Tara - Short Story

330 9 0
                                    


Cover drawn by my good friend and schoolmate.

Tara

UMAGA pa lamang, ngunit pakiramdam ko'y pagod na pagod na ako. Partida, Lunes pa lang ngayon, at saka ni wala nga akong ginawa noong Sabado at Linggo kundi maglaro ng video games, matulog at kumain.

Gano'n nga siguro ako katamad – wala pang ginagawa, pagod na. Pero okey na sa akin iyon, kaysa ma-stress pa ako sa pag-aaral. Mayroon nga akong kaibigan: Si Yana. Oo, honor student, ngunit dahil sa sobrang sipag niya, halos hindi na siya natutulog kagagawa ng requirements at kare-review.

Wala namang silbi ang mga medalya kung sinasakripisyo mo ang kalusugan para lang makakuha ng isa o dalawa.

Maaga akong nakarating sa school. Bibihira ang mga pagkakataong nakararating ako rito isang oras bago ang pagsisimula ng klase. Once in a blue moon, kumbaga.

Dinig na dinig ang bawat hakbang ninuman. Sa tingin ko, kahit nasa first floor pa lang 'yong naglalakad, maririnig ko na sa third floor ang mga kalabog ng paa niya. Pagpasok ko naman sa classroom, sinalubong ako ng matagal ko nang hinahangad na kapayapaan. Wala kasi ni isang tao. Sabayan mo pa ng pagdungaw sa bukas na bintana at paghalik ng malamig na hangin sa aking pisngi.

Bwiset, dahil dito nagiging poetic ako.

Napalingon ako nang biglang bumukas ang pinto. Si Yana lang pala. Pero dahil dito, nagtagpo ang aming mga mata at agad kong napansin ang itim sa ilalim ng kaniya. 'Tamo, 'yan ang produkto ng labis na kasipagan – hindi na natutulog.

'Matik akong napatayo, lumapit sa kaniya, at nagtanong, "O, ba't ganiyan naman kadilim mga mata mo?" Halata ang pag-aalala sa aking boses, bagaman sinubukan kong gawing 'chill' lang ang paglapit sa kaniya. "Ilang oras mong pinaghirapan 'yan?"

Iniwasan niya ang sinabi ko at nagbato ng sariling tanong sa akin. "Bakit naman sobrang aga mo ngayon, Eli?"

Bakit nga ba sobrang aga ko ngayon? Pati ako hindi ko alam kung bakit.

Itinuon niya ang pansin sa paghahalungkat ng kaniyang bag. Sunod ay inilabas niya ang sari-saring mga make-up mula rito. Pagkatapos, muli niyang inilipat ang tingin sa akin at ngumiti nang hindi umaabot sa kaniyang mga mata.

"Tatakpan ko lang. 'Wag mong sabihin sa iba, ha?"

Ayon naman pala. Kaya maagang pumapasok, para matakpan ang mga markang iniiwan ng pagpupuyat at labis na kapaguran. Maliban kasi sa makapal na eye bags, maputla na rin ang balat niya.

Umupo ako sa tabi niya at habang naglalagay siya ng kolorete, naglaro na lang ako sa cellphone ko. Ewan, puwede namang maglaro na lang ako sa sarili kong upuan pero pinili kong tabihan pa siya.

Walang umiimik sa amin hangga't sa makatapos ako ng isang laro. Higit 20 minuto rin 'yon. Tapos na kaya si Yana sa ginagawa niya?

"Tapos ka na?" Halos mapaigtad ako nang magtanong siya. Tatanungin ko rin dapat ang parehong tanong sa kaniya subalit naunahan niya ako. "Ano, panalo ba?" muli siyang nagtanong, at tango lang ang naisagot ko. Wala eh, inunahan ng panic. "Tara, lakad tayo sa labas."

Hindi ako nakatanggi sa alok niya. Sa totoo lang, hindi ako makatatanggi sa kahit anong alok niya. Iba kasi 'pag gusto mong makasama ang isang tao. Gagawan mo ng paraan kahit tinatamad ka.

Paglabas namin sa classroom, napansin kong marami-rami na pala ang tao sa school. Buti na lang hindi gano'n karami ang taong nagkalat sa quadrangle. Doon na lang siguro kami maglalakad-lakad.

Noong una, tahimik lamang kaming naglalakad. Walang umiimik. Subalit nang marating namin ang ampitheater, nagsimulang magsalita si Yana.

"Na-diagnose ako ng Chronic Insomnia last year, kaya parati akong mukhang maputla. Madalang din lang akong makatulog nang maayos kaya ginagamit ko na lang ang mga panahong 'di ako makatulog para gumawa ng reqs.

"Minsan naman nagte-take na lang ako ng sleeping pills pero dahil malaki ang magiging epekto nito sa pag-aaral ko, sinusubukan kong gawing madalang ang intake ko."

Tatanungin ko pa sana kung anong sanhi ng insomnia niya, ngunit bigla siyang sumigaw, "Ahhh! Ayoko na!"

Syempre, ikinagulat ko iyon. Hindi ko naman inaasahang bigla na lang siyang sisigaw. May ilan pang napatingin sa amin; baka kung ano-ano nang iniisip nila.

Sinalubong ni Yana ang tingin ko kasabay ng pamemeke niya ng kaniyang tawa't ngiti. Nailang yata siya nang makitang nakatingin lamang ako sa kaniya kaya't bigla siyang umiwas ng tingin at bumulong nang nakayuko, "Pagod na ako. Gusto ko na lang magpasagasa."

"'Wag naman. Hindi ko pa nasasabing gusto kita, mawawala ka na."

Syempre, hindi ko sinabi 'yan. Ayoko ngang magsabi ng mga salitang nakaka-cringe na, cliche pa. Tumawa na lamang ako at sumang-ayon sa kaniya.

"Tara, isama mo ako, ha?"

***

Isang linggo na ang nakalipas mula noong umagang iyon ngunit hindi pa rin siya pumapasok sa school. Walang nakaaalam kung bakit.

"The number you have dialed is either unattended or out of coverage area–"

Muli kong ibinaba ang tawag. Isang linggo nang ganito ang naririnig ko sa tuwing tinatawagan ko ang number niya.

"Kalma lang sa pagtawag, Elias. Malapit na nga tayo sa bahay nila, oh," ani Kath, matalik na kaibigan ni Yana.

Niyaya nila akong sumama sa pagbisita sa bahay nina Yana dahil alam nilang may gusto ako sa kaniya. Nakakainis nga eh, sila pa ang unang nakaalam bago sa kaniya.

Pagkatok ni Kath sa pintuan ng bahay nina Yana, agad itong binuksan ng isang batang lalaki. Nakababatang kapatid siguro ni Yana. Pinatuloy kami no'ng bata at nagpaalam upang tawagin ang ate niya.

Ilang minuto kaming nakaupo sa sala nila. Nakaharap lamang sa kanilang cellphone sina Kath at ang isa pa nilang kaibigang si Coleen. Mayamaya, bumaba 'yong batang lalaki, nagtungo sa isang kuwarto, at saka muling nagtungo sa kuwarto ni Yana bitbit ang ilang susi.

Napakabilis na ng mga susunod na pangyayari. Narinig namin ang sigaw ng bata kaya't dali-dali kaming nagtungo sa kuwarto ni Yana. Bukas na ang pinto, at sa kama'y nakahiga lamang siya.Noong una'y inakala naming tulog lamang ang babae, subalit nakita namin ang mga sugat sa mga bisig niya, isang duguang blade, at isang bote ng sleeping pills malapit sa kaniyang nakabukas na palad. Sa tabi nito'y naroon ang isang puting papel kung saan nakasulat ang huling mensahe ni Yana.

Eli,

Sinabi mong sasamahan mo ako, 'di ba? 'Wag kang mag-alala. Hihintayin kita.

Nagmamahal,Yana

TaraWhere stories live. Discover now