Simula

3 0 0
                                    





Pinakapaborito ko sa lahat ng uri ng panahon kapag kulimlim ang langit. Hindi maaraw. Hindi maulan. Katamtaman lang. Bagamat walang kasiguraduhan kung anong susunod na mangyayari, tuyo ang lupa at malamig sa pakiramdam. Kahit hindi ako sigurado kung anong mangyayari bukas, mamaya o sa isang lingggo, ang mahalaga'y alam ko kung saan ako patungo.

Pinaglalaruan yata ako ng tadhana. Kasabay ng pagsikip ng dibdib at pagbabadya ng mabigat na emosyong dumadaloy sa mga mata ko ay ang pagpatak ng ulan sa aking payong at bahagyang pagkabasa ng sandals ko. Buti na lang, dinala ko ngayon ang blue hoodie na regalo sa akin ni mama. Kahit papano, feeling ko may nakayakap sakin habang nakasilong ako sa isa sa mga kolumbaryo.

Mula sa kinatataayuan ko, tanaw ang sunod-sunod na pagdating ng mga sasakyan. Dalawang jeep, limang kotse, isang van, tatlong tricycle. Puno ng mga taong nakaputi't itim na damit. Bakas sa kanilang mga mukha ang lungkot at pangungulila maliban sa mga batang walang muwang na sabik magtampisaw sa ulan. Ang ilan ay tinatakpan ang ilong dahil sa singaw ng lupa. Habang inaayos ng kababaihan ang lugar at humahanap ng kani-kanilang pwesto sa ilalim ng mga puting tent, ibinaba ng mga kalalakihan ang huling higaan ni tatay mula sa karo.

Tatay ang tawag ko sa kanya kahit apo niya ako. Sila ni Inay ang nagpalaki sakin habang nagtratrabaho sina Mama't Papa sa abroad. Unang apo, pinakamamahal at pinakasunod sa layaw.

Gusto kong lumapit. Gusto kong pagmasdan sa huling pagkakataon ang kanyang kulobot na mukha. Ang mga mata niyang binawi na ng panahon. Ang mga labi niyang pinagtampuhan ng kulay. Naiiyak ako. Hindi ko na mapigilan ang pagpatak ng luha ko. Bakit pa ba ako bumalik dito? Makalipas ang limang taon, limang taong puno ng pangungulila at paghihinagpis, ngayon na lang ulit ako "umuwi" ng Batangas. Umuwi sa tahanang nilisan ko pagkatapos akong pagtaksilan nito.

"Bakit hindi ka lumapit?", sabi ng lalaki sa gilid ko. Hindi ko napansin ang pagdaan niya. Naaliw ako sa pagmumuni-muni.

Pamilyar ang boses niya pero hindi ko gaanong maaninag ang kanyang mukha dahil nanlalabo ang paningin ko mula sa luhang kanina ko pa pinipigil.

"Natatakot ako.", nangangatal kong sagot sa kanya. "Baka hindi na nila ako tanggap."

"Subukan mo lang. Huling pagkakataon mo na para makita ang tatay mo."

Tama siya. Wala namang mawawala kung susubukan ko. Well, maliban sa kahihiyan at sa kapal ng mukha ko. Miss na miss ko na rin naman ang Tatay eh. Teka. Ang tatay? Paano niya nalaman? Kilala niya ako? Siya ba yan?

"Jay??"

"Nakaimutan mo na ako agad. Limang taon lang naman tayong hindi nagkita eh."

"Anong ginagawa mo dito?"

"Ikaw talaga, Mel. Parang wala tayong pinagsamahan."

Hindi pa rin nagbabago si Jay. Jay Andal. Palabiro. Mabait. Tahimik. Misteryoso. Nagbibigay ng lakas ng loob. Mahal ko. Minahal ko. Ang pinakahuling ex ni Melissa Domingo.



You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 07, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

8 Liham ng PaglayaWhere stories live. Discover now