Chapter 20

2.5K 108 18
                                    

Pransya? Tama ba ang narinig niya? Pransya? Ang tanong niya sa sarili at pinagmasdan niya ang nakangiting mukha ng kanyang lola. Pinagmasdan niya iyun at tiningnan niyang maigi kung may mababakas siyang nagloloko lang ang kanyang lola.
Pero ang saya sa mukha nito ay totoo. Pransya? Napakalayo nito. Napakalayo sa kanyang lola. Napakalayo kay Alex.
"Lola p-papaano po mangyayari na makakapag-aral ako sa Pransya?" ang takang tanong niya sa kanyang lola.
Nawala ang ngiti sa mga labi ng kanyang lola, "simula ng isa-isang nawawala ang mga umoorder sa atin ng paninda, nag-isip ako ng opsyon, para sa iyo. Ayokong matigil ka sa pag-aaral apo, kaya, ito lang ang naisip kong paraan" ang sagot ni Ising. Isinikreto pa rin nito ang tungkol sa kalagayan ng bahay at lupa nila.
"Sumulat ako sa iyong ama, nagbakasakali ako na, doon pa rin ito nakatira" napabuntong-hininga si Ising, "pagkatapos ng isang buwan ay nakatanggap ako ng sagot mula sa papa mo".
"Tuwang-tuwa siya ng malaman na kinilala mo na siyang ama, at handa siyang akuin ang lahat ng responsebilidad na dapat ay ibinigay niya sa iyo labingpitong taon na ang nakalipas" ang kwento ng lola niya.
"At ito, ang sulat na ito ay may kaakibat na mga papeles Summer, naka register ang sulat kaya kailangan ko pang kunin sa post office bukas, naroon ang mga dokumento ang mga papeles na kailangan mo para makapunta sa Pransya, sa bakasyon lalakarin na natin sa Maynila ang mga papel mo, doon muna tayo sa pinsan ko tutuloy habang"-
Hindi na naituloy ni Ising ang sinasabi dahil sa sunud-sunod na pag-iling ni Summer, "lola ayoko po" ang mariin na sagot ni Summer at namuo na ang luha sa kanyang mga mata.
Kumunot ang noo ni Ising, "bakit ayaw mo? Hindi ba at gusto mong makapag kolehiyo? Ang makapag-aral sa isang magandang paaralan? Ito na ang pagkakataon mo apo ko" ang giit ni Ising.
"Lola ayoko pong malayo sa inyo" ang sagot ni Summer, na pinipigilan na kumawala ang mga luha sa mata.
Napabuntong-hininga si Ising, "alam ko iyun apo, masakit din sa akin ang magkalayo tayo, pero, kailangan nating magsakripisyo para sa ikauunlad mo Summer" ang giit ni Ising.
"Kaya.. Ko.. Po.. Na mag t-trabaho lola, pwede po a-akong magtrabaho muna s-sa bakasyon, mag-mag ta-trabaho po ako habang... nag-aaral ayoko po magpunta sa Pransya, parang awa mo na lola" ang pagmamakaawa ni Summer na di na napigilan ang lumuha, hindi lang ang lola niya ang pumipigil sa kanya, kundi na rin ang lalaking lubos niyang minamahal. Si Alex, ngayon pa ba? Na mukhang nagkakalapit na sila? Hindi niya kakayanin na mapalayo kay Alex, ang sabi ni Summer na labis na sakit ang nadarama.
"Si Alex ba? Siya ba ang dahilan kung bakit ayaw mong umalis?" ang tanong niya sa kanyang lumuluhang apo.
Hindi makasagot si Summer, napakasakit na ng kanyang lalamunan, pero dahan-dahan siyang tumangu-tango bilang sagot.
Napabuntong-hininga si Ising, yun na nga ang ipinag-alala niya, si Alex ang magiging dahilan ng pag-ayaw ni Summer. Pero ayaw naman niyang pilitin si Summer, ayaw niyang magdesisyun at magpunta ito sa malayong lugar na labag sa loob nito. Ayaw niyang masaktan si Summer at ayaw niyang siya mismo ang maging dahilan niyun.
"Apo, mas magiging mahirap pa ang buhay natin"-
"Lola, na-nakahanda po ako, nakahanda po ako sa hirap.. lola, kaya ko pong matiis.. g- gagawin ko po ang lahat kahit gumapang ako sa lupa sa pagtatrabaho at pag-aaral.. wag nyo lang po akong papuntahin sa malayo, lola, hindi ko po kaya, pakiusap po" ang lumuluhang pagmamakaawa ni Summer.
Hinaplos ni Ising ang pisngi ng apo at pinahid ang dumadaloy na mga luha sa mata nito. Kinabig niya ito papalapit sa kanyang dibdib at binalot niya ang pinakamamahal niyang apo sa kanyang mga bisig.
"Kung iyan ang pasya mo apo ko, ikaw ang masusunod" ang mahinang sabi ni Ising kay Summer at hinagkan niya ang bumbunan nito.
"Lo.. La.. Salamat po.. Pangako.. Di po ako... magiging.. Pabigat sa inyo" ang naluluha pa ring sabi ni Summer.
Mabilis na umiling si Ising, "Apo wag mong sabihin iyan, kahit kailan hindi ka naging pabigat sa akin o kanino man, wag mong sabihin yan, huh, tandaan mo yan?" ang giit ni Ising, masakit sa kanyang dibdib na makita na naghihinagpis ang apo at tiningnan niya sa mga mata si Summer,tumangu-tango ito habang patuloy pa rin sa pagsinghot at pagluha.
"O tahan na, naku, baka kapag nalaman ni Alex na pinaiyak kita magalit sa akin iyun" ang biro ni Ising sa apo, at isang ngiti ang biglang gumuhit sa mga labi ni Summer.
"Lo-la, na-man eh" ang sagot ni Summer na bahagya ng humupa ang pag-iyak nito at napangiti na sa sinabi ng kanyang lola.
Niyakap siyang muli ng kanyang lola, "apo, nililigawan ka na ba ni Alex?" ang tanong ng kanyang lola.
"Naku lola hindi po" ang mabilis na tanggi niya.
Yun na nga ang ikinatatakot, ni Ising, ayaw niya na umasa ang apo kay Alex, ayaw niya na umasa si Summer na ibabalik ng binata ang pagmamahal ng kanyang apo.
"Ganun ba? E si Christian?" ang usisa ni Ising.
Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa pisngi ni Summer, "lola di ko po mahal si Christian" ang malungkot niyang sagot.
"Si Alex ang mahal mo?" ang tanong ni Ising sa apo. Habang hinahaplos ang mahaba nitong buhok.
Isang pares ng mga ginintuang mga mata ang malungkot na tumingin sa kanya, at tumangu-tango si Summer.
Ngumiti lang si Ising, ayaw niyang pagsabihan ang apo, ayaw niyang pigilan ang damdamin nito, kahit kailan ayaw niyang maging hadlang sa kaligayahan ng kanyang apo.

The One That almost Got Away [complete] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon