2. REACHING YOU

920 41 0
                                    

“Sige. Ako na ang bahala dito,” nakangiting sagot ni Chelsea kay Erin matapos magbalanse. Ito ang karelyebo niya. Seven to three ang pasok nito at three-eleven naman siya. Dalawang linggo na siya sa Hades’ Lair at tapos na ang one week training niya. Sa loob ng mga araw na lumipas, hindi pa rin siya makalapit kay Ira. Lalo pa yata itong naging mabangis. Kaunting pagkakamali ng mga tao sa Hades’, nakasinghal agad ito. Napapailing na lamang ang mga kaibigan nito.

            “O, siya. Mauuna na ako. Ikaw na ang bahala dito,” nakangiting paalam ni Erin. Ngumiti na rin siya rito at nagtrabaho. Doon niya muna ibinuhos ang atensyon hanggang sa lumabas ng opisina sina Ira at Atong saka naupo sa bar stool kung saan madalas maupo ang magkakaibigan.

            Bumilis ang tibok ng puso niya. Habang nakatitig dito, tila bumagal din ang kilos nito. Hindi siya makapaniwala sa epekto ni Ira sa kanya. Tila tumindi pa iyon sa pagtakbo ng panahon.

            Agad niyang sinupil ang damdamin. Gaya ng ipinangako niya, kailangang isantabi niya iyon. Iyon na nga ang nagpahamak kay Ira, hahayaan pa rin niya ang sariling makaramdam ng ganoon? Sa oras na iyon, marami siyang kailangang unahin kagaya na lamang kung papaano mahahanap si Brando. Sa ngayon, naka-demanda ito ng Wreckless Imprudence Resulting to Homicide. Kapag napatunayan iyon sa korte, twelve years imprisonment ang kaparusahan doon.

            Tumalon ang puso niya ng maramdaman nag-vibrate ang cellphone niya sa bulsa. Pasimple niyang binasa ang mensahe at napasinghap siya ng mabasa iyon. Galing iyon kay Jasper Abraham—ang private investigator na inupahan niya. He was thirty eight years old. Dati itong ahente ng NBI. Nag-resign ito at nagtayo na lamang ng sariling detective agency dahil muntikan ng mamatay sa isang engkwentro. Muntikan na ring nadamay ang pamilya nito kaya nagpasya na lamang na umalis sa serbisyo.

Bumilis ang tibok ng puso niya ng ibalitang nakita na daw nito si Brando. Nasa Green Belt ito. Alam niyang posible iyon dahil mayroong negosyo ang bunsong kapatid nitong si Ben doon. Ibinigay din ni Jasper ang bagong numero ni Brando na nakuha nito. Pasimple siyang luminga at ng masigurong walang nakakahalata, isinara na muna niya ang kaha at nagpaalam kay Beth na magpupunta muna sa CR.

Nang pumayag ito ay agad siyang umalis at nagkulong sa CR. Pinagpapawisan na siya ng i-dial ang bagong number ni Brando. Napamura siya ng hindi nito sinasagot! Mukhang alam nito ang numero niya at hindi siya pinagaksayahan ng oras na kausapin. Tuluyan ng lumubog ang puso niya ng hindi na ito matawagan. Out of reach na iyon. Mukhang pinatayan na siya ng cellphone!

Minabuti niyang padalhan ito ng mensahe. Sinabihan niya itong sumuko at harapin ang mga kasalanan. Sa huli, malungkot siyang napahinga ng malalim. Nagdasal siya na sana, makapagisip ng maayos si Brando at lumantad na.

At gaya ng ipinangako niya sa sarili, dahil sa kagustuhang makatulong kay Ira ay ipinadala niya sa pulis na humahawak ng kaso nito ang mga impormasyong nakuha kay Jasper. Maging iyon ay inalam niya para anytime na mayroon siyang malamang impormasyon, maibigay niya agad iyon sa pulis.

            Hindi niya nakalimutang palitan ang sim card ng cellphone para hindi siya ma-trace. Handa naman siyang lumantad para mag-testify pero alam niyang hindi pa iyon ang tamang panahon. Sa ngayon, magkakasya na muna siya sa pagtulong ng tahimik sa kaso nito. Gagawin niya iyon hindi dahil sa personal na damdamin kay Ira kundi dahil hindi niya ito-tolerate ang pagkakamaling iyon. Nagdurusa din naman siya at alam niyang dadalhin niya iyon hanggang mamatay.

Napabuntong hininga siya ng matapos at kinalma ang sarili. Nang maging maayos ang pakiramdam, lumabas na siya at tila tumigil sa pagtibok ang puso niya ng madatnan si Ira na mayroong kausap sa cellphone. Base sa pagdilim ng mukha nito, nasisiguro niyang ipinaalam na agad ng pulis dito ang nalamang impormasyon.

            “Where are you going? Akala ko ba ngayon mo gagawin iyon promo ng Hades’?” takang tanong ni Atong matapos makipagusap ni Ira sa cellphone at tumayo. Si Ira ang may hawak ng Marketing kaya ito ang i-charge doon. Mukhang aalis na ito.

