TIGRE! TIGRE! ni Mochar Lubis salin ni Mauro R. Ravena

319 2 0
                                    

Ang buong pulo ay nalalatagan ng gubat, mula sa mabuhanging dalampasigan, kung saan ang tubig na nabubuong mga alon sa malyong Antartika ay humahampas pagkaraan ng mahabang paglalakbay, hanggang sa mga taluktok ng bundok na laging nakukumutan ng ulap. Pabagu-bago ang mukha ng gubat. Sa may dalampasigan, isang latian na hitik sa bakawan ay bumubuo ng sala-salabat na hadlang. Papasok sa pulo at pataas sa lupa, ang mga puno’t halamanan ay patuloy sa pag-iiba-iba, at pag-abot sa dakong loob, ang mga iyo’y naglalakihan at nagtataasan, ang kanilang mga sanga’y nauukitan ng parang lambat na disenyo ng lumot.

Hindi pa natatagos ng tao ang kabuuan ng sinaunang gubat, na ang loob ay napakayaman sa buhay. Dito’y di mabilang ang namumugad na mga ligaw na nilalang. Naglipana rin ang maririlag na halaman at nagtatayugang punungkahoy na nakokoronahan ng mga eksotikang orkidya.

Sa bubong ng gubat, kayraming ibon at ibang ibang tsonggo ang malayang namumuhay, samantalang sa ibaba, sa lupa, walang-puknat ang maingat na paghahanap ng makakain ang mga itim na leopardo, elepante, at osong tropikal. Ang mga pampang ng ilog at katabing damuhan ay teritoryo ng mga tapir, rinoseros, ahas, buwaya, at usa. Nagkalat ang mga insekto.

Maraming parte ng gubat ang nakakatakot. Ang mga ito’y puno ng latian na pinag-aabangan ng nakakamatay na mga panganib, at mga lubak at guwang na danta-dantaon nang naiwang basa at madilim. Mayroon ding magaganda at kaakit-akit na lugar na walang pinag-iwanan sa mga engkantadong gubat ng mga kuwento. Ang hawan na mga bahaging ito ng sinaunang gubat, na mayamang naaalpombrahan ng berdeng damo, ay payapa at nakakapagbigay-ginhawa. Kadalasa’y napapalibutan ang mga ito ng mayuyuming puno ng cemera, na pumupuno sa hangin ng masansang na a moy ng kanilang dagta. Sa gitna ng maririkit na lambak na ito, di maaaring di magkaroon ng mga sapa ng malamig at mala-kristal na tubig, pabula-bula at patila-tilamsik, paawit-awit, at pabulung-bulong. Walang di naakit na huminto at magpahinga roon.

Sa loob ng gubat ay makakatagpo ng ratan, damar – isang dagta na ginagamit sa paggawa ng batik – at maraming uri ng mahalagang kahoy. May mga taong noo’y tumira roon, pero nilisan nila iyon noong sila’y magtayo ng mga lunsod at nayon kung saan. Ngayo’y paminsan-minsan na lang silang bumabalik doon, para humanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng paghahakot sa mga produkto ng gubat.

Pito sa mga lalaking tulad nila ay isang linggo ng nasa gubat sa pangangalap ng damar. Si Pak Haji ang pinakamatanda. Gayong sisenta anyos na, siya ay nananatiling malusog at malakas. Matalas pa rin ang kanyang mga mata at tainga. Ang pag-ahon at paglusong sa bundok, pasan ang mabibigat na kaing damar o ratan, pasinghap sa nakakapagpasiglang hangin, ay nagpatibay nang husto sa kanyang katawan. Ipinagmamalaki ni Pak Haji na di niya nararanasan ang mga karamdamang dala ng pagtanda, at sa tanang buhay niya’y di pa siya naratay sa banig.

Disinuebe anyos siya nang una niyang iwan ang kanyang nayon at magpasaibang-bayan. Nagpaunta siya sa Japan, China, Africa, at India, kung saan niya pinag-aralan ang Koran. Limang taon siyang nagtrabaho sa barko, palakbay sa malalayong daungan ng mga puti at ng kanilang maiingay at groteskong siyudad.

Pero tinawag siyang muli na kanyang nayon. Kaya’t pagkaraan ng dalawampung taong paglalagalag, isang huling biyahe ang kanyang isinagawa – ang pilgrimahe sa Mecca upang tupdin ang kanyang obligasyong panrelihiyon. Sa ka siya umuwi. Ipinagpatuloy niya ang pangangalap ng damar, isang gawaing inumpisahan niya nang siya’y trese anyos, at unang sinamahan ng kanyang ama sa gubat. Matapos niyang matutuhan ang napakaraming bagay sa mundo, lagi niyang sinsabi sa kuntento na siya ngayong maging isang hamak na tagakalap ng damar.

Si Wak Katok ay singkuwenta anyos. May malakas at matipuno siyang pangangatawan. Maitim pa ang kanyang buhok, ang kanyang bigote ay mahaba at makapal, at ang kanyang mga braso’t binti ay namumutok sa buhul-buhol na masel. Ang kanyang mukha ay dinodomina ng buo’t makakapal na labi at makislap at nananagos sa tinging mga mata. Siya’y eksperto sa pencak. Maraming taong naituro niya sa kalalakihan sa nayon ang tradisyunal na paraang ito ng pagtatanggol sa sarili. Si Wak Katok ay iginagalang din bilang mahusay na mangangaso at shaman, o manggagamot.

TIGRE! TIGRE! ni Mochar Lubis salin ni Mauro R. RavenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon