LUPAIN NG TAGLAMIG ni Yasunari Kawabata salin ni Rogelio Sicat

164 1 0
                                    


Namamalayan ang nakakahiyang panganib sa kanyng manhid na pakiramdam sa kung ano ang huwad at hungkag, nakahigang pinatuunan ito ng isip ni Shimamura, sinisikap madama ito, kahit matagal nang nagpaalam ang masahista. Nanlalamig siya hanggang sa kalaliman ng kanyang sikmura – ngunit may nakaiwan sa bintana nang bukas na bukas.

Lumatag na ang kulay ng gabi sa lambak ng bundok, maaga itong nalibing sa mga anino. Sa takipsilim, na ngayo’y nanganganinag pa sa liwanag ng lumulubog na araw, tila lumalapit ang malayong bundok.

Di nagtagal, nang ang mga pagitan ng bundok ay nagiging malayo at malapit, mataas at mababa, ang mga anino nito ay nagsimulang lumalim, at pumula ang langit sa taluktok ng bundok na mayelo, na ngayo’y napapaliguan na lamang ng isang maputlang liwanag.

Nangingitim na nakatayo ang mga kulumpon ng cedar sa pampang ng ilog, sa laruang ski, sa paligid ng templo.

Tulad ng isang mainit na liwanag, bumuhos si Komako sa hungkag na pagkabalisang buamabagabag kay Shimamura.

May miting sa otel para pag-usapan ang mga plano sa panahon ng pag-I-ski. Ipinatawag si Komako para sa parti pagkaraan. Pinainit nito ang kamay sa kotatsu, pagkatapos ay maliksing tumayo at sinalat ang pisngi ni Shimamura.

“Maputla ka ngayong gabi. Nakapagtataka.” Hinila nito ang malambot na laman sa pisngi niya na parang ibig iyong bakbakin. “Pero ikaw din ang may kasalanan.”

Lasing na ng kaunti si Komako. Nang bumalik mula sa parti, bumagsak ito sa harap ng salamin, at halos nakakatawa ang kalasingang ipinakita ng mukha nito. “Wala akong alam doon. Wala. Masakit ang ulo ko. Ang sama ng pakiramdam ko. Masama. Gusto kong uminom. Bigyan mo ako ng tubig.”

Pinagdaop nito sa mukha ang dalawang palad at gumulong nang hindi iniintindi ang maingat na pagkakaayos ng kanyang buhok. Mayamaya, bumangon uli ito at sinimulang tanggalin ang makapal na polbo sa pamamagitan ng malamig krema. Matingkad na pula ang nasa ilalim. Mukhang nasisiyahan ito sa kanyang sarili. Kay Shimamura, nakagugulat ang gayon kabilis na paglipas ng kalasingan. Kumikinig ang balikat ni Komako sa lamig.

Buong Agosto’y halos muntik na itong bumagsak. Sa matinding nerbiyos, sabi nito kay Shimamura.

“Akala ko’y mababaliw ako. Laging akong nag-iintindi sa isang bagay, na hindi ko alam kung ano. Nakakatakot. Hindi ako mapagkatulog.Nakokontrol ko lamang ang sarili ko kapag pumupunta ako sa isang parti. Kung anu-ano ang napapanaginipan ko, at nawalan ako ng ganang kumain. Uupo ako at kung ilang oras n dadagok sa sahig, kahit sa kainitan ng araw.”

“Kailan ka unang naging geisha?”

“Noong Hunyo. Inisip ko noong una na pumunta sa Hamamatsu.”

“Para mag-asawa?”

Tumango si Komako. Hinahabol siya ng lalaki para pakasalan ngunit hindi niya ito magustuhan. Matagal bago siya nakapagdesisyon.

“Pero kung ayaw mo sa kanya, ano ang mahirap sa desisyon?”

“Hindi gayon kasimple.”

“Masarap ang may-asawa?”

“Tumigil ka. Mas malamang na gusto kong malinis at maayos ang lahat ng nasa paligid ko.”

Umungol si Shimamura.

“Alam mo, napakahirap mong kausaping tao.”

“May relasyon ba kayo ng lalaking taga-Hamamatsu?”

Isinigaw ni Komako ang sagot: “Kung mayroon, palagay mo ba’y magdadalawang-isip pa ako? Pero sinabi niyang hangga’t narito ako, hindi niya ako papayagang mag-asawa ng iba. Gagawin niya ang lahat para huwag matuloy.”

LUPAIN NG TAGLAMIG ni Yasunari Kawabata salin ni Rogelio SicatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon