HINDI ako mapakali. Tumatakbo ang oras at hindi ko ito magawang patigilin. Sa bawat oras na lumilipas ay nauubos ang pagkakataon kong maging mahusay.
Noong gabing iyon, natatandaan kong pilit panatalihing bukas ang mga mata ko habang nagmaneho sa highway patungong kabilang bayan. Malalim na ang gabi at bilang na lang ang mga sasakyang dumaan. Naghinayang sa noo'y maligamgam na styrofoam cup na kape, napagtanto kong kulang pa talaga ang caffeine na aking kinunsumo at dapat inubos ko na lang ito.
Binaba ko ang salamin ng bintana saka tumama ang maginaw na hangin sa mukha ko, papasok sa aking overcoat. Sa magkabilang gilid ng daan ay kumakaunti ang mga bahay at establishment na bukas ang mga ilaw. Walang oras kong nasaulo ang piyesang nai-save sa cellphone at pabalik-balik na tinugtog, ang mga daliri kong pinipindot ang imaginary keys ng piano.
Mayamaya'y naghanap muli ako ng ibang mapaglibangan para mawala ang aking antok. Ang minuto ay naging oras at tila gumapang ang pagtakbo ng orasan.
Nag-aksaya lamang ako ng panahon. Sa pitong taon kong pananatili sa Europe, pakiramdam ko naglakad ako sa isang daang nalakaran na ng iba. Wala akong nagawang progress.
Kaya't napagpasya kong umuwi sa aking hometown, Remedios, subali't sa hindi ko malamang dahilan ay meron pa ring bumabagabag sa akin. Hanggang ngayon ay abala ako sa paghanap ng isang bagay na hindi pa nailikha, na magmarka bilang kontribusyon ko.
Hindi nagtagal ay nagbago ang tanawin sa labas. Habang papalapit sa destinasyon ay kumakapal ang mga punongkahoy. Nagtago ang buwan sa likuran ng mga dahon at ulap kung kaya't lalong dumilim. Sa kabila ng samu't saring ingay sa paligid, tanging ang paglikha ng tunog ng kotse sa malubak na daan ang narinig ko. Kalaunan ay tanaw ko na ang isang bahay na matagal nang naipag-iwanan ng panahon.
Huminto ako sa harap ng tarangkahan, itim at gawa sa bakal, na pumalibot rito. Isang estrukturang gawa lamang sa bato at matigas na kahoy, katamtaman man ang laki ng bahay ay tila puso ito ng gubat. Sumagi sa isip ko ang kabataan ko.
Ang pag-obserbahan ang mga hayop sa labas ng bintana, ang pagbasa ng mga libro sa ilalim ng puno ng Salingbobog, at pagkain ng kung anumang prutas na makikita namin sa gubat. Ngayong malaki na ako ay saka ko lang nabigyan ng halaga ang paglaki nina Lolo at Lola sa amin ng mga pinsan ko. Nakakalungkot din marahil sa pagbalik ko ay sa puntod nila ko lamang sila muling makita.
Sa isang kuwarto ay buhay ang ilaw. Hinintay kong merong lumabas upang pagbuksan ako ng gate. Kahit na walang mga kapit-bahay, makaabala lamang ang pagbusina sa mga hayop at sa mga taong natutulog sa loob.
Nasagip ng mga mata ko ang paggalaw ng kurtina. Sa paghawi nito ay napansin kong merong mukhang bahagyang nagtago mula sa bintana, siguro inusisa kung sino ang nasa labas sa mga oras na ito. Hindi ako nahirapang makilala ang mukha at lumabas ng kotse saka kumaway rito.
Kaagad niyang hinawi nang tuluyan ang kurtina, nanlaki ang mga mata at mukhang hindi inasahang makita ako.
Isang taong bumangon mula sa puntod, na nagising mula sa pagkahimlay. Inisip nila siguro ngayon, ano kaya ang dahilan kung bakit ngayon lang ako nagpakita?
Sa pagtama ng liwanag ng buwan sa bahay ay saka ko lang napansin nang detalyado ang mga bahagi nito. Sa kaliwang wing ay basag ang salamin ng mga bintana, habang sa kabilang wing ay tinatakpan naman ng baging ang isang pader nito, na ultimo pinigilan ito mula sa pagguho. At kung uulan man nang malakas, sa tingin ko hindi na ito makakaya ng ngayo'y manipis na bubong na nipa.
Nang maibalik ko ang tingin ko sa bintana ay wala na ang mukha. Narinig ko na lamang ang mga yapak ng paa sa sahig na gawa sa kahoy at ang pagbuhay ng mga ilaw sa ibabang palapag. Bumukas ang pinto at lumabas mula rito ang babae kanina na nakasuot lamang pala ng isang puting regency nightgown.
BINABASA MO ANG
Reverie
Mystery / ThrillerHalina't pumasok sa gubat at magliwaliw, kalimutan ang oras at direksyon. Kung ikaw ay maligaw ay huwag mangamba. Magpariwala. Walang mas hihigit pa sa katinuan ang alisin ang mga kadenang gumapos sa mga isip natin at pilit tayong maging malaya. Kas...