Gulong-gulong tinitigan ko ang sira-ulong lalaking tumawag sakin ng "Señorita." Hindi ko alam kung bago bang pakulo ng mga akyat-bahay ang magbaliw-baliwan.
Literal na nanlalambot na ang dalawang tuhod ko dahil sa kaba, kaya bago pa ko tuluyang matuod sa kinatatayuan ko ay nagpasya na kong tumakbo habang sumisigaw.
"TULONG! MGA KAPIT-BAHAY! MAY MAGNANAKAW!"
Nakita ko pang nanlaki ang dalawang mata ng lalaki bago ako tuluyang tumalikod.
"Señorita! Nagkakamali ka!"
Lalong sumama ang timpla ng mukha ko. Kinikilabutan ako sa pagtawag niya sakin ng Señorita!
"Tigilan mo nga pagtawag sakin niyan!" sigaw ko dito bago ako nagmamadaling bumaba sa hagdan.
"Binibini, maghunos-dili ka! Hindi ako masamang tao!"
Hindi ako makapaniwalang humarap sa kanya, "Binibini? Sira-ulo ka ba talaga?"
Tumigil siya sa pagtakbo. Nakababa na ko sa huling baitang ng hagdan habang siya'y nanatiling nakatayo sa pinaka-itaas nito.
"Ipagpaumanhin mo, ngunit hayaan mo kong makapagpaliwanag."
Hindi na ganoon kalinaw ang mga mata ko, pero kitang-kita ko kung gaano lumamlam ang tingin nito sakin.
Doon ko lang din napansin na may kagwapuhang taglay ng estraherong pumasok sa kwarto ko.
Pero may sayad lang ang maniniwala sa sira-ulong 'to. Neknek niya! Wala siyang maloloko dito!
Hindi ko siya sinagot, bagkus tumakbo ako kaagad palabas ng bahay para dumeretso sa barangay hall. Ipapa-blatter ko ang lalaking 'yon!
Hindi ko pa tuluyang nabubuksan ang gate ay naramdaman ko ang pagtakip ng may kagaspangang palad sa bibig ko.
Lalo akong nag-panic nang maramdaman kong niyakap niya ang tiyan ko kasama ang dalawang braso para mabitawan ko ang kandado ng gate. Manyak!
"Humihingi ako ng kapatawaran sa kalapastanganang ginagawa ko, Binibini," bulong nito sa kaliwang tenga ko. "Ngunit hindi kita mapahihintulutang lumabas ng tahanan niyo para makapagsumbong. Kailangan mo munang pakinggan ang mga sasabihin ko."
Saktong pagtapos niyang magsalita ay dumaan ang kapitbahay naming si Ka Lucing. Kilalang masungit at strikta ang matanda 'to, pero siya na lang ang pag-asa kong makaligtas sa manyak na 'to!
"Mmm-mmm.." pilit akong kumakawala sa mahigpit na pagkakahawak nito sakin. Hindi ako makapagsalita dahil nga sa pagtakip nito sa bibig ko. Ramdam ko ding naluluha na ko sa takot. Pero walang mangyayari kung iiyak lang ako dito.
Nakita kong kumunot ang noo ng matanda ng magawi ang tingin nito sa amin.
"Kayong mga bata talaga! Kung maglampungan parang mga walang pinag-aralan! Pumasok kayo sa loob at doon niyo ituloy yan!" sigaw nito sa amin.
Kumunot ang noo ko. Hindi ba nito nakikitang humihingi ako ng tulong?
Lalo akong nagpanic nang makita kong aalis na ang matanda. Dahil siguro sa katandaan ay hindi na maayos ang pandinig at paningin niya kaya hindi niya ko maintindihan.
Nakaramdam ako ng adrenaline rush nang mapagtanto kong si Ka Lucing lang ang tao sa malapit, at kapag nakalayo pa ito ay kami na lang ang matitira at hindi na 'ko makakahingi ng tulong.
Agad akong pumikit at kinagat ang kamay ng manyakis. Bakit ba ngayon ko lang naisip?!
"Aray!"
Nabitawan ako nito at agad hinawakan ang kamay na kinagat ko. Doon ako nakakuha ng tyempo para makalabas.
Hindi ko pa tuluyang nabubuksan ang gate ay naramdaman ko na namang nakahawak siya sa braso ko.
Hindi na ko nag-isip, agad ko siyang sinampal at sinipa sa hita.Baga ako tuluyang tumakbo ay tinignan ko pa 'to ng huling beses. Kailangan mai-sketch ng mabuti ang mukha ng manyak na 'to nang hindi na makaperwisyo pa ng iba.
"Anak!"
Agad akong tumayo sa pagkaka-upo nang marinig ko ang pagtawag ni Mama.
Nandito ako ngayon sa barangay hall. Hindi ko pa nasasabi sa Kapitan at sa kasama niyang tanod ang buong storya dahil minabuti nilang hintayin muna si Mama kahit pa hindi na ko minor de edad. Nagpadala na lang si Kap. Roger ng tatlong tanond para mapuntahan ang bahay namin.
"Anong nangyari? Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito sa akin habang hawak ang magkabilang pisngi ko.
Hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Yumakap ako kay Mama nang unti-unting nag-sink in sakin ang mga nangyari kanina."Beatrize. Nakita naming humahangos ang anak mo papunta dito. Ang sabi niya'y may nakapasok daw na lalaki sa bahay niyo kaya nagpapunta ko ng tatlong tanod natin sa inyo," sabi ni Kap kay Mama na nakayakap pa din sakin, "Hinintay ka muna namin dahil mas mabuti kung nandyan ka sa tabi ng anak mo."
Naramdaman ko ang pagtango ni Mama at pag-aya sakin nito sa upuan sa harap ng table ni Kap.
"Hija, maaari ka na bang magbigay ng statement?" tanong sakin nito sakin.
Tumingin ako kay Mama at nakitang tumango ito. Huminga ako ng malalim bago nag-umpisang sabihin sa kanila lahat ng nangyari."Bale nadaanan kayo ni Ka Lucing sa may gate?" tanong nito sakin ng mabanggit kong sinubukan kong humingi ng tulong sa matanda.
"Opo. Pero hindi na po yata maayos ang pandinig ni Ka Lucing kaya hindi niya ko madinig." sagot ko.
"Hindi niya ba kayo nakita?"
"Nakita po. Pinagalitan pa nga po kami dahil akala niya boyfriend ko yung lalaki."
Sumandal si Kap. sa swivel chair niya nang dumating ang tatlong tanod na inutusan niya para pumunta sa bahay namin.
"Kap! Wala po kaming nakitang tao sa Casa de Simeona."
Bumuntong hininga ang kapitan bago nagsalita, "Pasenya na, Beatrize. Mukhang nahuli ang mga bata ko. Huwag kang mag-alala. Padating na ang sketch artist na kakilala ko sa kabilang bayan," tumingin ito sakin bago muling nagsalita, "Pwede mo bang idetalye sa kanya ang itsura ng umatake sayong lalaki?"
Tango ang tanging naisagot ko dito.
Napansin siguro ni Mama ang pagbuntong-hininga ko, "Ayos ka lang, 'Nak?" tanong nito saka marahang hinagod ang likod ko.
Tumango ako dito. Wala naman akong sinisisi pero nanghihinayang ako dahil hindi nila naabutan ang lalaki. Kung hindi siya mahuli agad baka may iba pa siyang mabiktima.
"'Wag kang mag-alala, Nak. Siguradong mabuhuli nila Kapitan ang pumasok sa bahay natin."
Ngumiti ako dito bilang pagsang-ayon.
Kilala ang Santa Nordes bilang pinakamalaki, malinis, at ligtas na barangay sa buong bayan ng Gerona. Salamat sa anim na taong pamumuno ni Kap. Roger."Kap., pinatawag niyo daw po ako?"
Napalingon kaming lahat nang may tumawag kay Kap. Roger.
Pilit kong kinikilala ang lalaki. Sigurado 'kong nakita ko na siya, eh.
At ganon na lang ang pagkabog ng dibdib ko nang mapagtanto ko kung sino ito.
Magandang araw! Nais ko sanang malaman ang inyong mga puna para sa limang kabanata na 'to.
Feel free to comment kung boring ba, may dapat bang baguhin, etc. 'Yun lamang. Salamat!
- olivia avery.
BINABASA MO ANG
Tadhana Nga Ba?
Teen Fiction𝗛 𝗜 𝗔 𝗧 𝗨 𝗦 Hindi inakala ni Ara na ang pag-uwi niya sa Santa Nordes para sa summer vacation ang gugulo at babago sa buhay niya. Dahil sa isang bibliya, pluma, at hiling mula sa puso, ang mga katotohanang nakatago sa pahina ng nakaraang h...