HALOS magkasabay lang na dumating sina Jemimah at Ethan sa isang lugar sa Ayala. Sinulyapan niya lang ang nobyo bago lumakad patungo sa crime scene na napalilibutan ng yellow police tapes. May mga mobile patrols nang naroroon na mula sa police department na nasa jurisdiction na ito.
Nasa gilid lamang ng daan itinapon ang bangkay. Hindi iyon ganoon kalayo sa main road. Ilang metro lang din ang layo sa Ayala Triangle – isang kilalang parke dito sa Ayala.
"Sana hindi pa nako-contaminate ang crime scene," wika ni Jemimah sa mga police officers na naroroon.
"Wala pa po kaming ginalaw sa crime scene, Inspector," sagot ng isa sa mga pulis na naroroon.
Nakabalot sa puting kumot ang bangkay. Ang nakikita lang ay ang mga paa nito. Tiningnan niya si Ethan nang lumuhod ito at binuksan ang kumot. Sina Paul at Mitchel naman ay nakatingin lang din habang si Douglas ay kumukuha ng mga larawan ng crime scene.
The corpse was a man. Wala itong kahit na ano'ng saplot sa katawan. Nakabukas pa ang mga mata at nakaawang ang mga bibig. Mababanaag sa mga mata nito ang matinding takot. May necktie na nakapulupot sa leeg nito na marahil ay ginamit na murder weapon.
Subalit ang ikinagulat nina Jemimah ay nang makitang nakabukas ang kaliwang dibdib ng lalaki at kung tama ang hinala nila, nawawala ang puso nito!
"Oh, gosh," narinig nilang wika ni Lily. Nang tingnan niya ito ay nakataklob na ang isang kamay sa bibig, maputla. "I think I'm gonna be sick."
"Mas mabuti siguro kung sa sasakyan ka na lang maghintay, Lily," wika ni Paul sa babae.
Tumango naman si Lily at lumakad na palayo. Naiintindihan naman ni Jemimah ang babae. Ganoon din ang naging reaksiyon niya noong unang beses na nakakita ng bangkay. Natural lamang iyon dahil hindi naman talaga sa labas ng field ang trabaho ni Lily. Malamang ay palagi lamang itong nasa opisina bilang agent ng Internal Affairs.
Inilabas ni Jemimah ang mga laman ng forensic kit – fingerprint magnifier, cotton balls, complete dusting kit at kung anu-ano pa.
Tumabi sa kanya si Paul. "Tutulungan na kita. Sabihin mo lang sa akin kung ano'ng gagawin ko."
Nilingon ni Jemimah ang binata. Mukhang gusto talagang makabawi ni Paul sa ilang araw na pagkukulang sa team nila. Tumango siya at inisa-isa dito ang mga gamit na naroroon at kung ano ang purpose ng mga iyon.
Ilang sandali lang ay naging abala na silang lahat sa paghahanap ng mga possible evidence. Lumapit si Jemimah sa isang pulis na naroroon. "Wala ba kayong nakitang pagkikilanlan ng biktima?" tanong niya.
"Wala po, Inspector."
"Puwede naman nating malaman sa database ang identity niya," wika ni Mitchel mula sa likod. Hinaplos-haplos nito ang baba. "Ayala is a very crowded place. Bakit dito pa maiisipan ng killer na itapon ang bangkay na ito? Hindi ba siya natatakot na makita?"
"Posibleng gabi itinapon ang bangkay na 'yan," singit naman ni Ethan. "Hindi ito ang main road. At kahit gaano pa ka-crowded ang isang lugar, may mga oras na kumakaunti rin ang mga tao."
"Wala bang CCTV na malapit dito?" tanong pa ni Jemimah sa mga pulis.
"Wala po sa parteng ito," sagot ng pulis.
Tumango-tango si Jemimah. The killer must have known this place. "Tatawagan ko si Chief Barbara para maipakuha na ang bangkay." Tinutukoy niya si Barbara Santiago na siyang Chief Medical Examiner para sa SCIU.
"Douglas," narinig pa niyang tawag ni Ethan. "Gusto kong malaman ang vicinity ng lugar na ito. Kasama na ang mga malalapit na buildings, landmarks at daan patungo sa crime scene. Alamin mo rin kung ilang CCTV's ang naka-install sa vicinity na 'yon."
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Misterio / Suspenso*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...