“PANAGINIP”
by unknownheroe (HiroshiBagasonAllera)
“Takbo! Tumakbo ka, Sandra!”
Malakas, sobrang lakas ng sigaw niya. Hindi ko maaninag ang mukha ng lalaking sumisigaw ng mga katagang iyon, marahil dahil sa mga natamo kong sugat. Ngunit bakit? Bakit sobrang daming dugo ang umaagos sa binti at braso ko?
“Huwag kang titigil sa pagtakbo! Sandra, huwag mo na akong intindihi—”
Sandali akong lumingon ng matigil sa pagsasalita ang lalaki sa likuran ko. Natigil ako sa pagtakbo, kusa ring napirmi ang mga paa ko ng makita ko mismo ang pagtusok ng isang matulis na bagay sa tiyan nung lalaking nagsisisigaw ng pangalan ko.
T-teka, bakit ba ako tumigil? Kailangan ko ba siyang iligtas? Bakit ba ako tumatakbo?
S-sandli lang, ang eksenang ito, nanaman? Bwisit...
“Sandra, Sandra! Hoy! Lagot na.” Dinig kong bulong ni Mara, bago ko imulat ang mga mata ko at tuluyang bumalik sa reyalidad. Pawis at balisa sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Nakakunot-noo sa harapan ko ang professor namin, at mukhang sa titig palang niya alam ko na ang kasunod nito.
“Ms. Santiago! You’re sleeping? Again? In my class?” Malakas na buntong-hininga ang nakita kong ginawa ni Mara mula sa gilid ko. Bumalik sa wisyo ang lahat ng senses ko.
“S-sorry po, Ma’am Carina, nakatulog po ak—”
Gusto ko pa sanang magpaliwanag ngunit hinayaan ko nang putulin ni Ma’am Carina ang gusto ko sanang sabihin. “No, this is the third time you did this. Kung nakakaantok ang literature class ko then go, libre lumabas sa room na ito.” Galit na galit ang tono niya.
“Sorry po talaga hindi ko po namalayan na nakatulog ako.”
Nagtaas muna siya ng kilay bago muling humirit. “This is so inappropriate, I will give no excuses with this cases. Third time's a charm, Miss Santiago. I will drop you in this course. Class, dismiss.”
Naiwan akong tulala sa kinauupuan ko habang tuluyang umalis ang Prof namin sa room.
Agad na lumapit si Mara sa akin. “Sandy, ano ‘yun? Sa dinami-dami ng puwedeng tulugan major pa talaga? Kanina gising na gising ka pa, kung kailan naman last ten minutes doon ka pa dinapuan ng antok.” Bakas ang pag-aalala sa tono ni Mara.
“Ewan ko ba, hay nako.” ‘Yun na lamang ang nasagot ko. Dahil kahit sarili ko ang tanungin ko, alam kong napaka-babaw ng rason ko kung bakit ako nakakatulog sa oras na ‘yun. Ewan ko ba, lagi akong inaantok sa tuwing siya ang nagtuturo, at hindi ko makontrol ang mga mata ko, kusa ‘yung bumabagsak. At ang hindi ko pa maintindihan, eh sa tuwing madaling-araw, doon naman ako gising. ‘Yun nga rin ata ang dahilan kung bakit ako nakakatulog ng hindi sinasadya. Sobrang nakakapuyat ‘yun lalo na’t nasa morning session ako.
“Ano nang plano mo?” Tanong ni Mara habang unti-unting nababawasan ang mga estudyante sa loob ng room.
“Hays. Try ko nalang paki-usapan. Easy forget-easy forgive naman ‘yun si Ma’am, eh.” Hindi ko alam kung binibigyan ko lang ba ng pag-asa ang sarili ko o ano.
Napa-iling nalang si Mara sa mga sinabi ko. “Mauna ka nang umuwi. Ngayon ko na susuyuin si Prof.” Mabilis kong sabi na agad naman niyang tinanguan. Nagpaalam na kami sa isa’t-isa. Tumayo ako upang lumabas na ng room, at mabilis kong tinungo ang faculty.
Halos liparin ko na ang daan patungong faculty room. Ngunit sa kasamaang palad, naka alis na raw si Ma’am Carina. Nakakapagtaka talaga ang bilis niyang magpalipat-lipat sa iba’t-ibang kolehiyo. Hay nako, bwisit talaga. Hindi ko maiwasang kainisan ang sarili ko.
Naisipan ko nalang ipagpabukas ang pakikipag areglo kay Ma’am Carina. Sinubukan ko pang habulin si Mara sa pasilyo palabas ngunit marami nang estudyante ang nag-uunahang makalabas sa main gate ng university at ayaw ko naman makipagsiksikan. Umupo nalang ako sa gilid, sa dulong bahagi ng mga benches at pinag isipan ang mga posibilidad kung sakaling i-drop nga ako ni Prof sa course niya. Sobrang daming bagay ang pumasok sa sintido ko, kasama na roon ang tungkol sa wierd na panaginip ko kanina. Tungkol sa lalaking iyon.
Sino nga kaya siya? At bakit siya palagi ang napapaniginipan ko sa tuwing nakakatulog ako sa klase?
Halos isang linggo ko naring nakikita sa panaginip ang mukha ng lalaking iyon. At sa tatlong beses na nakatulog ako sa klase, siya at siya ang napapanaginipan ko. Ang hitsura niya, parang ‘yung mga tatay sa mga foreign films na laging nakasuot ng sombrero at pulos neutral ang suot. At ang boses niya, kabisadong-kabisado ko na ang tono nito. Mababa, parang baritone.
“Sandra.” Sa gulat ko’y napahawak ako sa dibdib ko. Nakakarinig ako ng boses sa loob ng isipan ko. Ang boses na iyon. Hindi ako puwedeng magkamali. Walang ibang tao sa kinauupuan ko.
“Sandra, tumakbo ka na.” Magkahalong kaba at takot ang nadama ko ng marinig ko ang boses ng lalaking nasa panaginip ko. At sinasabi niya ang mga bagay na lagi kong naririnig sa tuwing napapanaginipan ko siya. Ngunit bakit naririnig ko siya mula sa isipan ko? Nakakapagtaka.
Nagdalawang isip akong tumayo sa bench, iniisip ko kung nababaliw na ba ako o baka meron nga talagang tao sa paligid ko. Kaya’t marahan akong tumayo, patuloy parin ang pagsasalita ng lalaki. Dinig na dinig ko ito.
“Sandra. Huwag mo na akong isipin.” Ilang sandali pa ang lumipas bago ko napagpasyahang maglakad palabas. Ngunit, walang katao tao sa buong university. Bahagya akong napatigil, wala akong madinig na ano mang ingay sa paligid. Hindi ko ito napansin kanina, marahil ay dahil sa pagfofocus ko sa boses na naririnig ko sa aking isipan.
“Sandra. Tumakbo ka.” Ilang lingon pa ang ginawa ko bago ako tuluyang tumakbo palabas ng main gate, ngunit wala parin ni isang tao akong nasalubong. Nakakapagtaka, dahil nasa labas na ako ng university, at ang tangi ko lang nakikita ay ang maluwag na kalsada, walang dumadaang sasakyan. Wala ni isang bakas ng tao.
“Sandra.” At sa pagkakataong ito, isang boses ang nangibabaw. Nagmula sa likuran ko, masasabi kong mula na ito sa totoong tao. Lumingon ako..
“Tumakbo ka na!” Muli kong naramdaman ang hapdi sa binti at braso ko. Dugo. Dumudugo ang mga ito.
“S-sino ka ba?” Hindi ko mai-galaw ang mga paa ko ng makita kong muli ang mukha ng lalaki sa panaginip ko. Sino ba ang taong ito?
Punong-puno na ng kaba ang dibdib ko, hanggang sa tuluyan na nga siyang masaksak ng isang matulis na bagay mula sa kanyang likuran. Gaya ng lagi kong nakikita, gulat parin ako dahil hindi ko maiwasang hindi matakot sa paraan ng pagkakapatay sa kanya.
Tumindi ang kabang nararamdaman ko dahil sa tingin ko, tunay na ang mga pangyayaring nasasaksihan ko. Ngunit ang mas lalong nagbigay kaba sa akin ay ang unti-unting pagbabago ng mukha nung lalaking nasaksak. Sa isang iglap naging ako ang taong nakahandusay sa kalsada at duguan. Muli ko ring pinakiramdaman ang braso’t binti ko na ngayo’y wala ng sugat.
Habang pinagmamasdan ko ang sarili kong katawan na duguan, ay saka bumungad sa akin ang taong sumaksak dito. Naguguluhan man ako sa mga nangyayari, ngunit hindi ako malilinlang ng mukhang nakikita ko sa aking harapan ngayon. Hindi maaari.
“Mara?”
“Oo, Sandra. Welcome sa panaginip ko.”
BINABASA MO ANG
Panaginip (Published Short Story on PSICOM App)
Mystery / Thriller"Every story has its own side. Every other one." SHORT STORY PUBLISHED UNDER PSICOM