(Paalala: Ang mga kwentong ito ay pawang kathang isip lamang. Anumang pagkakahawig sa mga tauhan, lugar at pangyayari na nakapaloob sa kwentong ito ay hindi sinasadya at pawang aksidente at nagkataon lamang. Kung nabasa ninyo ang Boystowner series ko eto naman ang love story version. Walang masyadong sex na kasama ang kwentong ito tulad nung nauna kong obra. Sinubukan kong isiksik ang sex sa istorya nung nauna upang taasan ng libido ang mga masugid nating taga subaybay.)
Pangatlo sa limang magkakapatid si Brian at siya lamang ang nagiisang lalake sa kanilang magkakapatid. Di mo masasabing mayaman ang pamilya nila pero may kaya naman sila. Malakas ang kanilang wholesale ng grocery at appliances at isa sila sa pinakamalaki sa Metro Manila.
Sobrang pilyo siya nung elementary siya kaya laging pinapatawag sa Principal's Office ang mga magulang niya dahil sa kanyang mga kalokohan. Malayong malayo sa apat niyang kapatid na honor student na sila Leslie, Eileen, Rachel at Julie.
2nd year Management student si Leslie sa Ateneo samantalang si Eileen naman ay 1st year Marketing Management sa La Salle . Ang kanyang mga mas nakakabatang kapatid naman ay nasa honor roll. Grade 4 na si Rachel samantalang grade 2 naman si Julie. Nangako naman si Brian sa kanyang mga magulang na magpapakatino na sa high school pero di siya pinaniwalaan. Dagdag pa ang pag sulsol nila Leslie at Eileen sa mga magulang nila. Ipinasok siya ng mga ito sa Boystown upang magbago.
First year high school nang pumasok si Brian sa Boystown at dito nagulat siya sa kanyang mga nakita. Walang sawang basag ulo araw araw dito at parang bilibid ang siste dito. At dahil baguhan ay lagi siyang nakukursunadahan ng mga mas matandang estudyante sa kanya. Pero dito ginamit niya ang utak niya. Kinaibigan niya ang mga loko sa klase nila at tinulungang makapasa. Tatlong taon na kasi sa first year sila Arnel, Miguel at Andrew. Nabuo ang kanilang pagiging magkaibigan. Tinutulungan niya ang mga ito sa klase habang pinoprotektahan naman nila si Brian sa mga lokong higher batch.
Buong school year nasa Boystown siya. Nakakauwi na lang siya kung bakasyon. Nang maipasa niya ang first year high school ay nakiusap ulit siya sa kanyang mga magulang na bumalik sa dati nilang eskwelahan. Bukas na ang kanilang isip dito ngunit kinontra nanaman ito nila Leslie at Eileen.Pumalag si Brian dito ngunit pinaboran ng mga magulang ni Brian ang mga ate nya.
Brian: Dad di ba pangako mo oras na nagpakatino ako sa Boystown ibabalik mo na ako sa dati?
Dad: anak ipagpatuloy mo na lang ang nasimulan mo dyan. Baka kasi hindi ka na makahabol oras na inilipat pa kita.
Walang nagawa si Brian kung hindi sumunod sa utos ng kanyang mga magulang. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag aaral dun at lalo pa niya itong pinagbutihan. Mataas ang mga markang nakukuha niya sa lahat ng kanyang subjects at siya na rin ang naging pambato nila sa mga quiz bee competition. Nagbabakasakali pa rin siyang makabalik sa private school na pinapasukan niya ngunit siya ay bigo. Pinagpatuloy na lamang ang maganda niyang nasimulan.
Nang umabot siya ng 4th year high school ay mas lalo siyang ginanahan mag aral. May mga taga Assumption kasi na pumunta sa Boystown para sa kanilang social awareness program. Dito halos tulo laway ang mga taga Boystown. Minsan lang kasing may dumalaw sa kanilang mga babaeng estudyante na taga private school. Pagalingan sila sa pag diskarte at pakikipag usap sa mga ito pero si Brian pasimple lang. Dito niya nakilala si Joanne. Kapwa niya 4th year student. Maganda si Joanne. Maikukumpara mo sa porselana ang kanyang kutis at tisay na tisay ang kanyang kulay. Complete package din kasi siya with beauty and brains. Dito sinimulan na ni Brian ang pag diskarte sa dalaga. Nakuha niya rin ang cellphone number nito.