Tulad ng nakagawian ay maagang gumising si Summer, binuksan na niya ang kanyang phone, baka kasi tawagan na siya ni Alex. Pag-on niya ng phone ay saka lang pumasok ang text nito sa kanya.
“Hintayin mo ako please, punta ako now” ang saad sa text. Napabuntong-hininga si Summer, baka isipin ni Alex na sinadya niyang hindi ito hintayin. Mabilis siyang kumilos, naligo na siya at nagbihis. Saka siya lumabas ng kwarto para magkape. Gising na rin ang kanyang lola at abala na ito sa pagsasalin ng mga naka llanerang ube sa plastic na single container.
“Lola tulungan ko na po kayo” ang alok ni Summer.
Mabilis na umiling ang kanyang lola, “ako na ang bahala rito apo, hindi ba at may lakad kayo ngayong umaga? Pa San Vicente ba kayo kamo?”
“Opo lola, may laban po sina Alex ngayon” ang sagot niya habang uminom ng kape.
“O edi hintayin mo na lang kung susunduin ka nila” ang sagot ng lola niya, “sanay na ako sa ganitong gawain lalo na at kakaunti na lang ito”- at biglang natigilan ang kanyang lola.
Muling bumalik sa kanila ang kanilang suliranin, na paunti ng paunti ang mga umoorder sa kanila.
“Sige na apo, ako na ang bahala rito” ang mahinang sagot na lang ng kanyang lola, saka ito muling bumalik sa may kusina.
Napapikit si Summer at pilit niyang binura ang mabigat na loobin na muling bumalot sa kanyang dibdib. Nang biglang tumunog ang notification ng kanyang phone. May natanggap siyang text. Mabilis niyang dinukot ang phone sa kanyang bulsa ng pantalon, pero hindi ang hinihintay niyang text ang natanggap niya. Mula ito kay Clarissa.
“Besh di ako makakasama sa panonood ng basketball, sakit ng ulo ko” ang sabi ni Clarissa sa text nito. Napabuntong-hininga si Summer, naku e kung hindi na rin kaya siya manood? Wala kasi si Clarissa, wala siyang kasama, ang nag-aalangan niyang sabi sa sarili.
Nagtext back siya sa kaibigan at sinabing magpagaling ito, at baka hindi na rin siya manood ng laro, ang sagot pa niya. Pero muli siyang nakatanggap ng text sa kaibigan, at sinabihan siya nito na manuod ng laban kahit wala siya, dahil susunduin siya ni Christian.
Kumunot naman ang noo ni Summer, bakit naman siya susunduin ni Christian e usapan nila kagabi maghihintay ito ng text niya. Baka biglang sunduin siya ni Alex at wala siya sa bahay.
Sinagot niya ang message ni Clarissa at sinabi na “bakit ako susunduin ni Christian? Hindi ko pa siya sinabihan na sunduin ako, saka hintay ko pa text ni Alex baka sunduin ako” ang sagot niya rito. At mabilis naman siyang nakatanggap ng sagot na ikinapanlumo niya ng mabasa iyun.
“Gaga! Galing na sa San Vicente si Christian, tiningnan ka kung naroon ka na, nandun na si Alex! Kasama jowa niya! Kaya sumama ka na kay Christian papunta ng San Vicente” ang sagot na mensahe ni Clarissa.
Halos bumagsak ang kanyang kamay na hawak ang kanyang cellphone, kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga balikat. Para siyang nanlambot sa nalaman, napaka tanga niya! Bakit ba kasi siya umasa!! Ang galit na sabi niya sa sarili. Siyempre uunahin ni Alex ang girlfriend niya at hindi siya! Ang galit na sabi niya sa sarili. Parang gusto niyang umiyak sa katangahan niya at umasa pa siya.
Ang akala niya kasi kagabi pinuntahan siya nito, baka, baka hindi naman si Alex yun, baka hindi naman na ito tumuloy kagabi.
“Tanga ka Summer” ang bulong niya sa sarili. Tumayo na siya at lumabas ng kwarto, bago pa nun ay pinahid niya ang namuong luha sa kanyang mga mata. Hihintayin na lang niya si Christian at sasabihin na hindi na siya manunuod. Sasabihin na lang niya na masama ang pakiramdam niya, ang sabi niya sa sarili.
Dahil nang mga sandaling iyun, ay parang sumama na rin ang pakiramdam niya. Nagpunta na siya sa labas at naupo sa may upuan na nasa ilalim ng puno, hinintay na niya si Christian. At mga ilang minuto pa ay nakita na niya itong paparating. Tumayo na siya agad at lumapit rito. Hinintay niyang alisin nito ang suot na helmet, at napansin niya ang extra na helmet na nasa isang kamay nito.
“Ready ka na ba?” ang nakangiting tanong nito sa kanya.
“Ah, Christian”- pero di na niya naituloy ang sasabihin ng lumabas mula sa pinto ng bahay ang kanyang lola at may dalang isang plastic ng mga order.
“Ay, pasensiya ka na Summer at Christian, ay pwede ko bang ipakisuyo ito sa iyo apo? Sa San Vicente ang tungo mo hindi ba? E pwede mo ba apo na idaan itong order sa akin kay Sibil sa palengke, iaabot niya sa iyo ang bayad ay ako na sana ang maghahatid kaso may nakasalang pa ako” ang sabi ng kanyang lola sa kanya.
“Wala pong problema nanay Ising, kami na po bahala ni Summer diyan” ang magiliw na sagot ni Christian.
“Ay salamat naman, ingat kayo ha, dahan-dahan ang takbo” ang bilin pa nito sa kanila bago ito pumasok sa loob ng bahay.
Gustuhin man ni Summer na hindi na pumunta ay wala na siyang magawa, kailangan niyang maihatid ang mga order sa kanila.
“Heto Summer, isuot mo, sa kapatid ko iyan” ang sabi ni Christian sa kanya sabay abot ng helmet.
“Salamat” ang matipid niyang sagot, saka niya inabot ang helmet na iniabot ni Christian, isinuot niya ito saka umangkas sa motorsiklo. Isinuot na rin ni Christian ang helmet niya.
“Kaya mo bang hawakan ang bag habang nakaangkas ka?” ang tanong ni Christian bago ibaba ang cover ng helmet.
“Oo” ang sagot ni Summer.
“Hawak ka sa dibdib ko” ang sabi sa kanya ni Christian. Agad naman siyang humawak doon, hindi kasi pwedeng sa balikat lang siya humawak at isang kamay lang ang gamit niya kaya ikinawit niya ang kanyang braso sa gitna ng dibdib at tiyan ni Christian, saka nito pinaandar ang motorsiklo.
Na touch naman siya sa ginawa ni Christian, galing pa ito sa kabilang bayan ng San Luis, pero sumadya pa ito sa San Vicente para lang tingnan kung nandun na siya, at nang di siya nito nakita ay pinuntahan pa siya nito sa Villa Elena. Seryoso nga kayang talaga si Christian sa kanya? Ang tanong niya sa sarili habang nakakapit kay Christian at patungo na sila ng San Vicente.
BINABASA MO ANG
The One That almost Got Away [complete]
RomanceFor mature readers only! 18 and up!!! Paano kung sa ikalawang pagkakataon ay nagkita kayong muli ng babaeng matagal mong hinintay at minahal? Ipagtatapat mo na ba ang iyong pag-ibig at gagawin ang lahat para maangkin ang kanyang puso? O susuko ka n...