I

0 0 0
                                    

Kay Rica,

Tatlong taon na ang lumipas, ngunit hindi ko pa rin maintindihan ang iyong tula.

Ang sabi mo noon, "Nangagliyab ang mga talang waring abot-kamay ng diwang marikit."

Sinungaling.

Mula nang magkita tayong dalawa- mga murang nilalang na mapangarapin- ay nabighani mo na ako agad. Hindi ka man makabangon sa iyong higaan, palagi namang bukas ang iyong bintana upang masilayan mo ang maningning na umaga. Palaging nakamasid ka sa mga ulap sa langit at sa mga bulaklak sa beranda ng iyong silid upang mamangha sa kulay at buhay at sigla ng mundo. Palaging may kinang ang iyong mga mata na nasasabik sa pagdating ng mga bisita na may baong bagong kwento, bagong payo at ideyang tiyak silang ikagagalak mo.

Mahilig kang magsulat ng tula.

Madalas kitang nagigising sa umaga dala ang iyong gamot at upang palitan ang punda ng iyong unan. Marahil wala nang makaaalam sa ngayon ngunit pinagmamasdan ko ang banayad na liwanag ng umagang dumadampi sa iyong mga labi, marahan na hanging sumusuklay sa mahaba mong buhok, at ako'y nabibighani parati. Ngunit kagyat ko ring maaalalang nakasuot ako ng purong puti, at ang araw ay tumatakbo, at maraming naghihintay na gawain.

Minsan, nakapanghihinayang ang gisingin ka.

Marahil, mas payapa ka habang nasa lambing ng iyong panaginip, sa paraisong walang sakit, walang suwero, walang mga karayom at gamot at walang umiiyak na magulang at kinabukasang nasasayang. Ngunit gumigising kang may sigla, may pag-asa sa mga mata, at una pang babati sa akin ng "Magandang umaga Jun" na nagpapalukso ng kung ano sa aking dibdib.

Noong una, isa ka lamang pangalan sa talaarawan ng aking araw-araw na paglilibot sa gusaling ito. Isa mula sa maraming kaluluwang nilupog ng karamdaman, pinag-aaralan at pinagmamasdan at pinagdarasal. Ikaw ang unang kumausap sa akin, nang pagalit na lumabas ang iyong Inay upang sugurin ang head nurse dahil sa isang maliit na bagay. Ngumiti ka nang pinakamasigla mong kaya sa nanghihina mong kalagayan, at kung magiging tapat ako sasabihin kong napakaganda ng iyong ngiti. Tinanong mo ako kung bakit kami laging nakaputi, na nasagot ko lamang ng dahil sinisimbulo ng puti ang kalinisan. Napabuntunghininga ka. Ngayon tiyak ko na nabagot ka sa aking sinagot. Hindi mo pinansin ang inialok kong gamot habang kinukuha ko ang iyong pulso, nakatulala ka sa labas ng iyong bintana, tinatanaw ang malawak na langit.

"Alam mo, ang paborito kong kulay ay Umaga."

Napatawad mo sana ako nang tinawanan ko lamang noon ang sinabi mo.

"Ang paborito kong kulay ay Umaga. Masigla, puno ng buhay. Sinisimbulo ng kulay Umaga ang pag-asa ng isa pang araw sa tuwing gigising ka."

At mula noon, inibig na kita.

Kung ilalarawan ko ang uri ng iyong pagkatao, Rica, masasabi kong isa kang makulay na kaluluwa. Kaya mong kulayan ng iyong mga tula ang pinakamalamlam na paksa. Nakakukuha ka ng inspirasyon sa pinakamalungkot na imahe ng buhay. Araw-araw akong magmamadaling umakyat patungo sa iyong silid, bitbit ang gamot na kinayayamutan mo, sabik na maabutan kang nakapikit pa at hinahaplos ng umaga ang iyong mukha.

Naging magkakilala tayo, magkaibigan. Madalas kong maabutan ang iyong mga kamaganak, kaklase, maging ang iyong nobyo. Madalas kang masiglang nagkukuwento, o nakikinig (o nakikipagtalo, kapag nandyan si Anton). Pinapakita mo sa iyong mga bisita na maningning pa rin ang iyong mga mata, na may pag-asa pa rin ang iyong puso, na maganda pa rin ang iyong mga tula. Ngunit namamasdan ko ang makulimlim mong mukha at naririnig ang pipi mong hikbi pag-alis nila.

Isang araw, sinorpresa mo ako nang maabutan kitang nakaupo sa iyong higaan, salubong ako ng sabik na ngiti at malamlam na mga mata.

"Hindi ako nakatulog, Jun. Nagaway kami ni Anton. Malamang.. hindi na siya dadalaw ulit."

Ako ang nag-iisang saksi ng tunay mong kwento, at sa panahong iyon na nagtangkang pukawin ng kalungkutan ang kinikimkim mong sakit, dinamayan kita. Noon lamang kita nakitang umiyak, at tinanong mo sa akin ang mga katanungang wala akong sagot. Napatawad mo sana ako, nang hindi ko alam kung bakit minsan lamang dumalaw ang iyong Inay, kung bakit hindi ka nagawang hintayin ni Jun, kung bakit ka sinumpa ng malubhang karamdaman, O ikaw na diwang marikit.

Diwang marikit.

Iyon ang naging palayaw ko sayo, makaraang ilahad mo sa akin ang notbuk ng iyong mga tula. Tulang nakapaksa sa makulay na umaga, sa kaway ng mga dahon, sa malumanay na ihip ng hangin, sa banayad na haplos ng araw. Naging mahiligin ka nang magpuyat at pagmasdan ang mga bituin, at lalo kang rumikit.

"At sa likod ng tabing ng kurtina ng kutitap ng mga tala, ako'y naghihintay sa umagang darating."

Inalayan mo ako ng isang tula. Isang tula ayaw ko nang maalala nang buo sapagkat nakapagpaalala lamang sa akin ng malulungkot na gunita. Sa tulang iyon kinulayan mo ang pangarap na makawala sa 'hawlang walang kulay' upang batiin ang umaga at habulin ang mga tala. Sa tulang iyon binanggit mo ang pag-asang ikaw ay gagaling, at sa "kanbas ng kulay na sarili kong mga kamay" ay kukulayan mong muli ang mundong pinapusyaw ng luha at pagsisisi.

Nangako akong mananatili sa iyong tabi hanggang sa iyong paggaling.

Ninais mong abutin ang mga tala, sapagkat sila ang pangako ng bagong umaga. Naging sumpa natin sa isa't isa na hindi ka magmamaliw sa pagtanaw, sa pangangarap, sa pagngiti. Hindi man kasingkulay ng iyo ang kanbas ng aking kaluluwa, ginawa kong iyong tungkod, iyong silya ang aking mga tenga, ang aking sarili upang parating may makikinig, at parating may masasandalan ka sa tuwing napapaidlip ka dulot ng pagkapagod sa abuhing nakababagot na mundong ito.

Ngunit tumigil ka sa pag-abot sa mga tala. Tumigil kang bumati sa umaga nang may sigla at pag-asa. Tumigil kang gumawa ng mga tula.

Nagapi kang unti-unti ng karamdaman. Nilamon ka ng kalungkutan at pagsisisi at pagkaawa sa sarili. Humina ang iyong katawan. Dumalas ang pagdalaw ng mga kaibigan at kamag-anak na dati'y di halos makaalala. Dumami ang dala kong gamot, hindi na ako nag-iisa sa pagdalaw, at hindi na nabuklat muli ang notbuk ng iyong mga tula.

Sa isang iglap, napundi ang ilaw sa puso ko na pinukaw mo. Nais kong damayan ka, ang hagkan ka, ang umiyak sa harapan mo. Ngunit nakasuot ako ng kulay ng kalinisan at nakabigkis sa sinumpaang tungkulin, at ikaw ay isa lamang pangalan sa talaarawan ng araw-araw kong gawain. Pinagdarasal kita parati. Hinihiling ko na maalala mo ang tula, na nagpapahayag ng iyong di-malupig na damdamin, na nagpipinta ng buhay sa abuhing larawan sa labas ng iyong bintana. Wala akong karapatang lapitan ka, liban kapag kailangan gampanan ang aking papel sa hawlang iyon.

Nag-iisa mo akong saksi, ngunit sa paglisan ng kulay ng iyong kaluluwa, naging isa akong piping saksi.

Sa huling umaga mo sa mundong ito, tumingin ka sa makulimlim na langit sa labas ng bintana at sinabing "Walang kulay ang mundong ito," at lumisan.

Sinungaling ka Rica.

Ninais kong maniwala sa iyong mga tula. Ninais kong sabihin sayo na hindi mo man nakulayan ang langit, nakulayan mo ang aking puso. Ninais kong sabihin sayo na hindi mo man abot ang mga tala, abot mo ang mga kamay ko.

At ngayon, habang pinagmamasdan ko ang puntod mo, hawak ang alay kong bulaklak, nag-iisa, malaya akong umiyak. Malaya akong sabihin sayo ang mga salitang huli nang sabihin pa. Malaya akong ipagtapat ang mga damdaming huli nang ipagtapat pa. Sinungaling ka Rica. Hindi totoong walang kulay ang mundo. Napakakulay ng kaluluwa mo, Diwang Marikit, at sa loob ng walang kulay na hawlang iyon, ikaw ang naging mundo ko.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 06, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Makulay na Mundo ni RicaWhere stories live. Discover now