CHAPTER FIVE
"MARAMING salamat sa mga pagkain na dala mo, Andru. Ngunit pasensiya ka na dahil hindi ko talaga maaaring kainin iyong tinatawag niyong fish crackers dahil gawa iyon sa isda," turan ni Aquano sa kanya habang may laman na tatlong candies ang bibig nito.
Talagang sabik na sabik ito sa matatamis na pagkain. Siguro ay puro maaalat ang kinakain nito sa Aquatika.
Kumuha siya ng isang candy at binuksan iyon. "Hayaan mo, sa susunod naman ay ipagdadala kita ng chocolates at ice cream. Sigurado akong magugustuhan mo din ang mga iyon," sabay subo niya ng candy.
Nakita niya ang pagningning ng mga mata ni Aquano. Pakiramdam niya ay hinihigop siya ng asul nitong mata. Iba talaga ang nararamdaman niya para dito. "Matatamis din ba ang mga iyon? Masarap din?"
"Oo. Maraming mga tao ang may gusto ng chocolates at ice cream-"
Nagulat si Andru nang bigla siyang yakapin ni Aquano. Pumaikot sa leeg niya ang matigas nitong braso na naghatid sa kanyang katawan ng libo-libong boltahe. "Naku, maraming salamat talaga, Andru! Napakabuti mo. Ngayon ko talaga napatunayan na walang katotohanan ang sinasabi sa akin nina Inang Reyna at Amang Hari na masasama ang mga tao!"
Hindi pa rin malaman ni Andru kung ano ba ang dapat niyang gawin sa pagyakap na iyon ni Aquano. Gusto niyang gantihan ang yapos nito pero nahihiya siya.
"Depende naman sa tao iyan, Aquano. May taong masama pero marami din ang mabuti. Ang importante ay marunong kang kumilatis kung ano ba ang taong nakakasalamuha mo," tugon na lang niya at kumalas na ito sa pagkakayakap sa kanya.
'Grabe! Hindi ako nakahinga doon, ah. Gusto ko na ba si Aquano? God! Hindi pwede... Magkaiba kami ng mundong ginagalawan.'
"Hmm... Pero sigurado naman ako na mabuti kang tao, Andru."
"Salamat kung ganoon, Aquano. Ikaw din naman, sigurado akong mabait kang sireno. Iniligtas mo pa nga ako, eh. Pero, teka lang, hindi ka ba nagkakaroon ng paa, Aquano? Ganoon kasi ang mga sirena sa mga kwentong nababasa ko-laging may mga paraan para magkaroon sila ng paa..."
Tumingin si Aquano sa malawak na dagat. "Meron naman, Andru. At mas lalong sumidhi ang aking pagnanais na magkaroon ng paa dahil sa iyo..."
"D-dahil sa akin?"
"Oo. Dahil pinakita mo sa akin kung gaano kasarap ang maging tao! At ang gusto ko 'pag nagkaroon na ako ng mga paa, ikaw ang nais kong unang makasabay sa unang paghakbang ko..."
Kulang na lamang ay mamilipit si Andru sa sinabing iyon ni Aquano. Oo, aaminin niya na kinikilig siya! Kahit pala mga sireno ay marunong din magpakilig. Pero, hindi niya ipinahalata ang kilig at pamumula ng kanyang mukha.
'Aware ba itong si Aquano sa mga pinagsasabi niya?' Turan niya sa kanyang sarili.
-----***-----
MASAYA na malungkot si Andru nang maghiwalay sila ni Aquano ng araw na iyon. Hindi kasi sila pwedeng magtagal sa isla dahil sa hahanapin siya ni Lola Fe at si Aquano naman ay hahanapin sa Aquatika. Masaya siya dahil muli na naman niyang nakasama ang sireno na nagpapasaya sa kanyang puso. Ano nga bang ibig sabihin ng 'nagpapasaya ng puso'? Hindi rin niya alam. Basta, masaya siya kapag kasama ito. Malungkot naman dahil nagkahiwalay na naman sila. Pero nangako naman ito na magkikita silang muli sa mga susunod na araw. Biniro pa nga siya ni Aquano na baka sa susunod na magkita sila ay may paa na ito.
Nararamdaman niya kay Aquano na talagang gusto nitong magkaroon ng paa. Ganito na nga siguro ang isip ng tao o ibang nilalang... kung ano iyong wala sa kanila, iyon ang hinahangad. Hindi marunong makuntento sa kung anong ibinigay ng Diyos.
BINABASA MO ANG
Ang Asul Na Buntot ni Aquano
Fantasy(COMPLETED/ BOYXBOY STORY!) Si AQUANO ay isang sireno na nabibilang sa Unda-e o mga dugong bughaw sa Aquatika-- isang kaharian sa ilalim ng karagatan. Habang si ANDRU naman ay isang pasaway na lalaki kaya ipinadala siya sa probinsiya ng kanyang momm...