DILAW ANG KULAY NG KATARUNGAN
Maikling Kuwento ni Jun Panganiban Austria
“Mula sa hanay ng mga estudyante ay pakinggan natin ang espesyal na bilang mula sa pangkat ng Pulang Sining!”
Kinakabahang hinawakan ni Rowena ang mikropono. Nagsimula namang
kumalabit sa gitara ang kaibigan niyang si Stephanie.
Mangagawa, kayong lumilikha ang yaman ng bansa
Kayong malaon nang iginupo ng dahas
Magkaisa’t labanan ang pang-aapi
Kahit na libong buhay man ang masawi
Walang kailangan kung ang magiging kapalit
Ay ang kalayaang minimithi.
Panahon na, panahon na mga kasama
Ipakita ang lakas ng inyong pagkakaisa
Panahon na, panahon na mga kasama
Nang makamtan ng bayan ang tunay na kalayaan!
Nakabibingi ang naging palakpakan pagkatapos ng kanyang awit. Ang may
hawak ng mikropono ay sumigaw:
“Uring manggagawa!”
“Hukbong mapagpalaya!”, ang tugon ng mahigit isanlibong manggagawang
nagtitipon-tipon sa harap ng Export Processing Zone Area na matatagpuan sa Cavite.
Iyon ang huling pagdalo ni Rowena sa pagdiriwang ng Mayo Uno sa EPZA
na kasama si Stephanie. Ang huling balita niya sa kaibigan ay tuluyan na itong namundok
kasama ang nobyong si Marvin. Kung sa Quezon o sa Mindoro sila nagtungo ay di niya batid. Nangingiti siya kapag naaalala ang mga masasayang pinagsamahan nila ng kanyang kaibigan. Nang sumunod na semester ay nahinto na siya sa pag-aaral at tuluyan nang nawalan siya ng balita sa magkasintahang naging NPA.
Kalalamig pa lamang ng mainit na talakayan sa pulong ng kanilang unyon. Malapit nang pumutok ang welga ng mga mangagawa sa Tan Garments Corporation. Bilang kalihim ng unyon, matatag ang paninindigan ni Rowena. Bago nahinto sa pag-aaral sa kolehiyo ay pinanday na ng aktibismo ang kanyang mga prinsipyo sa buhay.
Paborito niyang basahin ang Noli MeTangere at El Filibusterismo ni Rizal at kahit ang
ilang nobela tulad ng Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes at Dekada ’70