AYOKO NA!! bakit ba may mga taong mapanghusga? Yung tipong kung tignan ka nila akala mo isa kang species na ngayon lang na discover. Yung mga tingin nilang animo'y kilalang kilala ka na nila. Tapos pagbubulungan ka na akala nila di mo naririnig ang mga sinasabi nila sayo.. NARIRINIG KO ANG LAHAT.
Nagtataka siguro kayo kung bakit mainit ang ulo. Iniisip nyo rin siguro na judgemental din ako tulad ng mga taong nanghuhusga sa akin. Well, hindi naman sa ganoon. Sa totoo nyan, hindi naman lahat ng classmates ko ganoon, marami rin namang pala kaibigan. Kaso nagbago yata ang tingin nila sakin kanina sa klase.
Ganito kasi yung nangyari..
Dahil nga napuyat ako kagabi, inaantok tuloy ako sa klase. Ramdam na ramdam ko ang pagbigat ng talukap ng mga mata ko at alam ko na sandali na lang ay makakatulog na 'ko. Tiniis ko ang antok ko hanggang matapos ang second period, tsaka ko naisip na umidlip sandali bago ang next subject dahil mayroon naman kaming five minute break between classes para mag-C.R. o kung ano pa man ang aming dapat gawin. Naisip kong sapat na ang oras na iyon para makapag pahinga pero dahil sa ingay ng mga kaklase ko ay hindi ako makatulog. Kaya naman sinuot ko ang headset ko at tinodo ang volume. Para kasi sa akin ay mas madaling makatulog habang nakikinig ng music kaysa pakinggan ang mga sigawan nila. At ayun nga, nakatulog ako.
Naramdaman ko ang pagkulbit sa akin ni Cris pero di ko sya pinansin dahil antok na talaga ako. Nagulat nalang ako ng may humablot ng headset ko at may kumuha sa hawak kong ipod. Mabilis ko tinignan ang taong umistorbo sa akin para pagsabihan. Pero laking gulat ko ng makitang si Mrs. Rablez pala ang kumuha sa ipod ko, at mukang mainit ang ulo nya.
"Kahit saang paaralan ka pumunta, mahigpit na ipinag babawal ang paggamit ng gadgets sa oras ng klase. At higit sa lahat, ipinagbabawal na matulog sa oras ng klase ko" mahina ngunit mabigat niyang sabi sa akin.Oras ng klase? Agad naman akong napatingin sa wallclock sa harap at doon ko napagtanto na sampung minuto na pala ang nakakalipas simula ng nagsimula ang klase.
"Sorry po Ma'am," agad kong paghingi ng tawad. "Pangako, di ko na po uulitin. Di ko lang po talaga narinig ang pagpasok nyo" dagdag ko.
"Talagang hindi mo ako maririnig dahil may naka pasak sa mga tenga mo" medyo malakas nyang sabi. Muka yatang lalong nagpantig ang tenga nya dahil sa sinabi ko. Napansin ko namang nagtatawanan ang mga kaklase ko. "Quiet!" mabigat nyang sabi sa kanila. Muli siyang humarap sa aking, "mababawi mo lang 'to kapag nakausap ko na ang magulang mo." Pumunta na siya sa harap at ipinatong sa ibabaw ng teachers table ang ipod ko, saka pinagpatuloy ang lesson.
Mukang malabo ko ng mabawi ang ipod ko. Paano ba naman, wala na akong mga magulang.
"Sorry pare, sinubukan kitang gisingin kanina kaso nahuli ako ni Ma'am habang kinukulbit ka" bulong niya sa akin. Matipid ko lang siyang nginitian bago ibinaling ang atensyon sa blackboard.
Buong klase kong iniisip kung ano ang gagawin ko para mabawi ko yung gadget. Yari kasi ako pag nalaman ni ate. Naisip kong kausapin na lang agad si Mrs. Rablez pagkatapos ng klase. Baka makumbinsi ko syang ibalik na lang sa akin yung gamit ko.
At yun nga ang ginawa ko. Hinintay kong matapos ang klase.
Matapos ang klase ay agad akong nag madali upang makausap ang teacher ko bago pa sya makalayo. "Wait lang po Mrs. Rablez," malakas kong sabi. Naabutan ko siya sa labas ng pinto, agad naman siyang huminto at lumingon sa akin.
Matalim pa rin ang tingin niya sa akin. Malamang ay mainit pa rin ang ulo nya dahil sa kanina. "Yes Mr. Fuentes?" mataray niyang sabi.
Huminga muna ako ng malalim bago nagsalita. "Ma'am, gusto ko po kasi sanang makuha na yung ipod ko. Pangako po di ko na po ito ulit gagamit sa classroom" sabi ko na may halong pagpapakumbaba.
BINABASA MO ANG
Lips of an Angel
Teen FictionNaniniwala ka ba sa mga anghel? Naniniwala ka ba sa isa pang pagkakataon? Naniniwala ka ba na kahit gaano ka pa katalino o kagaling ay marami ka pang pwedeng matutunan? Naniniwala ka bang maaari ka pang makabawi sa na pagkakamali mo sa nakaraan? Ako...