Palabas na naman ng school sina Summer at Clarissa at saktong padaan na naman sila sa basketball court. At tulad ng inaasahan, nanduon na sina Alex kasama ang team nito. Pagkatapos nitong pumasok sa unibersidad sa San Vicente ay dito sa basketball court ito tumutuloy para makapag ensayo.
Nakatungo na naman si Summer habang naglalakad, nang bigla siyang tawagin ni Alex, kaya napahinto sila ni Clarissa, na halata sa mukha ang pagkabigla ng tawagin siya ni Alex na tila ba matagal nang magkakilala ang dalawa.
Nagpaalam ito sandali sa mga kasama at patakbona lumapit sa kanila si Alex, habang nakatayo sila sa labas ng court, at hinintay ang paglapit nito.
"Summer! Nagmamadali ka ba umuwi?" ang nakangiting tanong nito sa kanila at nagpamewang pa ito.
"Ahm" -
"Hindi! Hindi siya, kami nagmamadali" ang sagot ni Clarissa para sa kanya.
Hindi alam ni Summer kung bakit nakaramdam na naman siya ng hiya kay Alex, samantalang magkasama sila nito kahapon at may papinky swear pa sila na ginawa na akala mo ba ay matagal na silang magkaibigan.
Inihatid pa nga siya nito kahapon hanggang sa kalsada na malapit na sa bahay nila, bago ito nagpaalam sa kanya.
"Summer?" ang muling tanong ni Alex sa kanya, at gusto nito na manggaling mismo sa kanya ang sagot.
"Hindi naman, bakit?" ang balik tanong niya.
"Gusto ko sanang yayain ka na manuod ng practice namin ngayon" ang nakangiting sagot ni Alex sa kanya.
Manuod ng practice nito? Hindi ba ang mga niyayaya lang ng mga basketball player na manuod ng kanilang game ay mga girlfriend nila? O pwede ring alalay? Pero kahit pa! niyayaya siya ni Alex! Si Alex Carpio na manuod ng practice game?! Pero sandali siyang nagpalinga-linga at hinanap ang mukha ng mestisang babae na girlfriend nito, pero wala ito sa loob ng court.
"Ah, sige" ang tanging naisagot niya dahil nagsimula na namang manginig ang kanyang katawan.
"Salamat! Halika!" ang yaya ni Alex, sabay kuha nito sa dala niyang backpack, iniabot niya ito at naglakad sila pabalik ni Clarissa para makapasok sa entrance gate.
Hinintay sila ni Alex hanggang sa makalapit sila rito, muli nitong iniabot ang bag kay Summer at isang mahinang salamat lang ay nasabi niya sa binata.
"Pwede ninyo akong icheer ha!" ang pabirong sabi sa kanila ni Alex bago ito muling patakbong bumalik sa mga kateam mates niya.
"Meron ba akong hindi alam sa inyong dalawa? Bakit parang jowa ang peg mo ateng?" ang tanong sa kanya ni Clarissa.
"Ha? Hindi ano, naging magkaibigan lang kami, ikaw ba naman sagipin niya ng dalawang beses" ang sagot ni Summer. Sa totoo lang ay tatlong beses, dahil sinagip rin siya nito sa isipin niya kahapon, pero iyun ay mananatiling lihim, espesyal para sa kanya ang nangyari kahapon.
"Pero feeling close talaga kayo ha? Naku hindi kaya type ka niya?" ang kinikilig at pabulong na sabi ni Clarissa sa kanya.
"Ano ka ba, tigilan mo nga yang mga hinala mo, di ba sinabihan na nga niya ako na masyado pa akong BATA para magboyfriend?" ang giit ni Summer sa kaibigan, "at saka, hello? The girl?" ang pagpapaalala niya sa kaibigan.
"Hello rin, nakikita mo ba rito yung sinasabi mong girl?" ang giit ni Clarissa sa kanya.
"Sus e kung may pasok yun? O may lakad? O busy sa homework? Kaya hindi nakapunta" ang giit din niya.
"Ikaw ba kapag naging jowa mo si Alex, hindi ka maglalaan ng oras? Para manood ng practice game nito?" ang sagot naman sa kanya.
"Maglalaan, pero, ayokong umasa no?!" ang sagot niya.
Natigil ang kanilang usapan ng magsimula na ang game, at sa katagalan ng panunuod nila ay nawawala na ang hiya ni Summer at nagsisimula na rin siyang pumalakpak at sumigaw para sa team ni Alex. May mga sandaling napapatayo pa silang dalawa ni Clarissa, at hindi sigurado ni Summer kung talaga bang sa tuwing nakakshoot si Alex ay sumusulyap ito sa kanya. Ayaw niyang mag-assume pero, baka naman nagkakataon lang na napapatingin sa kanya si Alex?
