Alas singko y medya, Martes.
Matumal ang daloy ng tao sa buong Santa Monica. Maagang nagsisiuwian ang mga tao, tila ba ay mayroon silang kinakatakutan.
Tuwing alas kwatro y medya hanggang ala sais ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes ang schedule ng pangungumpisal sa simbahan ng Santa Monica, ngunit sa tingin ni Father Castelo ay maaga siyang matatapos sa araw na iyon. Alas singko pa lamang ay halos wala nang tao sa harap ng simbahan, at ang ilang mga natitira ay nagsisimula nang magsialisan.
Dalawa lamang ang pari sa simbahan ng Santa Monica, at sa hapong iyon ay wala ang kasamahan ni Father Castelo at siya lamang ang nagpapa-kumpisal. Kakatapos lamang ng isang parokyanong mangumpisal, at paglabas nito ay sinilip ni Father Castelo sa kurtina kung ilan pa ang mga nakapila. Ang kalalabas lamang na nangumpisal ay dumiretso sa harap ng altar at lumuhod upang magdasal. Maliban dito ay may isang babaeng nakasuot ng puting belo na lamang ang nakapila para mangumpisal.
Ang babae ay tumayo mula sa kinauupuan nito at nagsimulang maglakad patungo sa confession booth.
Isinara ni Father Castelo ang kurtina at hinintay ang pag pasok ng matandang babae.
Pumasok ang babae at agad sinabing“ Tulungan niyo po ako padre.” Ang tinig nito tila ba ay puno ng pangamba, pagkabalisa at pagkatakot. Nagulat ang pari pagkat mukhang hindi pangkaraniwan ang babae.
“Sige, anak, sabihin mo kung ano ang iyong problema.” Bagamat ay medyo nagtataka, pinilit ni Father Castelo na magsalita ng malumanay para pakalmahin ang balisang babae.
“Pinatay ko po ang aking asawa.”
Nagulat ang pari at bahagyang natahimik sa sinabi ng babae.
“Tulungan niyo po ako, padre. Paano po ako patatawarin ng mahal na Panginoon?”
Hindi agad nakapagsalita si Father Castelo dahil sa mga rebelasyon ng babae. Ngunit di nagtagal ay pinilit nitong sagutin ang matandang babae. “Anak, sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay pantay. Mahal Niya tayong lahat, at lahat tayo ay may espesyal na puwang sa Kanyang puso.”
“Dahil sa pag ibig sa atin ng Diyos, walang kasalanan ang hindi Niya kayang patawarin. Ngunit may mga bagay tayong—”
“Pero padre, nakapatay po ako ng tao. Pinatay ko po ang asawa ko!” Biglang sabat ng babae. “Ayoko ko pong mapunta sa impyerno, padre, tulungan niyo po ako, iligtas niyo po ako!” Dumating sa punto na binuksan ng babae ang kurtina ng screen sa pagitan nila ng pari at sinubukang abutin si Father Castelo. Ang mga kamay nito ay nakadiin sa screen.
“Anak, kumalma ka lam--”
“25 taon ko na po siyang asawa, at sa loob ng mga panahong iyon ay hindi siya tumigil sa panloloko sa akin. Maiintindihan naman po siguro ako ng Diyos, di ba po? Di ba?” nawawalan na ng kontrol sa sarili ang babae.
Sa sobrang pagkagulat ay walang nasambit si Father Castelo at tiningnan lamang ang babae, ang mga mata nito ay nanlalake sa takot.
“Bakit hindi kayo sumasagot, padre, bakit? Bakit!?” nagiging histerikal na ang babae. “BAKIT?” sigaw ng babae.
Nanigas sa pagkatakot si Father Castelo pagkat naalala niya ang insidenteng nangyari sa simbahan tatlong taon na ang nakaraan.
Isang hapon noong 2007 ay may isang matandang babaeng may kapayatan ang pumunta sa simbahan upang mangumpisal, parehong pareho ang deskripsyon nito sa kasalukuyang nangungumpisal kay Father Castelo.
Ang babaeng nangungumpisal noon ay mukha ring balisa at wala sa sarili. Ayon sa mga nakakita ay pumasok ang babae sa confession booth at wala namang iregular na nangyari noong una. Ngunit di nagtagal ay narinig na lamang nila ang pagsigaw ng babae na tila ba ay nababaliw na ito.
BINABASA MO ANG
Santa Monica: A Filipino Ghost Story
رعبSanta Monica is a small town that was once covered by darkness no one saw coming. An evil being set foot in the town thirty years ago. And with his presence, the dead seemed to have come back. But the evil entity lost his first battle, but not witho...