Chapter 30.2

1.4K 53 3
                                    

NAGPUPUNAS ng basang buhok si Jemimah nang mapansing nakatayo lamang si Ethan sa isang parte ng kanyang kuwarto, patalikod. "Ethan?" tawag niya sa nobyo. "Hindi ka pa ba magsa-shower?"

Pumihit si Ethan paharap sa kanya, puno na ng kalamigan ang mga mata. Ibinagsak nito sa hindi kalayuang kama ang hawak na folders. "Ano ang ibig sabihin nito, Jemimah?" tanong nito, may mahihimigang galit sa tinig.

Ganoon na lang ang pagkagulat ni Jemimah nang makita ang mga folders na naglalaman ng ilang impormasyon tungkol sa Destroyer. Nakalimutan niyang itago ang mga iyon. Mabilis siyang lumapit sa kama at kinuha ang mga iyon.

"H-hindi mo dapat pinapakialaman ang mga—" Napatigil siya nang hawakan ni Ethan ang kanyang braso, mariin. "E-Ethan... ano ba?"

Humugot ng malalim na hininga si Ethan para marahil kalmahin ang sarili. Niluwagan nito ang pagkakahawak sa kanyang braso. "Sabihin mo sa akin, Jemimah, kung bakit... bakit may mga impormasyon ka tungkol sa serial killer na 'yan? Iniimbestigahan mo ba ang Destroyer?"

Iniiwas ni Jemimah ang tingin sa binata. She could feel his body shaking. Alam niyang galit ito pero pinipigilan lamang ang sarili.

"Hindi mo ba alam kung gaano ka-mapanganib ang taong 'yan?!" sigaw ni Ethan. "Tigilan mo na ang kung anumang balak mo. Walang magandang—"

"I want to help you, Ethan," putol ni Jemimah sa lalaki, nangilid na ang mga luha. "Alam kong ang serial killer na ito ang pumatay sa pamilya mo. At alam kong gusto mong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila."

"Hindi mo kailangang ilagay sa panganib ang buhay mo para lang sa akin, Jemimah," wika ni Ethan, bahagya nang nabawasan ang galit sa boses.

Tiningnan ni Jemimah ang lalaki, bumagsak na ang mga luha sa mukha. She could see pain in Ethan's blue eyes, and fear as well. Itinaas niya ang isang kamay para marahang haplusin ang pisngi nito.

"Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano'ng nangyari sa pamilya mo," aniya. "Pero hindi kita pipilitin. Nang marinig ko na ang serial killer na ito ang dahilan ng lahat ng sakit mo, gusto ko siyang hanapin, panagutin sa mga nagawa niyang mali. Hindi lang para sa pamilya mo, kundi pati na rin sa ibang naging biktima ng Destroyer. That's my job, Ethan."

Marahang ini-iling ni Ethan ang ulo. "Not the Destroyer, Jemimah. Not that one," may pagmamakaawa na sa boses nito.

Ikinulong ni Jemimah ang mukha ng lalaki sa dalawang palad. "Gusto kitang tulungan hanggang sa abot ng makakaya ko, Ethan. Alam ko na iniimbestigahan mo ang Destroyer. Nakausap ko ang isang dating senior ko sa pulisya, si Marco Pulo. Sinabi niya sa akin."

Napaupo na si Ethan sa kama. "Stop this, Jemimah," bulong nito. "Hindi puwedeng nagpupunta ka sa kung saan-saan, nagtatanong kung kani-kanino nang tungkol sa serial killer na ito." Ibinalik nito ang tingin sa kanya. "Mapapahamak ka sa ginagawa mo."

Tumabi si Jemimah sa binata, mahigpit na hinawakan ang isang kamay nito. "Then let me help you, Ethan. Please..." pagmamakaawa niya.

"No," mariing tanggi pa rin ng lalaki. "Walang dahilan para gawin mo ito, Jemimah. Walang dahilan para—"

"I love you," hindi na napigilang wika ni Jemimah. Naramdaman niya ang pagkatigil ng binata. Isinubsob niya ang mukha sa hawak-hawak na kamay nito at humagulhol ng iyak. "Hindi pa ba sapat na dahilan 'yon, Ethan? Mahal kita at gusto kong malaman ang lahat-lahat sa'yo. Gusto kong tumulong sa mga ginagawa mo. I want to be your partner, Ethan. At nakahanda kong itaya ang sarili kong buhay para sa'yo."

Naramdaman ni Jemimah ang paghaplos ng isang kamay ni Ethan sa kanyang buhok. "Hindi mo kailangang gawin 'yon, Jemimah," bulong ng binata, may lungkot na sa tono. "Dahil kapag nawala ka pa, hindi ko na alam kung ano'ng mangyayari sa akin. Just stay with me. Stay safe. Iyon lang ang kailangan ko."

Umayos na ng upo si Jemimah subalit hindi pa rin makatingin sa lalaki. "H-hindi mo pa rin ako... p-pinagkakatiwalaan ng lubos, right?" Hindi na niya napigilang itanong.

"Jemimah," sambit ni Ethan sa kanyang pangalan.

Hindi pa rin tumitingin si Jemimah dito. She didn't want him to see the pain she was feeling at that moment. Hindi niya alam kung ano ba ang nararamdaman ng lalaki para sa kanya. Natatakot siyang magtanong.

Inabot siya ni Ethan para yakapin ng mahigpit. "Sa tingin mo ba papasukin kita sa buhay ko nang hindi kita pinagkakatiwalaan?" tanong nito. "Hindi pa lang ako handa, Jemimah. Napakasakit sa akin na ikuwento ang nangyari sa kanila... sa pamilya ko. Just... just give me time. Just a little bit more."

Tumingala si Jemimah sa lalaki. May sumibol na pag-asa sa kanyang puso dahil sa sinabi nito. Tumango siya, patuloy pa rin sa pagbagsak ang mga luha. "I will wait, Ethan. Until you're ready." Mahigpit niya itong niyakap. "Pangako, hindi ako mawawala sa tabi mo. I will stay beside you no matter what. I will believe in you."

Isinubsob ni Ethan ang mukha sa kanyang buhok. "And promise me one more thing, Jemimah." Ilang sandali itong huminto. "Huwag ka nang mag-iimbestiga ng tungkol sa Destroyer. At huwag mong babanggitin kahit kanino ang tungkol doon. It is very dangerous. Hindi ko gustong malagay ka sa panganib, lalo na sa kamay ng taong pumatay sa pamilya ko."

Tumango si Jemimah. "Pangako," aniya. Kahit gustong tumulong sa binata, kailangan niya pa ring maghintay na ito mismo ang magbigay ng pahintulot sa kanya. "Pero ipangako mo rin na hindi nanganganib ang buhay mo sa pag-iimbestiga sa serial killer na 'yon." Tumingin siya dito. "You don't want me to be in danger. Ganoon din ako sa'yo. Nawalan na rin ako ng mahal sa buhay, ayoko nang maulit iyon."

Nakatitig lamang sa kanya si Ethan. Hindi ito sumagot, sa halip ay dinampian lang ng halik ang kanyang mga labi.

Ikinuyom ni Jemimah ang mga kamay sa damit ng nobyo. Ipinikit niya ang mga mata at tinugon ang halik nito. Hindi niya maintindihan kung bakit patuloy pa rin sa pagtulo ang mga luha.

She didn't want to let go of this man. Ever. She loved him so much. Kahit hindi alam ni Jemimah kung ano'ng maaaring mangyari sa hinaharap kasama ito, wala pa rin siyang pagsisising nararamdaman dahil ito ang pinili ng puso.

Napaungol si Jemimah ng protesta nang ilayo ni Ethan ang mga labi. "May tumatawag sa'yo," anas ng lalaki.

Noon lamang niya narinig ang pagtunog ng cell phone na nasa bedside table. Lumayo siya kay Ethan at inabot ang aparato. Sinagot niya ang tawag mula kay Director Antonio Morales.

Ilang sandaling nakinig lamang siya sa sinabi ng direktor pagkatapos ay nanlulumong tinapos ang tawag. Humarap siya kay Ethan na nakatingin lang sa kanya. "Mukhang hindi na matutuloy ang pagpapahinga natin," aniya. "May panibagong police report na ipinasa sa SCIU. There's another body... for our investigation."

[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon