Misteryo | Balat

1.1K 29 4
                                    

"Wala ka ng magagawa pare.Di na tayo makakaalis sa grupo."

Ito ang mga katagang palaging gumugulo sa utak ni Raymond.Matagal na niyang nais tumiwalag sa sindikatong kinabibilangan ngunit di niya magawa.Di niya kayang isakripisyo ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Tama nga ang  kanyang kaibigang si Roger na di na sila makakawala pa sa galamay ng sindikato. Kamatayan ang kahihinatnan nila kapag binalak nilang umalis.Ganoon nga ang napala ng kanyang kaawa-awang kaibigan kamakailan lang.

Sa tuwing dumarating ang pagkakataong gaya ngayon ay talagang di masikmura ni Raymond ang kanyang ginagawa. Inuusig na siya ng kanyang konsensiya, kung meron pa ba siya nun.

"Uy, bilisan mo na dyan." Utos iyon ng kanang kamay ng kanyang among Intsik. Kaya naman ipinagpatuloy niya ang ginagawang pag-oopera.

Isang dating surgeon si Raymond Mutia na napilitang maging parte ng sindikatong K4KG o Kidnap for Kidney Gang. Trabaho niya ay ang pagtatanggal ng mga kidney ng mga kaawa-awang taong nabibiktima ng kanilang grupo.Karamihan mga kabataang nakikidnap sa daan. Mga nasa edad 10 gulang pataas. Sa panahon ngang ito ay pawang estudyante ang mga biktima nila.

Sa tuwing natatapos siya sa kanyang operasyon ay halos isuka ni Raymond ang lahat ng kanyang kinain. Di na niya masikmura ang makasalanang ginagawa  niya. Walang kaalam-alam ang mga taong iyon na unti-unti na niyang nilalagot ang kanilang buhay. Maswerte ang iba na nabubuhay pa matapos basta na lang itapon ang mga katawan sa kung saan. Sa bawat taong nagagalaw niya ay panay ang usig ng kanyang konsensya.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

"Ayoko na."

Pero pa'no ang pamilya mo? Baka mapahamak sila kung kakalas ka Ray.

"Gagawa ako ng paraan."

Mahirap kalabanin si Mr. Chui.

"Alam ko, pero tama na ang pagiging makasalanan ko."

Halos naglalaban na ang kanyang puso at utak sa kanyang sitwasyon ngayon.

"Ray, okay ka lang?"

Nag-usisa na ang kanyang asawa na nagising nang maramdamang wala siya sa kama. Pinuntahan siya nito sa may bintana.

"Wala 'to Lea. Di lang ako makatulog." pagkakaila niya.

"Ganon ba? Sige ipagtitimpla kita ng mainit na gatas sa baba."

"Sige, salamat Hon."

Di talaga nagkakaila si Ray sa sinabi sa asawa. Totoo na di niya magawang ipikit man ang kanyang mga mata sapagkat parang naririnig niya ang mga bahaw na tinig ng mga taong naging biktima ng kanyang makasalanang mga kamay.

"Di ko na kaya...Dapat matigil na ang gawain kong ito. Mistula na akong demonyo na naghahatid sa kanila sa Kamatayan. Ayoko na."

Nakapagdesisyon na ng tuluyan si Ray. Titiwalag na siya sa K4KG sa lalong madaling panahon. Alam niya di iyon magiging madali ngunit kailangan isuong niya ang sarili.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

"Dad,kawawa naman sila."

Inusig muli ang natitirang konsensya ni Ray sa sinabi ng kanyang anak na si Kier. Awang-awa ang binatilyo sa mga napanood na naging biktima ng mga kidnap for kidney gang- ang kanyang grupo. Walang awang itinapon ang mga batang wala ng buhay sa mga damuhan. Duguan.Ang ilan maswerteng nakaligtas sa kalawit ni Kamatayan. Sa kamay niya pakiramdam ni Ray.

MisteryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon