“Oh, tapos na ang laban? Sinong champion?” ang gulat na tanong sa kanya ng kanyang lola ng bigla siyang bumalik.
“Ah, la, umuwi na po ako at hindi ko po tinapos yung laro sumakit na po kasi ang pakiramdam ko” ang sagot niya sa kanyang lola, “sige po doon na muna ako sa kwarto” ang mabilis niyang sabi at naglakad na siya papasok sa kanyang kwarto.
Alam ni Ising na may dinaramdam ang apo, napabuntong-hininga siya. Ayaw naman niyang pakialamanan ang apo pagdating sa personal nitong buhay, ang damdamin ng apo ay ayaw niyang panghimasukan, dahil kahit pa siya ang lola nito, ang puso ng kanyang apo ay di na niya saklaw.
Naupo si Summer sa gilid ng kanyang kama, nalulungkot siya at nangyayari ito ngayon. Ayaw niya na makita ang dalawang tao na naging malapit at kaibigan niya ay mag-aaway ng ganun.
Napabuntong-hininga si Summer, naalala niya rin ang ginawang paghalik ni Christian sa kanyang pisngi. Hindi siguro nito sinasadya, pero, hindi niya iyun nagustuhan. Balak niyang kausapin si Christian tungkol dun, at sasabihan niya na hindi na hindi iyun dapat na maulit pa. At, tuluyan na rin niyang sasabihin na hanggang kaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay sa ngayon. Dahil hindi niya alam kung hanggang kailan paghaharian ni Alex ang kanyang puso.Ilang oras din ang nakalipas at nanatili siyang nakaupo at nagkulong lang sa loob ng kwarto. Tiningnan niya ang oras at batid niya na tapos na ang laban. Sino kaya ang nanalo? Ang tanong ni Summer sa sarili.
Maya-maya ay narinig niya ang katok sa pinto ng kanyang kwarto. Agad siyang tumayo para pagbuksan ito, alam niyang ang lola niya lang iyun.
“La, bakit po?” ang tanong niya at pilit niya na nilagyan ng sigla ang kanyang boses.
“Apo, nariyan si Christian sa labas, gusto ka raw na makausap” ang sabi ng lola niya.
“Sige po lola, lalabas na po ako” ang sabi niya at saka siya lumabas ng kwarto at sinilip niya si Christian na naghihintay sa labas ng bahay, habang nakaupo sa ilalim ng puno. Hapon na kaya hindi na ganun kainit sa labas.
Lumabas siya at naglakad palapit kay Christian, saka siya naupo sa tabi nito, “sino ang nanalo?” ang unang tanong niya.
Napabuntong-hininga si Christian at umiling na may ngiti, “Villa Elena” ang sagot nito sa kanya.
Isang ngiti rin ang isinagot niya kay Christian, natutuwa siyang malaman na sina Alex pa rin ang champion.
“Sa susunod talaga kami na ang champion, kaso, baka wala na ako rito nun at sa Maynila na ako mag-aaral, gusto ko rin na itry na maglaro bilang varsity sa isang University” ang sabi nito sa kanya.
“Mabuti iyun at lalago pang lalo ang talento mo, at hindi malayong maging kilala kang basketball player sa Maynila” ang sagot ni Summer.
“Summer, gusto kong humingi ng tawad sa ginawa ko kanina?” ang mahinang sabi ni Christian.
Namula ang mga pisngi niya, “alin doon?” ang tanong ni Summer.
“Yung paghalik ko sa pisngi mo kanina” ang nahihiyang sabi ni Christian, “hindi ko alam kung bakit ko yun nagawa, nabigla lang ako, siguro, umaasa at sa sandaling yun inisip ko na girlfriend kita” ang nahihiyang sabi ni Christian.
“Kalimutan na natin yun, pero sana huwag mo ng uulitin Christian” ang mahina pero seryosong sagot niya.
“Talaga bang, wala akong pag-asa diyan sa puso mo?” ang malungkot na tanong ni Christian.
“Christian, nasa iyo na yata ang lahat ng bagay na gugustuhin ng isang babae, at napakaswerte ng magiging nobya mo, maaasikaso, maalalahanin, masarap kausap at kasama, at siyempre gwapo”-
“Pero hindi ikaw yung babaeng swerte?” ang putol sa kanya ni Christian, at ngumiti ito ng malungkot.
Hindi na nakasagot si Summer at ngumiti na lang siya ng malungkot din kay Christian at napayuko siya, sana nga siya yun Christian, pero, hindi niya kayang turuan ang puso niya, ang sabi ni Summer sa sarili.
“Si Alex ba? Siya ba ang maswerteng lalaki na nagmamay-ari ng puso mo Summer?” tanong sa kanya ni Christian na ikinabigla niya at mabilis siyang napatingin dito.
Wala namang masama kung aaminin niya kay Christian, tumangu-tango siya at isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kanyang pisngi.
“Bakit ba napakaswerte nitong si Alex? MVP, champion ang team, ngayon, pati ba naman ang babaeng gusto kong makuha ang oo, ay sa kanya pa rin” ang malungkot na sabi ni Christian.
“Christian wag mo sanang sasabihin sa kanya please, ayokong magmukhang tanga dahil sa alam ko naman na walang pag-asa na mapansin niya ang pag-ibig ko, dahil sa, bukod sa may girlfriend na ito, tingin lang sa akin nito ay isang kaibigan” ang malungkot niyang sabi.
“Summer willing akong maghintay”- ang sabi ni Christian pero mabilis na umiling si Summer.
“Ayaw kitang paasahin sa wala Christian, saka, alam ko madali mo rin akong nakakalimutan kapag nasa Maynila ka na, ang daming mga magagandang babae doon” ang giit ni Summer.
“Oo pero, walang Summer Avellaneda doon, nag-iisa lang siya” ang sagot ni Christian.
“Christian, huwag mong gawin yan, huwag kang umasa, dahil, alam ko ang pakiramdam” ang malungkot na sagot ni Summer.
“Oo, pero patuloy mo pa rin na ginagawa hindi ba? Kahit na walang pag-asa patuloy mo pa rin siyang minamahal?” ang tanong ni Christian at isang pagtango lang ang isinagot niya.
“Kaya, itutuloy ko pa rin, kapag naging kayo na ni Alex, saka lang ako titigil. Kahit na nasa Maynila na ako ay palagian kitang tatawagan ha?” ang paghingi ni Christian ng permiso.
“Oo naman, tapos kapag may nakilala ka na doon ay ipakilala mo rin sa akin ha?” ang biro niya kay Christian at napailing na lang ito.
“This week na rin pala ang graduation mo, nandito pa naman ako nun, pwede ba sumama sa celebration?” ang tanong ni Christian.
“Oo naman, pwede bang mawala ka, kaibigan kita?” ang nakangiting sagot niya.
“Ouch, sakit” ang sagot ni Christian at humawak pa ito sa kaliwang dibdib na tila ba nasaktan at napangiwi pa. Isang tawa naman ang isinagot ni Summer.
“Oo nga pala, pasensiya ka na rin sa nangyari sa amin ni Alex kanina sa laro, alam ko na kaya ka umuwi dahil ayaw mong makita kaming nag-aaway” ang sabi ni Christian.
“Masakit sa akin na makita kayo sa ganun na sitwasyon dahil sa pareho kayong malapit sa akin at pareho ko kayong kaibigan, ayokong makita kayong nag-aaway ng dahil lang sa laro” ang giit niya.
“Basketball ba talaga ang dahilan?” ang malamang tanong ni Christian.
Kumunot ang noo ni Summer, “bakit ano pa bang dahilan?” ang taka at balik tanong niya.
Napailing na lang si Christian, hindi niya alam kung ano pa bang pwedeng ibang dahilan, pero iisa lang ang nasa isip ni Christian, nagseselos si Alex sa kanya para kay Summer.
"Huwag kang mag-alala nagka ayos naman kami agad pagkatapos ng laban" ang nakangiting sabi sa kanya nito.
"Mabuti naman kung ganun" ang nakangiting sagot niya.
“Sige Summer, kailangan ko ng umuwi, pakisabi kay nanay Ising na salamat” ang pamamaalam ni Christian. At tumayo na rin ito para sumakay sa motor.
“Ingat ka sa pagpapatakbo ha, hindi sa iyo ang kalsada” ang paalala ni Summer.
“Opo” ang natatawang sagot ni Christian at pinaandar na nito ang motorsiklo at sinundan niya ito ng tanaw.
Medyo gumaan na rin ang pakiramdam niya ng mga sandaling iyun, dahil nasabi na niya ng tuluyan kay Christian ang nilalaman ng damdamin niya. Kahit pa nagsabi ito na aasa pa rin sa kanya, ay naging tapat na siya na si Alex na ang laman ng puso niya.
Nagdiriwang na siguro ito kasama ng mga kaibigan at si Jacel. Nababalitaan niya dati na kapag nagchachampion ang mga ito ay nagpaparty ang mga ito sa beach. Malamang naroon ang mga ito ngayon, ang sabi niya sa sarili.Pagpasok niya sa loob ay naabutan niya ang kanyang lola na nakatayo sa may kusina, nakatalikod ito sa kanya at nakayuko.
“Lola?” ang tanong niya rito, napansin niyang pinahid ng lola niya ang mga nito, pero humarap ito sa kanya na may ngiti sa mga labi.
“O Summer, tapos na kayong mag-usap ni Christian, nasaan na siya?” ang usisa ng kanyang lola.
Napansin niya na hawak ng kanyang lola ang lumang cellphone nito at ang pilit na ngiti ng kanyang lola sa mga labi nito.
“Lola? May… problema po ba?” ang usisa niya.
“Ha, wala bakit mo naman naitanong?” ang balik tanong nito sa kanya.
“Lola, para kasing may dinaramdam kayo?” ang patanong na sagot niya.
“Wala ito, sumakit kasi ang dibdib ko kanina, at inubo hanggang sa parang naiyak na ako” ang pagsisinungaling nito.
“Lola kapag may problema, sasabihin nyo po sa akin diba?” ang giit niya sa kanyang lola na may kutob siyang may inililihim ito sa kanya.
“Oo naman apo” ang sagot nito, “nga pala, pwede bang ikaw na muna ang magprito ng talong? Iyun ang hapunan natin” ang tanong ng kanyang lola sa kanya.
“Oo naman po lola, bakit naman po kasi hindi kayo magpahinga na muna at ako na ang gagawa rito, baka kaya masama ang pakiramdam nyo ay dahil sa lagi na lang kayong nakatapat sa mainit” ang giit ni Summer, “magpahinga na muna kayo lola, ako ng bahala” ang mabilis na sabi ni Summer, saka siya nagpunta ng kusina para maging abala. Mabuti na rin ang maging abala siya at makakalimot siya kahit na papaano.
Hinintay ni Ising na makapunta ng kusina si Summer, bago niya muling tiningnan ang natanggap na mensahe. Galing iyun sa mga Gutierrez, hindi na raw kukuha ng mga paninda ang mga ito sa kanila. Maramihan pa naman ito kung kumuha ng paninda sa kanila dahil dalawa ang tindahan ng mga ito. Napabuntong-hininga si Ising, wala na siyang magagawa kundi ituloy ang balak niya, iyun na lang ang natitirang pag-asa ni Summer na makapag – aral, ang sabi ni Ising sa sarili. Kailangan niyang magsakripisyo, kailangan nilang magsakripisyo. Noong una ay pangalawang pagpipilian niya lamang sana ito pero sa nangyari ng mga sandaling iyun, mukhang iyun na lang talaga ang pag-asa nila.
Kailangan na lang nila na maghintay, may isa pa siyang suliranin. Nakatanggap na siya ng sulat mula sa bangko, at malapit ng mailit ang bahay at lupa nila. Isinangla kasi niya ito noong namatay ang nagkasakit at namatay ang ina ni Summer, at ang sumobra ay ipinuhunan nga niya sa paninda niya.
Nahulugan niya ang utang ng ilang taon pero nitong nakalipas na dalawang taon ay pumapalya na siya, at isa pa ito sa pinangangambahan niya. Hindi niya ito magawang sabihin sa apo, alam niyang lubos na mag-aalala ito, at ang gusto niya ay nakapokus ang isip nito sa pag-aaral sa kolehiyo.
Sa ngayon, tama ang naging desisyon niya, dahil iyun ang nahuhuling pag-asa ni Summer, ang giit niya sa sarili.
Ayaw man ay pinilit ni Summer ang kanyang lola na magpahinga na sa kwarto nito pagkatapos nilang maghapunan. Halos ipinagtulakan na niya ito papasok sa loob ng kwarto nito. At naging abala siya sa paglilinis sa kusina at sa kainan. Pati ang mga bilao na hindi na nagagamit ay inayos niya at itinabi sa itaas ng cabinet sa kusina. Sa susunod ay magagamit pa nila iyun. Kahit siguro maglako siya ng kakanin sa bakasyon para makaipon pa siya pandagdag sa panggastos niya.
At nang madilim na ay nagpasya na siyang pumasok sa loob ng kanyang kwarto. Pinatay na niya ang lahat ng ilaw maliban ang sa labas. Naglinis na siya ng katawan at nagpalit ng pajama at sweater, dahil sa may kalamigan pa ang hangin dahil sa amihan.
Pinatay na niya ang ilaw sa kanyang kwarto, at agad siyang nahiga. At dahik6sa pagod ay agad siyang nakatulog.Maya-maya ay nagising siya dahil sa parang may tumatama sa salamin ng kanyang bintana sa kwarto. Agad siyang napadilat at nakiramdam, baka naman kasi nagkakamali lang siya. Tiningnan niya ang oras, alas diyes na ng gabi.
Pero ilang segundo lang ay narinig na naman niya ito, at napatingin siya sa may bintana. Tumayo siya at lumapit dito pero di niya ito binuksan. Hinintay pa muna niya na maulit ang pagbato sa kanyang bintana. At nang may tumama na naman na maliit na bato ay agad na niyang binuksan ang kanyang bintana.
At nagulat siya nang bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Alex na nasa labas ng bakuran nila.
BINABASA MO ANG
The One That almost Got Away [complete]
RomanceFor mature readers only! 18 and up!!! Paano kung sa ikalawang pagkakataon ay nagkita kayong muli ng babaeng matagal mong hinintay at minahal? Ipagtatapat mo na ba ang iyong pag-ibig at gagawin ang lahat para maangkin ang kanyang puso? O susuko ka n...