw ko naman at hinila ang Batman kong kumot sa balikat niya at tumakbo palabas sa kuwarto.
"Hoy bumalik ka ditong bata ka" sigaw ni mama mula sa kuwarto pero dirediretso lang ako sa pagtakbo.
Nadaanan ko naman si ate na nakaupo sa sala habang nag cecellphone.
"Jareth! Isa!" banta ni mama kaya nanlaki ang mga mata ko sa kaba na baka kunin niya ang kumot ko.
Pumunta ako sa kusina at dumaan sa pintuan papuntang likod. Nagising naman ang aso namin na si Bravo at tumahol tahol sa gawi ko. Pilit ko namang niyakap ang buong kumot dahil medyo malaki.
"Jareth!" sigaw ulit ni mama galing sa loob.
Luminga linga ako sa palibot at pumatong sa may sirang balde na nakasandal sa gilid ng bakuran namin at umakyat palabas.
Nang tuluyan akong makatakas sa bahay ay inayos ko ang kumot na yakap yakap ko. Inamoy ko ito pero hindi naman masyadong mabaho eh, ayokong pinaliliguan si batman kasi baka malunod!
"Hoy ano ginagawa mo dito" biglang may sabi at napalingon ako sa likod.
Isang batang babae ang may hawak na barney ang lumapit sa akin at ang taray ng itsura, parang si ate sa tuwing inuutusan.
"What are you doing here" sabi na naman nito at tiningnan ako simula ulo hanggang paa. Ano daw? Basa pa ang buhok nito at nakadress na kulay blue na bestida na may mga princess na pinapalabas sa T.V.
Mas lalo kong niyakap ang kumot ko at umatras.
"What's that?" sabi na naman niya. Ano ba pinagsasabi niya?
"Alis" tipid kong sabi at nagulat naman ito at napahinto.
"You're at our backyard, ikaw ang umalis" taray nito habang nasa bewang ang isang kamay.
"Bleh Bleh, bading naman yang barney mo" sabi ko, nanonood ako dati ng barney pero sabi ni ate bading daw si barney kaya si Batman na ang paborito ko ngayon.
BINABASA MO ANG
Ang Manhid Kong Prinsesa
Dla nastolatkówAno nga ba kami? Mag kapitbahay, magkaibigan, minsan mag kaaway, kadalasan magkakampi, kakulitan, kalaro, sumbungan, takbuhan basta ang dami. Kaya lang di nila alam na sa munting mundo ko pinapantasya kong siya ang aking prinsesa at ako ang kanyang...