Sandaling tumigil ang laro para makapagpahinga, kinuha ni Alex ang kanyang bag na nakahalo sa iba pang bag ng kanyang mga grupo at naglakad ito papalapit sa kanila. Kinuha nito ang baon na tubig at towel sa loob ng bag.
"Ayos ba?" ang hinihingal na tanong ni Alex sa kanila sabay inom ng tubig.
"Oo, ready na kayo para sa laban ninyo, kailan na ba ang simula ng game?" ang tanong ni Summer na nawala na ang hiya sa lalaking naging kaibigan na niya sa maikling panahon.
"Next week na kaya nga paspasan na ang practice namin, pwede mo ba akong samahan sa mga practice games ko Summer?" ang tanong ni Alex.
Parang nagulat si Summer sa itinanong ni Alex, siya ba ang tatayong parang girlfriend ni Alex? Okey hindi girlfriend dahil nga may girlfriend na nga pala ito, so official julalay siya nito? Paano ba siya makatatanggi? Kung kahit sa ganoong paraan ay magkakasama sila ni Alex.
"Oo naman, kailangan mo ba ng P.A.?" ang pabirong tanong ni Summer kay Alex.
Tila ba nagitla si Alex sa kanyang sinabi, mabilis itong umiling, "hindi ah! Gusto ko lang na nandun ka bilang kaibigan ko, bakit mukha ba kitang ginagawang alalay?" ang alalang tanong ni Alex sa kanya at tila ba sineryoso nito ang kanyang sinabi.
Napuna ni Summer ang pag-aalala sa boses ni Alex, kaya mabilis din siyang umiling, "hindi, binibiro lang kita" ang sagot niya.
"Ganun ba" ang sagot nito at ngumiti ito ng malapad sa kanya, pero muling kumunot ang noo nito, "pero sabihin mo sa akin kung naiistorbo kita ha?" ang muling paalala nito sa kanya.
Umiling si Summer, "uh-uh, hindi, kapag marami akong gagawin sasabihin ko sa iyo" ang sagot niya. Totoo ang sinabi niya kanina, kaya niyang maglaan ng oras para lang sa lalaking minamahal.
"Last practice na ito para sa ngayon, mahihintay mo pa ba na matapos?" ang tanong nito sa kanya.
"Oo naman, sige na ako na ang hahawak ng bag mo" ang sagot niya at inilahad niya ang kanyang kamay kay Alex para makuha ang bag nito.
"Salamat, maiwan ko muna kayo ulit" ang huling sabi nito bago patakbong lumapit muli sa gitna ng court para simulan ang susunod na half nang practice nila.
"Whew, parang wala ako rito kung mag-usap kayo ah" ang sabi ni Clarissa na nakamasid lang sa palitan ng mga salita nina Summer at Alex.
Isang ngiti lang ng naisagot ni Summer sa kaibigan, siya mismo ay hindi makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Noon ay dumaraan lang siya rito sa court na halos di makatingin kay Alex, pero ngayon? Isang kaibigan na ang turing sa kanya nito. Oo, isang Kaibigan, lahat naman sa pagkakaibigan nagsisimula hindi ba? Ang umaasang tanong ni Summer.Halos sunud-sund na araw na naging ganun ang pangyayari sa buhay ni Summer, alam naman ng kanyang lola na kasama nito si Alex Carpio. At dahil sa kilala naman ni lola Ising ang binata, ay pumayag naman si Ising na kahit gabihin ang apo kasama ang binata. Lalo pa at alam nito na may pagtingin si Summer sa binata, pero hangga't maaari ay ayaw niyang umasa si Summer na uusbong pa sa isang mas malalim na relasyon ang mayroon sila ni Alex. Ayaw niyang umasa at masaktan ang kanyang apo.
Hanggang sa nag simula na ang paliga, kaya naman halos sunod-sunod na araw pagkatapos niyang pumasok sa school kung hindi sa basketball court ng Villa Elena ay nasa karatig bayan naman sila. Palaro ito na sponsor ng gobernador.
Isang gabi ay nanuod na naman ng liga sina Summer at Clarissa, dumayo pa sila sa kabilang bayan ng San Luis, dahil doon ginanap ang palaro. At dahil sa kilalang magaling din ang nakalaban na koponan nina Alex kaya naging tensiyonado ang laban lalo na at halos dikit ang iskor ng dalawang koponan. Sa loob ng anim na taon simula ng paliga ng gobernador, ito pa lamang ang nakatalo sa kanila ng isang beses.
Halos hindi nakapahinga si Alex at buong laro itong nakasalang. Kaya ng nanghingi ng time out ang kanilang coach, ay halatang-halata ang pagod nito. Basang-basa ito ng pawis at hinihingal pa, nang lumapit ito sa bench nila.
Mabilis na iniabot ni Summer ang towel kay Alex, nagpasalamat ito at mabilis na kinuha ang towel sa kanya. Saka naman niya binuksan ang drinking bottle at iniabot kay Alex. Nakailang lagok ito sa plastic na baunan bago pa ito nagsalita.
"Salamat Sam" ang sabi nito sa kanya, at napatingin naman sa kanya si Clarissa, dahil Sam na ang tawag nito sa kanya, nagtaas pa ng kilay si Clarissa tila nagsasabing, aba may petname na siya sa iyo?
Pinanlakihan lang niya ng mga mata ang kaibigan, na tila binantaan na huwag kang magsasalita.
"Dikit ang laban? Hirap talaga kami sa team na ito, ito rin yung nakatalo sa amin dati" ang nag-aalalang sabi ni Alex.
"Kaya ninyo yan, hindi ba natalo na ninyo sila last year?" ang paalala ni Summer.
"Oo, pero sila rin ang nakatalo sa amin, naagaw nila sa amin ang pagiging champion ng isang beses, kaya, hindi kami pwede pakampante, makakalaban pa namin yung San Vicente na magaling din" ang sagot ni Alex. Natigil ang usapan nila ng tawagin si Alex ng kanilang coach. Agad na kinuha ni Summer ang towel at baunan ng tubig kay Alex at ibinalik sa bag nito.
"So Sam na ang tawag niya sa iyo? Ikaw anong tawag mo sa kanya? Beh?" ang pabirong tanong ni Clarissa sa kanya.
"Ano ka ba, baka nahahaban si Alex sa pangalan ko kaya Sam na ang tawag niya sa akin, huwag mo ngang bigyan ng kulay" ang giit niya sa kaibigan.
"Ooookeeeeey" ang tanging sagot ni Clarissa.
Muling nagsimula ang laban, huling quarter na at dikit pa rin ang iskor, may mga sandali na lalamang sila tapos ay mahahabol at minsan ay malalamangan sila ng kalaban. Katapat ni Alex ang star player din na si Christian Espinosa, naging karibal din niya ito sa pagiging MVP at ito ang nag-iisang nakaagaw ng titulo kay Alex ng dalawang beses, bago niya ito nabawi muli last year.
Naging mas tensiyonado ang mga nahuhuling mga segundo, dinidribol ni Alex ang bola at akmang ishushoot na ang bola, pero nasupalpal siya ni Christian. Hindi na napigilan ang malalakas na hiyawan at palakpakan sa basketball court.
Kasabay ng pagdagundong ng malalakas na hiyawan ay ang malakas na kabog ng puso ni Summer, habang yakap ng mahigpit ang bag ni Alex ay kasabay ang pagsambit niya ng mga panalangin para sa pagkapanalo ng team nila Alex. At talaga namang napatalon siya ng magawang habulin ni Alex ang bola at sa nalalabing segundo kahit may kalayuan ay pinakawalan ni Alex ang bola sa mga kamay nito para ishoot ang bola. Parang tumigil ang oras at bumagal ang lahat, habang hinihintay kung papasok ang bola.
At isang dagundong ng hiyawan at palakpakan ang narinig ng pumasok ang bola sa loob ng basket. Nagyakap pa sina Summer at Clarissa sa tuwa, halos maluha si Summer sa kaba nang pumasok na ang bola at narinig na ang buzzer hudyat na tapos na ang laro ay saka lang siya nakahinga ng maayos.Nagyakap sina Alex at ang mga kakampi nito, talaga namang napakasarap sa pakiramdam ng pagkapanalo nilang iyun. Maya-maya pa ay nilapitan na sila ng mga nakalabang koponan. Nakipagkamay si Christian kay Alex at binati siya nito.
"Nice game, congrats, kita tayo sa championship, di na namin kayo palulusutin" ang sabi ni Christian kay Alex.
"Salamat, aantabayanan ko ang pagtatapat nating muli" ang sagot ni Alex. Tumangu-tango lang si Christian, saka ito naglakad palayo. Muli siyang nakipag-usap sa mga kakampi at nagkuhaan pa sila ng mga litrato kaya di niya napansin na naglakad si Christian papalapit kina Summer at Clarissa.
BINABASA MO ANG
The One That almost Got Away [complete]
RomanceFor mature readers only! 18 and up!!! Paano kung sa ikalawang pagkakataon ay nagkita kayong muli ng babaeng matagal mong hinintay at minahal? Ipagtatapat mo na ba ang iyong pag-ibig at gagawin ang lahat para maangkin ang kanyang puso? O susuko ka n...