1

74.1K 1K 59
                                    


Maingat na pinasadahan ni Greg ng liha ang ginagawang crib na yari sa palochina. Sandali niyang itinigil ang ginagawa at tiningnan iyon. Sinuri. Yumuko siya para hipan ang mga pinaglihaan. Pagkatapos ay marahang hinimas iyon. Kinuha niya ang isang basahan at pinunasan ang crib. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi niya.

Hindi na niya mabilang ang baby crib na nagawa niya. At tuwing gumagawa siya ng crib ay lagi niyang naiisip na may bata sa loob niyon. And the image always brought a peculiar pang into his chest.

Hindi lang miminsang naisip ni Greg kung ano ang pakiramdam ng gumagawa siya ng crib para sa sarili niyang anak. But while the infant was easy to picture, its mother was something else. Hindi naman ito nabibili lang sa tindahan.

Marami namang babae ang dumaan sa buhay niya. At kagaya ng paggawa ng crib ay hindi na rin niya mabilang ang mga babaeng nagdaan sa kanya. Ilang babae na rin ang inakala niyang tama para sa kanya. Ngunit hindi naman nagtatagal ang relasyon niya sa mga ito. Somehow, the relationships had never quite developed into the kind of commitment that went with marriage and children.

Noong mga nakalipas na araw ay napapansin niyang parang balisa siya, a sense of something missing in his life. May matatag siyang trabaho, nasa ayos ang buhay niya, gayunman, tila may kulang pa rin. Something indefinable. There was a gap.

Nahinto si Greg sa pagpunas sa crib. Alam na niya kung ano iyon. He wanted a family. Wasn't it so bad? Iyong magkaroon ng sariling pamilya tutal nasa hustong gulang na naman siya at kaya namang bumuhay ng pamilya?

Pero hindi naman basta nakukuha o nabibili ang pamilya. It was something that grew out of a commitment to a woman and her commitment to you.

Napukaw ang pag-iisip niya ng tinig mula sa back door ng shop niya.

"Kailan naman kaya darating ang panahon na ang susunod mong gagawing crib ay para sa sarili mong anak?"

"O, Carlo," bati niya sa kaibigan.

Classmate niya ito mula pa noong unang taon niya sa kolehiyo. Wala siyang makita ritong maaari nilang pagkasunduan pero nakapagtatakang naging magkaibigan sila mula noon. Most often than not, Carlo was a pest. And yet he was the closest he could have as a brother.

"Masyado kang subsob sa trabaho, Greg. Paano ka makapag-aasawa niyan?"

"Ano na naman bang masamang hangin ang nagdala sa 'yo rito?"

Lumapit ito sa crib at hinimas iyon. "Wala naman. Kanina pa ako nagdo-doorbell. Walang sumasagot. Mabuti na lang at dumating si Betty." Ang tinutukoy nito ay ang katulong niya.

"Hindi ko siguro gustong maabala. Kaya hindi ko pinapansin."

Hindi nito pinansin ang sarcasm niya. "Ano ka ba naman, nagsiuwian na ang mga tao mo'y nagtatrabaho ka pa. Alas-sais na, ah." Sinisipat nito nang husto ang crib. Hinaplos ng mga daliri. "Hmm... Ito na yata ang pinakamagandang crib na nakita ko sa mga ginawa mo."

Greg snorted. Kilala niya ito. Kapag pinupuri ni Carlo ang gawa niya, isa lang ang ibig sabihin—may kailangan ito. "Iyan din ang sinabi mo sa mga nauna ko pang nagawa."

Nagkibit ito ng mga balikat. "Magaling ka namang talaga."

Ngumisi lang si Greg. "Ano'ng kailangan mo? Sabihin mo na. May pasakalye ka pa, eh."

"Ako?" Carlo's eyes were the very picture of injured friendship. "Paano mo naman nasabing may kailangan ako?"

"Maglolokohan pa ba tayo?" Isinandal niya ang likod sa pader ng shop, naiiling na tiningnan ang kaibigan. "Why, you're so damn predictable, my friend. Nitong nakaraang linggo ay hiniram mo ang sasakyan ko. Bago pa iyon, ako ang pinapunta mo sa isang date na hindi mo masisipot. So, ano naman ngayon? Mangungutang ka?"

Tiningnan siya ni Carlo, animo ay nasaktan sa sinabi niya. "What are friends for? Para namang wala tayong pinagsamahan niyan at nagbibilang ka ng ginagawa mong kabutihan sa akin."

Hindi niya pinansin ang eksaheradong pakunwaring pagdaramdam nito. He was instead amused. "Cut the theatrics, Carlo. Mangungutang ka? Akala ko ba'y naka-deal ka sa isang buyer ng real estate?"

"Para sa iyong kaalaman, hindi ako nagpunta rito para may hiramin o gawin kang proxy sa date ko, o kaya ay mangungutang. Dahil tama ka, mucho ako ngayon. I am actually inviting you."

"Saan naman?"

"Dinner. Sa resort ng tiyuhin ko sa Silang. Alam mo iyon, 'di ba?"

Tumango si Greg. Hindi ilang okasyon sa buhay ni Carlo ang ginanap sa resort ng tiyuhin nito sa Cavite. Katunayan ay kilala na niyang lahat ang buong pamilya ng kaibigan. Tulad din nito sa kanya.

"Ano na namang okasyon?" Ipinagpatuloy niya ang pagliha sa crib.

"It's a friend's birthday. Si Bianca. Remember her? Naikuwento ko na siya sa iyo, 'di ba?"

Sa dami ng babaeng inirereto ni Carlo sa kanya ay hindi niya maisip kung alin sa mga iyon ang sinasabi nito. "Bakit naman ako imbitado? Hindi ko naman kilala ang celebrant?"

"Ipinauubaya sa akin ni Bianca ang pag-iimbita sa mga kaibigan ko. Blowout ko kasi ito sa kanya. 'Yong kliyenteng ipinakilala niya sa akin ay bumili ng lupa sa Alabang. And I'm inviting you, Greg. Ginagarantiyahan ko sa iyong magugustuhan mo si Bianca."

He grimaced. "Stop playing matchmaker, Carlo. Tinalo mo pa ang Mama sa diskarte mo. Walang mangyayari sa ginagawa mong iyan. Nakakahiya naman doon sa mga babaeng inirereto mo sa akin dahil hindi ko sila magustuhan."

"Oh, not this time," puno ng kumpiyansang sabi nito. "I'm two hundred percent sure you will like Bianca. Matagal ko nang gustong ipakilala kayo sa isa't isa kaya lang mahirap pagtagpuin ang mga schedule ninyo. Pareho kayong laging abala."

"I don't think I can make it, Carlo. May rush—"

"You're becoming a hermit, Gregorio." Hindi nito hinayaang matapos ang sinasabi niya. "Kailan ka ba huling lumabas kasama ng isang magandang babae?"

"Nakaraang linggo lang," he said.

Umangat ang kilay ni Carlo. "Yeah. At sigurado ako na kung hindi si Samantha ay ang dalawang mga pamangkin mong babae."

Greg grinned. Lifting his shoulder. "Guilty."

Dalawang babae ang kapatid ni Greg. Si Sam, ang sumunod sa kanya ay isang empleyado sa gobyerno at sa Novaliches nakatira dahil tagaroon ang napangasawa nito. Dalawang batang babae ang anak nito.

Ang bunso ay si Luchie na isang nursing aide at nasa Italya at nakapag-asawa ng Italyano. Ang mama nila ay naroon na rin magmula nang magdalang-tao si Luchie.

Niyuko ni Carlo ang crib. "Mukhang finishing touches na lang ang kulang nitong ginagawa mo. Walang dahilan para ka tumanggi. Isa pa'y Sabado naman bukas at sa gabi gaganapin iyon. It's going to be a great evening, Greg. Believe me. Bianca's inviting her two friends, sina Pete at Jenny. I'm taking Trish."

"Hindi gugustuhin ng Bianca na iyon na may estranghero sa birthday niya. Sa ibang pagkakataon na lang, Carlo."

"Wala iyon kay Bianca. Besides, you're my friend. Come on, Greg," pamimilit nito. "Hindi ba ako ang nag-drive at nag-tour sa sampung pamangkin mo sa Boom na Boom Carnival? Nilibre ko pa sila pati snacks," pangongonsiyensiya nito.

"Dalawa lang ang mga pamangkin kong dinala mo roon, Carlo. And that was two years ago!"

Carlo smiled sheepishly. "Sa gulo ng mga pamangkin mong iyon katumbas nila'y sampung bata. Anyway, makabubuti sa iyo na lumabas ng bahay, Gregorio. Nagiging workaholic ka na. Ano ba ang balak mo? Pantayan ang yaman ni Bill Gates?"

Greg looked at his friend. Kapag hindi siya pumayag, walang gagawin si Carlo kundi kulitin siya nang kulitin. Sundan siya saan man siya magpunta at tatawagan sa telepono. Carlo was nothing if not persistent. Isa pa, marahil tama nga ito. Matagal na rin siyang hindi lumalabas para magliwaliw.

"Sige. Pero kapag may hindi magandang nangyari, huwag mo akong sisisihin."

Ngumiti si Carlo at pinagkiskis ang mga palad. "Magiging masaya ito, Greg. This is going to be a night to remember. You and Bianca are two of my favorite people and I really hope you'd hit it off."

When Fools Rush In (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon