Kabanata 0 - Isang Umaga

20 5 0
                                    

"Arjo, arjo, arjo..." malamig na pawis ang tumatagaktak sa buong katawan ni Arjo habang naririnig ang walang hangganang pagbulong sa kaniya ng mga boses na tila ba'y humihingi ng saklolo. Tumunog ang kaniyang alarm at agad siyang napabangon sa kaniyang higaan. Bumungad sa kaniya ang nakababata niyang kapatid na si Aria "Oh, anong nangyari sayo? Tayo na diyan nakahanda na yung almusal natin."

Labimpitong taong gulang na si Aria at isang grade 11 student sa isang pampublikong paaralan na malayo layo sa maliit na bahay na inuupahan nila ng kaniyang kuya sa Cavite. Wala masyadong kapitbahay kaya naman gustong gusto dito ni Arjo. Ang tahimik at mapayapang kapaligiran ay mahalaga para sa kaniya. Ang tanging bahay lamang doon ay inuupahan ng bagong lipat na magasawang bata bata pa. Ang babae'y may magandang pangangatawan at mahinhin kung kumilos, tipikal na dalagang Pilipina. Ang lalaki naman ay madalang kung mamataan ni Aria, parati itong wala sa bahay, marahil ay abala sa kaniyang trabaho. Dito na sila lumaki, kasama ang kanilang Apo(lola) na nagpalaki sa kanila. Ngunit ilang buwan lamang ang nakararaan nang pumanaw na ito. Kaya si Aria, bilang tanging babae sa kanilang tahanan ay ang madalas na nagaasikaso ng kanilang pagkain, damit at iba pang mga gawaing bahay.

Si Arjo naman ay nagtratrabaho bilang guro sa kaparehong eskuwelahang pinapasukan ni Aria. Araling panlipunan ang kaniyang itinuturo sa mga estudyante ng baitang lima hanggang baitang pito. Hindi kasing kisig ni Machete si Arjo ngunit masasabing hindi na masama ang katawan nito. Alanganing kayumanggi at alanganing maputi naman ang kutis niya. Ang kastanyo niyang mga mata kasama ng kaniyang kilay ay nakagagaan sa mga taong nakasasalamuha niya. Maamo at malinis ang kaniyang dating. Isang perpektong modelo para sa kaniyang nga pinangangaralan.

Wala pa sa tamang wisyo si Arjo at nagtataka pa dahil sa kakaibang panaginip na kaniyang naranasan. Naisip niya na baka nakukulangan lamang siya sa nutrisyon at pahinga. Dahil nasa kulang kulang labinlimang klase ang pinapasukan niya araw araw. Bukod pa roon ay ang pagasikaso niya sa mga grado nila at sa mga instrumentong ginagamit niya sa pagtuturo. Naghilamos siya at nagmumog ng maligamgam na tubig sa banyo nilang hindi kalakihan at kadalasa'y nagkakaroon pa ng mga sira. Katulad na lamang ng gripo nilang hindi na gumagana. Sanay na sila sa ganitong mga bagay kaya hindi na ito nakasasagabal sa araw araw na buhay nila.

"Kuya nasa kawali yung sinangag ha. Kumain ka na agad kasi baka mamaya sira na yan. Sabay may galunggong diyan sa lamesa, gawa ka nalang ng suka mo." Mabilis na bilin ni Aria habang kinukuha ang kaniyang tuwalya sa sampayan. "Ikaw? Kumain ka na din muna bago ka maligo." Nagaalalang tugon ni Arjo. Sa kapanahunan ngayon, maiging mapunan ang sikmura bago lumarga sa isa nanamang araw ng pakikipagsapalaran. "Opo kuya Arjo tapos na po ako kumain. Anong oras ka na kaya nagising. Kaya nauna na 'ko sa'yo. Kain ka na diyan maliligo na ko." Masigasig at malokong sambit ni Aria sa kaniyang kuya. Ang positibo niyang presensya ay malaking tulong para sa kanilang magkapatid. At malaki ang pasasalamat niyang kasama niya si Aria sa araw araw. Bukod sa masipag ito at kumikilos sa bahay nila, nakatutulong din ito sa paghilom ng mga sugat ni Arjo na dulot ng pagpanaw ng kanilang Apo. Minsan ay natatawa na lamang siya sa kaniyang sarili dahil para bang si Aria pa ang mas nakatatanda sa kanila. "Oo nga po pala ate nakalimutan ko pong mas responsable ka nga po pala sa akin." Habang sumasandok ng kaning isinangag ni Aria. Ang amoy ng gisadong bawang ay talagang nakagagana kay Arjo. At alam niyang mahusay sa kusina ang kaniyang kapatid. Kaya naman nabudburan ng sigla ang kaniyang umaga.

Matapos maghanda ng magkapatid para sa kani kanilang mga araw ay sumakay na sila sa motorsiklo ni Arjo. Ilang taon na rin ito. Binili niya lamang sa kapitbahay nila sa maliit na halaga sapagkat may sira na. Ngunit nakumpuni pa naman ito at napapakinabangan pa nila. "Kuya ang tagal mo kamo maligo kanina nakakainis ka. Tignan mo 5:30 na ohh!!!" Natataranta na si Aria at sinusuntok ang kuya niya dahil maaari silang mahuli sa klase. "Kumalma ka nga. Kayo talagang mga babae eh." Pabirong sagot ni Arjo habang nagsusuot ng helmet. "Oh ano namang alam mo sa mga babae ha? Nagkagirlfriend ka na ba nagkagirlfriend na ba? Hindi ka nga crush ng crush mo eh." Mapangasar na sumbat ni Aria. "Shhh ayoko na." Sinundan ng tawa ni Arjo "Tapos bibilisan mo nanaman pagpapatakbo ha? Kapag tayo talaga naaksidente lagot ka kay lola. Bababa pa ng kaluwalhatian yun para sermonan ka." "Manang mana ka talaga kay lola eh. Langit kasi tawag doon langit." Sabay harurot patungo sa paaralan.

Eksatong 5:00 naman ng umaga nang magising si Katelyn. Isang guro na katrabaho ni Arjo. Magulo pa ang itim at maikli niyang buhok habang nagtitimpla ng kape. Nakasuot ng maluwag na sandong ipinantulog niya. Sa paghigop niya ng mainit at manamis namis niyang kape ay sumilip siya sa balkonahe ng apartamentong kaniyang tinitirahan. Madilim pa ang umaga, ang araw ay nagbabadya pa lamang sumikat. Kumagat siya sa pandesal na pinalamanan niya ng mantikilya at binudburan ng asukal. Sa ganitong oras ay nakapasok na sa kaniyang trabaho ang kahati niya sa apartamento. Kaya naman damang dama niya ang simoy ng tahimik at mapayapang umaga. Pagkatapos niyang magalmusal ay agad na naligo si Katelyn. Matagal tagal ang kaniyang pagligo dahil pinangangalagaan niya ang malambot at maputla niyang kutis. Maganda rin ang kaniyang pangangatawan kaya naman madalas siyang pagtinginan ng mga tambay sa kanilang eskinita. Ngunit wala ni isa sa kanila ang nagtatangkang bastusin siya. Pagkatapos magbihis ay naglakad na si Katelyn patungo sa paaralan. Ang kaniyang mga tinuturuan ay mga nasa baitang siyam at baitang sampu. Magaling siya sa pagtuturo ng Ingles at napakahusay niya rin sa paggamit ng wikang ito. Siya ay naging guro na ni Aria noong na sa ikasampung baitang pa lamang ang dalaga. Madalas din itong nagtuturo kay Aria pagkatapos ng klase. Siya ang naganyaya kay Aria na magpatutor ng libre sa kaniya. Nakita niya raw kasi ang potensyal ng dalaga sa pagbigkas.

Nitong umaga ay muntik nang masagi ni Arjo si Katelyn dahil sa pagmamadali. Tumilapon ang mga dala nitong gamit at bahagyang natumba sa daan. Agad namang bumaba si Aria upang tumulong "Ay maam sorry po. Si kuya po kasi kung saan saan tumitingin, nagmamadali pa." Pagpapaumanhin ni Aria. "Ayos lang Ria hindi naman ako napuruhan. Medyo nadumihan lang siguro yung palda ko, pero naipapagpag naman." Malambing na sagot ni Katelyn kay Aria. Inalalayan naman ni Arjo si Katelyn sa pagtayo dahil gumegewang gewang ito. "Ayos ka lang ba? Pasensya ka na ha nagmamadali kasi kami eh." Tanong ni Arjo habang dahan dahang itinatayo si Katelyn. "Oo haha ayos lang ako." At ilang segundong nagkaroon ng katahimikan sa gitna ng dalawa. "Ehem!!! Kuya baka gusto mo din ako tulungan ayusin yung gamit ni maam diba." Nangaasar nanaman si Aria. "Heto na heto na." Dismayadong tugon ni Arjo. Si Katelyn ay matagal niya nang natitipuhan. Ngunit masyadong mahina ang loob niya upang umamin at manligaw dito. Ilang taon na rin silang magkatrabaho at ilang taon na rin niyang tinatago ang lihim na ito. Ngunit hindi siya kagalingan sa pagtatago dahil matagal na itong nabunyag ni Aria. Madalas kasing napapansin ni Aria na kakaiba ang pagtingin ng kuya niya kay Katelyn, at simula noon ay inaasar niya na palagi ito. "Uhmm Ria by the way, free ka ba later after school? I was hoping we could do a session again?" Biglang alok ni Katelyn habang iniaabot sa kaniya ni Aria ang kaniyang mga gamit. "Ay sorry po maam ha, maglalaba po kasi ako mamaya pagkauwi ko po sa amin." Magalang na pagtanggi ni Aria. "Maybe we could do it at your place? This afternoon? Arjo, okay lang ba?" Masiglang anyaya ng guro. "Uhh....yeah sure. Pwede naman sa amin. I-I can give you a ride if you want." Ninenerbyos na tugon ni Arjo. "Sigurado ka ba? Mas late yung out ko sa'yo eh." "Okay lang po yun maam. Saglit lang naman po yung difference eh, besides wala naman masyadong inaatupag si kuya eh diba kuya?" Pagsalo ni Aria sa kaniyang kuyang tila natutulala na sa kaba. Sabay tingin ng may malaking ngiti na para bang ipinapahiwatig na 'Sige na kuya umoo ka na'. "O-Oo naman hahaha. Saglit lang naman eh." Kinakabahan na si Arjo dahil ngayon lamang makakapunta sa kanilang bahay ang babaeng pinapangarap niya. "Okay cool. See you later Arjo, Aria." Habang kumakaway papalayo kasabay ng mga ngiting umaabot sa matang maningning. Tila lumilipad na si Arjo sa simpleng pagtingin, walang kaalam alam sa mga susunod na magaganap.

DahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon