Binabagtas ni Summer ang pamilyar na highway patungo sa kanilang bayan. Ang maliit na bayan ng Villa Elena. Ang lugar kung saan siya ipinanganak at nagkamalay. Sa lugar na iyun ay ginugol niya ang halos kalahati ng taon ng kanyang buhay, mula sa kanyang kabataan hanggang sa kanyang pagdadalaga.
Hindi niya inakala na magiging labis ang kanyang pananabik na muling masilayan ang lugar na kinalakhan. Napakaraming masasayang alaala ang naiwan niya sa lugar na iyun.
Nagpalinga-linga siya habang abala ang kanyang mga kamay sa pagmamaniubra ng manibela ng sasakyan na kanyang inarkila. Napansin niya na, sa loob ng sampung taon ay malaki na ang ipinagbago ng kanilang maliit na bayan, kahit papaano ay nakitaan nang pag-unlad at pagprogreso ang lugar.
Lumapad na ang noon ay makikipot na mga kalsada. Noon kasi, halos dalawang sasakyan lang ang kasya sa kanilang main road, ngayon ay apat na at makinis na rin at wala ng lubak.
At may mga nagsulputan na din na mga bagong establishments sa bayan. Kagaya ng maliit na mall, bagong tayong pamilihang bayan, may mga fast-food chains na rin, bakeshop, at iba't ibang mga bagong tayong tindahan.
May mga mangilan-ngilan pa rin na mga lumang gusali, gaya ng simbahan ng Sta. Elena, City Hall, parke, public elementary school kung saan siya nag-aaral noon at mukhang wala pa ring pinagbago, at ang malapit sa puso niya, ang paaralan niya noong siya ay nasa high school pa.
Ang mga lumang gusali ay nagbibigay ng nostalgic feeling sa kapaligiran. Parang nag- flash back ang nakaraan sa kanya ng mga sandaling iyun.
Ilang minuto pa siyang nag- drive hanggang sa marating niya ang dahilan ng kanyang pagbabalik sa maliit na bayan na kanyang kinalakhan.
Ipinarada niya ang kanyang inarkila na sasakyan sa gilid ng kalsada, medyo iniakyat pa niya ng kaunti ang sasakyan sa medyo madamo at mabato na bahagi ng gilid ng daan, para hindi makasagabal ang kanyang sasakyan sa iba pang mga sasakyan na magdadaan.
Mabilis siyang lumabas ng kotse at isang malapad na ngiti ang agad na gumuhit sa kanyang mga pisngi.
Binagtas niya ang paakyat na daan na madamo at medyo mabato. Ang kanyang mga hakbang ay nadagdagan ng sigla habang natatanaw na niya mula sa kalayuan ang isang parte ng kanyang kabataan, naging mabilis ang kanyang paglakad papalapit sa malaking puno ng narra. Excited siyang tumingala sa matayog na puno. Tuwang-tuwa siya na makita itong muli, hindi niya inakala na sa loob ng sampung taon ay maaabutan pa niyang nakatayo ang matayog na punong iyun. Ang puno na iyun ay naging piping saksi sa kanyang kasiyahan at kalungkutan noong teenager pa lamang siya.
Lumapit siya sa puno at inilapat niya ang kanyang palad sa malaki at magaspang na katawan nito, huminga siya ng malalim para maamoy niya ang sariwang bango ng mga dahon.
"Natutuwa ako at inabutan pa rin kita na matayog na nakatayo rito" ang bulong niya sa katawan nito. Noon pa man ay ganun na ang kanyang ginagawa, ang kausapin ito. At sa tuwing iihip ang hangin tila ba sumasagot ito sa kanya. At ang pag galaw ng mga dahon nito ang paraan nito para kausapin siya.
"Magkikita pa tayong muli, medyo matagal-tagal pa ang ilalagi ko rito, pangako araw-araw kitang pupuntahan" ang muling sabi niya rito.
Pagkatapos ay naglakad siyang muli, patungo sa kanyang sadya roon, pataas ang lugar at medyo mabato na ang daan. Kahit pa hirap siya sa bawat paghakbang dahil hindi akma ang suot niyang doll shoes para sa ganoong lakaran ay di niya iyun alintana.
Binagtas niya ang mabatong daan pataas, hanggang sa maamoy na niya ang maalat na hangin na mula sa dagat, dinig na rin niya ang tunog ng mga alon na humahampas sa mga batuhan, batid niyang malapit na siya sa lugar na kanyang sadya, at mas lalong bumilis ang kanyang paghakbang.
Hanggang sa matunton na niya ang isang lighthouse na daang taon na ang gulang. Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi at nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Ang lighthouse na iyun ay naging saksi sa pag-usbong ng kanyang pag-ibig sa murang edad na seventeen.
Hindi niya inakala na magbabalik pa siya sa lugar na ito. Pero dahil sa isang pangako at dahil sa....
Napabuntong-hininga na lamang siya. Ipinangako niya sa sarili na magbabalik siya sa lugar na ito para ipaayos at para ipanumbalik ang dating ganda ng lighthouse, kapag naging matagumpay na siya sa kanyang buhay.
Ang lugar na ito na kanyang tinakasan, sampung taon na ang nakalilipas, para takasan ang pag-ibig sa isang binata. Ang binata na dumurog ng kanyang murang puso.
Naalala niya ang lahat, napakasariwa pa rin nito sa kanyang ala-ala at damdamin, na tila ba kahapon lang iyun nangyari....
BINABASA MO ANG
The One That almost Got Away [complete]
RomanceFor mature readers only! 18 and up!!! Paano kung sa ikalawang pagkakataon ay nagkita kayong muli ng babaeng matagal mong hinintay at minahal? Ipagtatapat mo na ba ang iyong pag-ibig at gagawin ang lahat para maangkin ang kanyang puso? O susuko ka n...