“Sagwan”
ni Diego C. Pomarca Jr.
Tema: “Ang Wika Natin ay Laban sa Katiwalian”.
Likas sa tao ang makipagtalastasan sa kanyang kapwa gamit ang nag-iisang wika. Bunga nito ay nahubog ang kamalayan at ang kabihasnang nailimbag sa bawat pahina ng kasaysayan. Umunlad rin ang lipunan, ang sangkatauhan at ang pagkakakilanlan. Pagkakakilanlang tumatak maging anuman, maging sinuman at maging saan man tayo ngayon at sa hinaharap.
Isang mapagpalayang umaga po sa mga kapwa ko mag-aaral, sa mga kapwa ko Antiqueño, at sa ating lahat na may matibay na paninindigan sa ngalan ng pagmamalasakit sa bayang umaarangkada patungo sa kaunlaran.
Kamakailan lamang ay napapabalitang ipinanukala ng ilang mambabatas ang pagpapaliban ng halalan para sa Sangguniang Kabataan na gaganapin na sa buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon. Lalo pang pinangangambahan kung ito ay tuluyang mawawala na sa sistema ng pamamahalang panlokal. Ang malinaw na dahilan sa isyung ito ay ang bumabalot na katiwalian diumano sa pamamalakad ng mga namumuno dito. Oo nga naman at nagiging palasak na sa ating isipan ang salitang katiwalian o ang pagiging isang tiwali.
Tiwali ba ang hindi paglilingkod ng tapat sa bayan? Ang pagsisinungaling? Ang kakulangan ng tiwala ng taumbayan maging ang pagkamkam sa laang pondo ng bayan? Sa totoo lang mahirap ang mapagbintangan at lalo pong mahirap kung totoo ang bintang.
Ako po ay naniniwalang hindi pwedeng ganito na lang palagi ang pananaw tungkol sa papel na ginagampanan ng mga kabataang Pilipino. Batid kong may magagawa tayo para pigilan ito.
Katulad na lamang ng mga estudyante ng St. Louis College sa lungsod ng San Fernando sa La Union na gumamit ng pinagbigkis na mga plastik na bote na sana ay nasa basurahan na. Gamit ang mga ito ay nakagawa sila ng bangka na palutang-lutang sa rumaragasang tubig-baha nitong nakaraang linggo nang manalasa ang habagat at bagyong Maring sa Luzon at Kamaynilaan. Nakamamanghang isipin na sa tulong ng mga inaakala nating basura ay nailigtas ang maraming buhay.
Kung sa iba’t-ibang panig ng ating bansa ay magagawa ang kahit ganito man lang kasimpleng bagay at kung mabibigyan ang kagaya nila ng pagkakataong maglingkod sa bayan, ilang Juan at Juana dela Cruz kaya ang ating maisasalba? Ilang buhay at ilang pag-asa kaya ang kaya nating maiangat muli?
Mga kaibigan, isa po ang sangguniang kabataan sa mga mainam na pamamaraan upang malinang ang kakayahang mapaglingkuran ng buong husay at may katapatan ang nag-iisang perlas ng silangan. Kailangan po ito dahil tumatanda ang populasyong ating kinabibilangan. Pagdating ng tamang panahon ang ating mga kasalukuyang lider ay magbibigay pugay sa atin sabay sabi ng “ikaw na”.
Malaking hamon po ito. Kailangan sa pagharap nito ang nag-iisang boses. Boses na magtataguyod ng mga karapatan kaakibat ng ating mga pananagutan. Ito ang instrumento para maituwid ang maling akala na kahit sinuman sa atin ngayon ay hindi naghangad na magpatuloy pa ang siklo ng katiwalian.
Anupa’t may kaya tayong sambitin para maging panatag ang ating kalooban. Anupa’t pinagbuklod tayo ng ating wika na nagbigay sa atin ng katatagan. Anupa’t maihahalintulad natin ang wikang atin, ang wikang Filipino sa isang bangka kung saan kinakailangan ang mga tagapagsagwan.
Ikaw ‘yon. Ikaw at ako, sila, tayo! Tayo nga. Hindi lang isa kundi may iisang patutunguhan. Maramihan pero dapat nagtutulungan.
Magsalita ka. Magsasalita rin ako at sabay-sabay nating bibigkasin ang bagong depinisyon ng kabataang Pilipino laban sa katiwalian.
Oh ano, sasama ka ba? Maghihintay po ako.