Matapos ang nangyari kagabi lahat ay muling naging busy sa pag-aayos sa lahat ng mga nasira.May ilang nahuli ngunit kahit anong gawin namin ay hindi sila naglalabas ng kahit anong impormasyon tungkol sa grupo nila.
Hindi ko na prinoblema pa ito dahil isa na naman ako sa napiling sumabak sa susunod na operasyon. Ako, si Zeile, Hya at Jackie. Hindi nakasama si Alex dahil sa importanteng bagay na kailangan niyang gawin na hindi nabanggit sa amin.
Maaga kaming nagtungo sa sabungan at kahit masyado pang maaga ay napakarami na ng tao.
"Masyadong malaki ito, paano natin malalaman kung saan dito ang eksaktong lugar ng transakyon nila?" tanong ni Hya na kahit ako kanina pa tanong sa isipan ko.
"Mas makabubuti kung maghihiwalay tayo." mungkahi ko na sinang-ayunan nila. Wala pang isang minuto hindi ko na sila makita.
Habang pinagmamasdan ko ang mga nagkakagulong tao hindi ko napigilang maalala ang nakaraan. Minsan na rin akong napunta sa ganitong lugar.
Ang tatay ko na kaisa-isang kamag-anak ko dito ay kung hindi alak, sabungan ang sinasamba. Sa tuwing magtutungo siya sa sabungan upang pumusta ay sinasama niya ako upang matuto raw ako. Kahit kailan hindi ko ninais na matulad sa kanya.
May pagkakataon na magkakasunod na limang araw kaming walang makain dahil natalo sa sabungan ang pambili ng mga ito. Kahit labag sa kalooban ko ay nagnakaw ako ng araw na iyon upang may mailaman sa sikmura kong ilang araw nang kumakalam.
Akmang kukunin ko na ang pitaka ng lalaking nakatayo sa abangan ng bus nang humarap siya sa akin at hawakan ang aking kamay. Niluhod nito ang isa niyang tuhod upang magkatapat kami.
"Raver, may alam akong paraan upang maialis ka sa ganitong pamumuhay. Sundin mo lamang ako at masisiguro ko sa iyo na makakakain ka ng tatlong beses sa isang araw."
Matapos ang araw na iyon namulat na ako sa buhay ng isang agent. Sa edad na labing-tatlo nagsimula akong mag-ensayo upang maging mahusay na agent. Hindi ko na binalikan si Tatay na siyang kondisyon sa akin at ngayon
nagbabakasali ako kung makikita ko siya dito.Patuloy ako sa pagmasid nang mapansin ko ang isang lalaking nakasuot ng itim na hood at itim na mask sa di kalayuan. Nang magtama ang mga mata namin nagmadali siyang tumakbo palayo.
Hinabol ko siya at naabutan ko siyang pataas sa abandonadong gusali sa loob ng sabungang ito.
Tumaas siya hanggang sa ikatlong palapag, nang makaakyat ako dito ay hindi ko na siya makita ngunit may naririnig akong mga boses. Minabuti kong dahan-dahang lumapit dito. Sumilip ako sa silid na pinagmumulan nito at doon, nakita ko ang ilang lalaki at mga bag sa gilid. Bingo!
Nagtago ako at agad sinabi ito sa tatlo upang magtungo na sila dito. Bumalik ako upang muling magmasid. Mukhang hindi pa dumarating ang katransaksyon nila. Paulit-ulit din ang pagtingin nila sa kanilang relo.
"Galing mo brad." bulong ni Jackie. Hindi ko napansing dumating sila. Nagsenyasan na kami upang magsimula na.
Magkakasunod naming pinaputukan ang pitong lalaki sa loob. Madali silang napatumba dahil hindi nila inakalang may darating upang pigilan sila. Hindi sila nakapaghanda, bago pa nila nailabas ang kanilang baril ay natamaan na sila.
Nang masigurong ubos na ang mga ito ay nauna akong pumasok at binuksan ang dalawang itim na bag. Shabu.
"Kailangan na nating mailabas ito bago pa dumating ang mga katransaksyon nila." tumango silang tatlo. Binuhat ko ang dalawang bag at agad na lumabas.
Bumaba kami sa ikalawang palapag ng gusali. Mahahalata ang dala naming bag kapag sa harap kami dadaan kaya minabuti naming sa likod nalang. Dahil walang daanan naghanap kami ng bintana sa second floor na maaari naming daanan upang makaakyat sa sanga ng puno at doon dumaan upang makaalis.
Nakahanap kami at dahil sanay na kami sa akyatan ay sisiw na lang ito para sa amin. Nauna si Jackie na dala ang unang bag, sumunod si Hya na dala ang pangalawang bag, at si Zeile. Nang aakyat na ako ay may napansin akong tao sa likuran. Sinenyasan ko sila na mauna na at may titignan lang ako.
Maingat akong lumabas ng silid. Nahagip ng mata ko ang lalaking nakaitim kanina na patakbo palayo. Hinabol ko ito hanggang sa pumasok ito sa isang silid sa ikalawang palapag pa rin.
Walang bintana ang silid na ito at ang liwanag lamang na bumubuhay dito ay mula sa pintuang dadaanan ko. Kahit nag-aalinlangan ay tumuloy ako sa pagpasok dito. Sa sandaling pumasok ako ay sumara ang pinto dahilan upang balutin ng kadiliman ang buong silid.
Naagaw ang atensyon ko ng kandilang sumindi sa pinakagilid ng silid na hawak ng lalaking hinabol ko kanina. Sa tabi nito ay dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na hood ngunit wala silang mask tulad ng sa isa ngunit kahit ganito ay hindi ko pa rin maaninag ang kanilang mukha.
Dahan-dahan akong humakbang palapit sa kanila at hindi tinatanggal ang tingin sa kanila sa anumang maaari nilang gawin.
"May nalalaman ka ba sa maruming tinatago ng ahensyang kinabibilangan mo?" tanong ng lalaking nasa kanan na kinakunot ng noo ko.
"Ang tatlong babaeng kasama mong nagtungo dito, inaakala mo bang tulad mo, kusa nilang niyakap ang buhay agent?" dagdag ng lalaking nasa kaliwa.
Sila Zeile, Hya at Jackie ba ang tinutukoy nila?
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit ang kondisyon sa iyo ng lalaking iyon ay kahit kailan 'wag kang makipagkita sa iyong ama? Upang wala kang maging kahinaan kapag sinabak ka na niya sa ganitong operasyon. Hindi mo rin ba natanong ang sarili mo kung nasaan na ang tatay mo? Pinatay siya ng lalaking tinitingala mo dahil nakita niya itong sagabal sa mga plano niya." hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa sinabi ng lalaki sa gitna ngunit may parte sa akin na pinaniniwalan ito. Pero imposible ang sinasabi niya, hindi niya magagawa iyon.
"Hindi ka namin pipilitin kung ayaw mong maniwala."
"Bilang lalaking madalas kasama ng tatlong babaeng tinutukoy namin, nais naming siguraduhin mo ang kaligtasan nila. Kapag may nangyari sa kanilang masama babalikan ka namin."
"Sino kayo? Anong kailangan niyo!" sigaw ko sa kanila bago tumakbo patungo sa kanilang direksyon ngunit bago pa ako makalapit ay hinipan ng lalaking nasa gitna ang kandila dahilan upang muling mamayani ang kadiliman.
"Raver, easy bro, babawiin lang namin ang ninakaw sa amin."
Matapos ko itong marinig mula sa aking likuran ay bumukas ang pintuan at tanging ako na lamang ang natira sa madilim na silid.