Sexy Ang Mommy Ko

752 20 2
                                    


Walang araw at walang oras na hindi kasama ni Nicole ang kanyang mommy.

Nakamulatan na niyang laging sila ang magkasama kahit saan.

"Mommy, hmmm... ang bangu-bango mo, Mommy..."

Iilang saglit pa lamang sa pagkakadantay sa mabibilog na braso nito, madalas ay hindi niya namamalayang nakakatulog na siya roon. Nilalaru-laro niya ang malalambot na braso nito, dibdib, at malaking tiyan.

Tinatapik-tapik niya ang umaalong tiyan nito at inilalapat ang mukha niya roon. Minsan ay ginagawa niyang unan iyon bago siya matulog habang siya ay kinukuwentuhan o kaya ay ipinaghehele nito.

Pakiramdam niya, kahit ano mang posisyon, basta kasama niya ang kanyang mommy sa kama ay makatutulog siya kahit sa gitna ng mabibilog na hita nito.

Pinipisil-pisil niya ang mukha nito at ang alun-along baba nito. Tuwang-tuwa siya dahil naroon ang kiliti ng kanyang mommy.

Pero ang kanyang paborito ay ang tiyan ng kanyang mommy.

"Mommy, parang bolang malambot ang tiyan mo. At umaalun-alon pa...Ano kaya ang nasa loob nito?" humahagikgik pang biro niya lagi rito.

Naroong sinasakyan niya ang malambot na tiyan nito at ginagawa iyong parang kabayo.

Naroong inilulubog niya ang mukha niya roon na tila lumalangoy sa dagat.

Niyayakap niya ito, inaamuy-amoy, at hindi niya namamalayan ay nakatutulog na siya.

Higit na masaya si Nicole na kasama ang kanyang mommy kaysa mga kalaro niya.

Minsan, sa kanilang paaralan, kinakailangang magpunta ang kanyang mommy para sa isang pagpupulong ng mga magulang.

At siyempre pa, masayang ipinakilala ni Nicole ang kanyang mommy sa kanyang mga kaklase.

"Talaga, siya ang mommy ni Nicole?" dinig niyang namamanghang sabi ng isang kaklase niya.

"Ay, ang laki-laki, parang baboy!" humahagikgik na sabi ng isa pang kaklase niya.

"Parang balyena," tukso ng isang kaklase niya.

"Parang elepante!" tukso ng isa pa.

"Ang mommy ko, ang sexy-sexy ang ganda-ganda, o! Kamukha ko raw siya, "sabi ng isang kaklase ni Nicole.

"Ako rin, pareho raw kaming mukhang artista," sabi naman ng isa pa.

"Ako nga, ano, kukunin daw kami ng mommy ko sa commercial ng gatas. Sexy ang mommy ko at hindi dambuhala," pagmamayabang din ng isang kaklase niya.

Narinig lahat iyon ni Nicole. Nanlumo siya dahil pinagtatawanan ng kanyang mga kaklase ang kanyang mommy.

Kaya isang gabi, habang nakadungaw si Nicole sa bintana ng silid niya, tumingala siya sa kumikislap na kalangitan. Sa mga bituin, siya ay humiling.

"Sana maging sexy ang mommy ko. Hindi sana siya mataba," bulong niya. At napangiti siya nang mistulang makita niya ang kanyang mommy sa kalangitan na napaka-sexy.

Pero paggising niya kinaumagahan, nabigo siya nang makita niyang hindi nagbago ang kanyang mommy.

Hanggang sa mall na pinagpapasyalan sa kanya ng kanyang mommy ay hindi pa rin siya mapakali. Naalala niya na pinagtatawanan ng kanyang mga kaklase ang kanyang mommy.

Habang naglalakad ay naiisip niya kung pinagmamasdan ng mga tao ang kanyang mommy sa katabaan nito.

Siguro, pinipintasan ng mga tao si Mommy.

Dahil sa naisip ay tila gusto nang kumawala ni Nicole sa pagkakahawak ng kanyang mommy sa kamay niya. Nahihiya siya dahil tila tinitingnan ito ng mga tao.

Nahihiya ba siya dahil parang baboy ang kanyang mommy? Nahihiya ba siya dahil parang balyena ang kanyang mommy? Nahihiya ba siya dahil parang elepante ang kanyang mommy?

Sana sexy rin ang mommy ko, naisip niya.

Sa kanilang paglalakad sa mall, namalayan na lang ni Nicole na nawala na sa kamay niya ang nakahawak na kamay ng kanyang mommy. Nakabitaw siya sa pagkakahawak nito dahil sa dami ng tao.

Nasaan na ang kanyang mommy? Inilibot niya ang kanyang paningin.

Ang daming tao sa mall!

Sarisari.

Iba-iba ang mga hitsura.

Nagsasalubungan.

"Ang Mommy...?" impit na sabi niya sa kanyang paghahanap.

"Mommy?"

Ang mahinang boses ni Nicole ay lumakas.

"Mommy...? Mommy... Mommy ko!"

Inilibot niya ang kanyang tingin. Umikut-ikot siya, luminga-linga.

Hanggang sa hindi na niya napigilan at siya'y napaiyak.

"Mommy! Mommy! Mommy ko!"

Nakita niya ang isang babaeng nakatalikod. Tila ito ang mommy niya; pero sa pagkadismaya niya, nang humarap ito ay nakita niyang hindi ito ang kanyang mommy.

Lalong lumakas ang kanyang pag-iyak. "Mommy!" Lumakas nang lumakas ang kanyang pag-iyak.

Luminga-linga uli siya pero hindi niya makita ang kanyang mommy.

Hanggang sa namalayan na lamang niyang isang kamay ang humawak sa kanya. Kahit sa kanyang pag-iyak, naaninag niyang isa itong security guard.

"Ano'ng pangalan mo?" mahinahong tanong nito sa kanya.

Hindi nakasagot si Nicole dahil hindi niya mapigilan ang kanyang pag-iyak.

"Mommy ko! Mommy ko!" iyon lamang ang nasasambit niya.

Kinausap siya ng security guard at nangako itong hahanapin ang kanyang mommy.

Sa opisinang pinagdalhan ng security guard kay Nicole, narinig iyang nag-uusap ang mga tao roon kung paano hahanapin ang kanyang mommy.

Ilang saglit lamang, sa pintuan, ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha.

Walang iba kundi ang kanyang mommy.

"Mommy!" Humahangos siyang tumakbo rito. "Mommy ko!"

Niyakap siya nito nang mahigpit na mahigpit.

Unti-unti, ang pag-iyak ni Nicole ay nahalinhan ng ngiti.

Hindi niya maipaliwanag ang kanyang kaligayahan.

Pinahid ng kanyang mommy ang kanyang mga luha. Pagkatapos magpasalamat ng kanyang mommy sa security guard ay umalis na sila.

Nang gabing iyon, muli siyang tumingala sa langit at matamang tiningnan ang mga bituin. "Bituin, bituin, sana hindi na ako mawala uli para hindi na kami magkahiwalay ng mommy ko. Ipangako ninyo iyon, dahil iisa lamang ang mommy ko at hindi ko siya ipagpapalit kahit na kannino."

Sa malakutsong tiyan ng kanyang mommy, sa mabibilog na hita nito, sa malalambot na braso nito, laging magsusumiksik si Nicole, aamoy-amuyin ang kanyang mommy...

"Mmm... 'sarap-sarap ng may mommy..." Tumingala siya rito.

"Talaga?" tanong ng kanyang mommy.

Tumango lamang si Nicole at isiniksik ang mukha at ulo sa napakalambot na braso nito.

Ilang saglit lamang, siya ay nakatulog...nang mahimbing.

Sexy Ang Mommy Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon