A/N - Class.Picture Series was writen in 2002. The timeline of the stories revolve around this period.
Some ten years ago...
"FATIMA Mae Tiongco... Valedictorian!"
Pumailanlang ang malakas na palakpakan sa loob ng gym ng Sierra Carmela Academy. Bago pa makatayo si Fatima Mae sa kinauupuan ay binalingan siya ng mga kaklaseng kahilera sa row na iyon na pare-parehong mga honor graduate.
"Congrats, Ting!" Si Alejo ang unang-unang bumati sa kanya, ang class president nila sa nakalipas na apat na taon. Bukod pa sa pagiging presidente ng iba't ibang organisasyon, isa rin ang lalaki sa top ten graduates. Marami sa karangalang nakuha nito ay dahil sa involvement sa extracurricular activities.
"Ting, iba ka talaga! Kung palagi mo sana akong pinapakopya, sana, ako naman ang salutatorian!" pabirong bati ni Joel Alexander.
"Sobra ka naman!" singhal ni Aleamor kay Joel. "Nakakakopya ka na nga sa akin, pati ba naman kay Ting, gusto mo pa ring mangopya!" Binalingan siya ng babae. "Congrats, Ting! You deserve it!" Pagkatapos ay niyakap siya.
"Salamat! Salamat!" sincere na sabi ni Fatima Mae.
Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tuluyang nakaakyat sa stage. Mahigpit din siyang niyakap ng kanyang Lola Daria, ang kanyang paternal grandmother na nagpalaki sa kanya, at ang kinagisnan niyang ina.
Inulan din siya ng pagbati mula sa faculty. Ang totoo, mula nang ianunsiyo ang honors na nakuha nila ay hindi na rin natapos-tapos ang pagbating kanyang tinatanggap.
And she, being the valedictorian, felt very proud. Ayaw niyang isiping mas matagal sa stage sina Alejo, Joel, at Aleamor. Ang tatlo ang pinakamaraming medals dahil na rin sa pagkaaktibo sa maraming school activities, idagdag pang matatalino rin naman. Pero iba pa rin ang maging valedictorian. It was indeed the highest of all honors.
Fatima Mae held her head high. Hindi dahil gusto niyang ipagyabang ang karangalang natanggap kundi dahil mas proud siya na naroon ang kanyang ama—ang negosyanteng Filipino-Chinese na si Mariano Tiongco. Nakatingin ito sa kanya na nasa stage din dahil ito ang guest speaker ng okasyon. Sa Sierra Carmela Academy rin nagtapos ang kanyang ama.
Ilang beses nang inimbitahang speaker para sa mga graduation ang kanyang ama pero palaging puno ang schedule nito. At dahil siya, na kaisa-isang anak na ga-graduate din sa taong iyon ay mas pinagpursigihan ng committee na makuha ito bilang speaker.
Pero kinausap muna siya nang masinsinan ng ama bago pumayag. Tatanggapin lang daw nito ang imbitasyon kung magtatapos siya bilang valedictorian.
Madali namang umoo—pero hindi ang kanyang ama, na parang hindi pa rin nasisiyahan kahit consistent honor student siya. Ang gusto ay lagi siyang nangunguna sa klase. Kaya naman itinalaga na niya ang sarili na tutukan ang pag-aaral kahit pa nga gusto rin sana niyang sumama sa mga kaklase at sumali sa iba-ibang organizations.
But Fatima Mae knew her capacity. Totoo, matalino siya. Pero iyon ay dahil sa seryosong pag-aaral ng leksiyon. Kapag nahati ang atensiyon niya sa ibang bagay ay hindi na siya nakasisigurong mananatiling nangunguna sa klase. And she couldn't afford to lose that standing. Sigurado na ikakagalit iyon ng kanyang ama.
Tensiyonado ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Fatima Mae habang paakyat sa stage. Alam niya, sa kanya nakatingin ang lahat. Ang gusto sana niya ay i-focus na lang ang tingin sa kawalan pero ayaw naman niyang palampasin ang pagkakataong makita ang tuwa ng mga kaklase para sa kanya. Alam niyang ipinagmamalaki siya ng mga ito. Kahit wala siyang maituturing na kabarkada sa klase, kaibigan naman siya ng lahat. Minsan ay inisip ng mga ito na nerd siya dahil lagi siyang nasa library. Nagmumukha na siyang walking encyclopedia, lalo na at may eyeglasses pa.
![](https://img.wattpad.com/cover/207048596-288-k233393.jpg)
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 2 - My Secret Crush and Fantasy
RomancePagkatapos ng graduation sa high school ay nagkahiwa-hiwalay sina Fatima Mae at ang kanyang mga kaklase. Wala na siyang balita sa mga ito. Kaya ganoon na lang ang gulat niya nang makasabay niya sa eroplano si Alejo Sampana. Hindi kailanman niya maaa...