            “I will but not now. May kakausapin ako. May nakakita kay Brando sa Green Belt. Papunta na ang mga pulis at susunod ako dahil gusto ko ring ikumpirma ang lahat,” malamig na sagot ni Ira.

            Lalong bumilis ang tibok ng puso niya. Lihim siyang nanalangin na sana, magpanggabot ang mga ito. Kung malasin man, hindi pa rin siya susuko. Kahit man lang sa ganoong paraan, makabawi siya kay Ira.

            “Talaga? Samahan na kita,” ani Atong.

            “Thanks.” Malamig na saad ni Ira.

            Napatayo na rin si Atong. Dinig niyang tinawagan ni Atong si Gerald na nasa Hades’Lair Malate at binalitaan. Ilang sandali pa ay tinawag din nito si Beth at binilinan tungkol sa bar.

            “Papaano pala si Irvin? Sinong tumitingin sa kanya? Hindi ba’t nagpaalam si Yaya Muring kanina na uuwi muna ng Pangasinan dahil naopsital ang kapatid niyang bunso?” tanong ni Atong kay Ira.

            Natutop ni Ira ang noo. Tila noon lang naalala ang anak. “Sina Irish at Jeff ang nagbabantay kay Irvin.” Tukoy nito sa bunsong kapatid na babae. “Uuwi sila mamaya sa San Jose. Wait. I have to make sure if Yaya came back. Ang sabi niya babalik din daw siya agad,”

            Tinawagan nito ang kapatid. Base sa mga pa-what-what ni Ira, mukhang hindi bumalik ang matanda. Para makumpirma, ang yaya na mismo ang tinawagan nito matapos kausapin ang kapatid. Mukhang lalong naging desperado si Ira ng makausap nito ang matanda saka pinatay ang cellphone. “Damn it. Yaya said she couldn’t make it. Kailangan operahan ang kapatid niya dahil sa bukol sa matris. Ipapa-biopsy pa nila iyon at hihintayin daw ang resulta. Kailangan ko talagang umuwi para tingnan si Irvin. Kailangan na ring umuwi nila Irish dahil wala ring magbabantay sa anak nila at negosyo sa San Jose.”

            “S-Sir, pwede ko pong bantayan si Irvin,” kinakabahang boluntaryo niya. Nilakasan na niya ang loob. Kinapalan na niya ang mukha para i-grab ang pagkakataong iyon para makatulong.

            Kumabog ang dibdib niya ng mapatingin ang dalawang lalaki sa kanya. Napalunok siya. Gusto lamang niyang makatulong kaya kesehodang masabihan na siyang pakialamera at tsimosa, nag-volunteer na siya.

            “A-Ang sa akin lang naman… para mapuntahan ninyo ang dapat ninyong puntahan. A-Alam ko naman kung gaano kahalaga ito sa inyo…” pigil hiningang paliwanag niya. Damn it really. Tapos na ang panahong nauutal siya. Noong tumuntong siya sa kolehiyo, doon na siya nag-transform. Nagkaroon siya ng confidence na wala noong bata siya. Natuto siyang makipagsabayan pagdating ng kolehiyo.

            Pero sa harap ni Ira, tila bumalik siya sa dati. Kinalma niya ang sarili. Gusto niyang maipakita rito na bukod sa mga kaibigan nito, nandoon siya na handang tumulong.

            “Tama siya. And it was only for few hours. Papasukin na lang natin si Lizbeth. Hindi mo naman siya pwedeng isama sa lakad natin. Nine months pa lang siya at pagabi na. Baka magkagulo din doon at madamay pa ang anak mo,” ayon ni Atong. Si Lizbeth ang night shift. Mas matanda siya rito ng dalawang taon.

            Saglit na napaisip si Ira. Tila inipit naman ang baga niya sa labis na antisipasyon. Ni hindi siya humihinga hanggang sa tumalon ang puso niya ng muling mapatingin ito sa kanya.

            “Mag-endorse ka na kay Beth. Siya na muna ang titingin sa puwesto mo habang wala pa si Lizbeth. We’ll wait for you in the car.” Malamig na sagot ni Ira saka tinawag si Beth. Agad itong pinaliwanagan ni Ira. Panay naman ang ayon ng dalaga hanggang sa lumabas na sina Ira. No choice din ito dahil gahol na sila sa oras kung maghahanap pa ito ng ibang titingin sa anak.

            Mabilis naman siyang nag-endorse kay Beth. Dali-dali na niyang kinuha ang mga gamit saka lumabas. Pagsakay sa itim na Jaguar ni Ira, pinasibad na nito ang sasakyan at hinatid muna siya sa village kung saan ito nakatira. Abot-abot ang kaba niya. Lihim siya nanalangin na sana, mahuli na si Brando sa pagkakataong iyon.

Napabuntong hininga na lamang siya.

HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon