Heart
NAPATIGIL sa tangkang paglabas ng sasakyan si Heart nang mapansin ang grupong pumasok sa loob ng clinic ni Samuel nang araw na iyon. Hindi siya maaaring magkamali na iyon ang mga taong nag-iimbestiga sa krimeng ginawa niya. Nakita niya minsan ang ilan sa mga iyon sa balita.
Ano'ng ginagawa ng mga ito sa clinic ni Samuel? Mahigpit na ikinuyom ni Heart ang mga kamay. Kasalanan ito ng walang kuwentang babaeng iyon. Kung hindi ito lumabas, hindi sana magiging komplikado ang lahat ng ganito. Magtatago rin pala uli, gumawa pa ng kapalpakan.
Mahabang sandaling nakatitig lamang si Heart sa unahan. Napansin pa niya ang isang sasakyan na pumarada sa tabi ng dark blue Fortuner na nilabasan ng grupo ng mga nag-iimbestiga sa kanya kanina.
Lumabas sa sasakyan ang isang lalaki na nakasuot ng puting long-sleeved shirt at itim na pantalon. Napadako ang tingin ni Heart sa mukha ng lalaki. Pakiramdam niya ay pamilyar ang mukhang iyon.
Napatigil siya sa pag-iisip nang maramdaman ang tila pitik sa sentido. Napahawak si Heart sa ulo. Some flashes of the past flowed in her mind – flashes of a young boy playing.
Lalong humigpit ang pagkakakuyom niya sa mga kamay na halos magdugo na iyon. Pilit niyang nilalabanan ang mga alaalang iyon sa isipan. "G-gustong mong... g-gusto mong lumabas uli?" tanong niya. "H-hindi ko papayagan 'yon."
Mabilis na ini-start ni Heart ang sasakyan para makalayo na sa lugar na iyon. Hanggang sa makarating sa apartment sa Greenhills, hindi pa rin nawawala ang mumunting pitik sa kanyang sentido. That weak woman was trying hard to come out. But that would never happen again.
Dumeretso si Heart sa loob ng banyo, nanghihinang itinuon ang mga kamay sa sink. Tiningnan niya ang repleksyon sa salamin at nakita ang malungkot na mukha ng babaeng naroroon.
Gusto kong lumabas. Gusto ko siyang makita.
"Hindi," mariing wika ni Heart. "Sinabi ko sa'yo na hindi ka tatanggapin ng kahit na sino."
Parang awa mo na...
Galit na galit na ibinato ni Heart ang mga gamit na naaabot ng kamay sa salamin. "Hindi mo makukuha ang katawang ito sa akin! Papatayin ko siya! Papatayin ko ang taong hahadlang sa akin! Papatayin ko silang lahat!"
Inabot ni Heart ang nabasag na salamin at tiningnan ang sarili doon. Ngumisi siya. Tumigil na ang mumunting pitik sa kanyang sentido. "Diyan ka lang. Magtago ka lang diyan habang-buhay," bulong niya. "Ipapakita ko sa'yo kung ano pa ang kaya kong gawin."
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Misterio / Suspenso*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...