“Aba, salita ako nang salita’y umaga na pala.” Bahagya itong ngumiti na tila napahiya. Kailangan niyang umalis bago lumiwanag, sabi nito. “Madilim pa. Pero maagang gumigising ang mga tao rito.” Tuwi-tuwina’y tumatayo ito upang dumungaw. “Hindi pa nila ako mamumukhaan. At umuulan. Walang lalabas papuntang bukid ngayong umaga.”Tila bantulot pa itong lumakad bagamat naaaninaw na, kahit umuulan, ang mga hugis ng bundok at mga atip sa dalisdis nito. Di nagtagal, oras na upang gumising at magtrabaho ang mga katulong. Inayos ng babae ang buhok at tumakbo, halos patakas mula sa kuwarto, hindi pinansin ang alok ni Shimamura na ihatid siya hanggang pinto. Baka may makakita sa kanilang dalawa na magkasama.
Nagbalik si Shimamura sa Tokyo nang araw na iyon.
“NATATANDAAN mo ba ang sinabi mo noon? Nagkamali ka. Sino’ng luku-luko ang pupunta sa gayong lugar sa Disyembre” Hindi kita tinatawanan.”
Iniangat ng babae ang ulo. Ang pisngi nito, mula mata hanggang tulay ng ilong na dumagan sa kamay ni Shimamura, ay namumula sa ilalim ng makapal na polbo. Nagpaalala kay Shimamura ng lamig sa lupain ng yelo, ngunit dahil sa kaitiman ng bundok ng babae, may tanging init dito.
Banayad na nguniti ang babae, tila nasisilaw sa isang matinding liwanag. Marahil, nang siya’y ngumiti, nagunita niya ang “noon”, at pinamula ng mga kataga ni Shimamura ang buong katawan nito. Nang yumuko ang babae,nang may bahagyang katigasan, nakita ni Shimamura na pati ang likod nito sa ilalim ng kimono ay matingkad na namumula. Naiiba dahil sa kulay ng buhok, parang hubad na inilatag sa harap niya ang mamasa-masa at nakatutuksong balat. Ang buhok nito’y hindi naman masasabing makapal. Kasintigas ng sa lalaki, at nakapusod pataas ayon sa estilo ng buhok ng Hapon, wala ni isang naligaw na buhok at nagniningning itong tila isang mabigat at maitim na bato.
Minasdan ni Shimamura ang buhok at inisip kung ang lamig na labis na gumitla sa kanya – kailanma’y hindi siya nakahipo ng gayon kalamig na buhok, sabi niya – ay hindi dahil sa lamig ng taglamig sa lupain ng yelo kundi dahil sa isang bagay sa buhok mismo. Nagsimulang magbilang ang babae sa mga daliri. Ilang sandali itong nagbilang.
“Ano’ng binibilang mo?” tanong ni Shimamura. Nagpatuloy pa rin ang pagbibilang.
“Noo’y ikadalawampu’t tatlo ng Mayo.”
“Binibilang mo pala ang araw. Huwag mong kalilimuta, ang Hulyo at Agosto ay dalawang magkasunod na mahahabang buwan.”
“”Ikaisandaan at siyamnapu’t siyam na araw. Eksaktong ikaisandaan ay siyamnapu’t siyam na araw.”
“Paano mo natandaang iyo’y ikadalawampu’t tatlo ng Mayo?”
“Titingnan ko lang ang diary ko.”
“Nagda-diary ka?”
“Masarap basahi ang lumang diary. Pero wala akong itinatago kapag sumusulat ako sa aking diary. Kung minsa nga’y nahihiya pa akong basahin ito.”
“Kailan mo sinimulan?”
“Noong bago ako magpunta ng Tokyo bilang geisha. Wala akong pera, at ang binili ko’y simpleng notebook, na aking ginuhitan. Napakatulis siguro ng lapis ko noon. Maayos at pantay-pantay ang linya, at bawat pahina’y punung-puno mula itaas hanggang ibaba. Nang magkaroon ako ng pambili ng diary, hindi na katulad ng dati na napakaingat ko. Sinimulan kong ipagwalang-bahala ang mga bagay. Gano’n din sa pagpapraktis kong sumulat. Dati nagpapraktis muna akong sumulat sa diyaryo bago ko subukin sa mahusay na papel, pero ngayon, sa mahusay na papel na mismo ako nagsisimula.”
“At hindi ka tumigil sa paggawa ng diary?”
“Oo. Mula noong disisais ako, pero ang pinakamaganda’y ngayong taong ito. Sumusulat ako sa aking diary pagdating ko mula sa isang parti bago mahiga, at kapag binasa ko uli, nakikita ko ang mga lugar kung saan ako nakatulog sa pagsulat… Pero hindi ako sumusulat araw-araw. May mga araw na nakakaligtaan ko. Sa bundok na ito, pare-pareho ang mga parti. Sa taong ito, wala akong makita liban sa isang diary na may bagong araw bawat pahina. Mali ito. Pero kapag nagsimula akong sumulat, gusto kong sumulat lang nang sumulat.”
BINABASA MO ANG
LUPAIN NG TAGLAMIG ni Yasunari Kawabata salin ni Rogelio Sicat
Non-Fictionthis is for the sake of other students like me.XD