U1: Mata tandaan

9 2 0
                                    

Madilim ang mga ulap ngayong umaga at may malakas na ulang nagbabadya. Malamig ang simoy ng hangin. Ang mga taong kadalasang nakikita sa kalsada ay may hawak nang payong o di kaya'y nakasuot na ng mga panlamig o panangga sa ulan. Maaga palang nagmamaneho na si Charles papunta sa kumpanya ng kaniyang pamilya na kung saan ang kuya niya ang siyang namamahala. Pinagsasabihan siya ng kaniyang mga magulang na tawagin ang kaniyang personal na tagapagmaneho, upang hindi na magmaneho ang kanilang bunsong anak. Ngunit, nagpupumilit si Charles na siya na ang magmamaneho sapagkat alam niyang ang tagapagmanehong iyon ay isa ring espiya ng kaniyang mga magulang. Kung gayon, lahat ng nais puntahan ni Charles ay malalaman ng kaniyang mga magulang. Hindi niya gusto ang ganung patakaran.

Hindi sumasabay si Charles sa kaniyang mas matandang kapatid sapagkat bandang tanghali pa ito pumapasok sa opisina. Halos sa lahat ng pagkakataon, sa umaga lang nakakakilos nang may awtoridad si Charles sa kanilang kumpanya. Ito'y habang wala pa ang kaniyang kuya.

Nasa VIP parking lot na ng gusali ng kumpanya  si Charles at kadalasan hinihintay na siya ng kaniyang sekretarya sa pintuan papasok ng gusali. Ngunit, nang tignan niya ang kaniyang telepono, sa oras na yun niya pa lang nakita ang mensahe ng kaniyang sekretarya na ito nga raw ay biglang nagkaroon ng malubhang lagnat kaya't ito'y kukuha muna ng emergency leave. Napabuntong hininga si Charles sa kaniyang nabasa. Ngayon lang lumiban sa opisina ang kaniyang masipag na sekretaryang si Samuel. Kailangan niyang tanggapin na sa araw na ito at maging sa mga susunod pang araw, siya ang kikilos sa lahat ng kaniyang nanaisin at pangangailangan. Alam niyang linimitahan siya ng kaniyang kapatid sa pagkakaroon lamang ng iisang sekretarya na kaniya lamang pwedeng utusan. Hindi niya maaaaring utusan ang ibang empleyado ng kumpanya upang gawin ang trabaho ng kaniyang sekretarya. Alam niya ring ginawa ito ng kaniyang kuya upang siya ay masanay sa mga gawain ng kumpanya mula sa pinakamahalagang hanggang sa pinakamaliit na detalye nito. Siya kasi ang susunod na mamamahala ng kumpanya kapag nakapagtayo na ng panibagong sanga ng kunpanya ang kaniyang kapatid sa ibang bansa.

Papasok na ng gusali si Charles nang maalala niyang wala palang magdadala sa kaniya ng paborito niyang kape. Kunot noo siyang pumasok sa kaniyang sasakyan at nagmaneho papunta sa pinakamalapit na coffee shop.

Marahil, maraming tao ang natutuwa kapag sila'y pumapasok sa isang coffee shop. Ang karaniwang dahilan ay ang amoy ng kapeng sumasalubong pagkabukas na pagkabukas pa lamang ng pinto. Hindi na ito napansin ni Charles dahil nakuha ang kaniyang atensyon ng isang mahabang pila papunta sa counter ng coffee shop. Napabuntong hininga ulit siya at pumila na lamang.

Kahit ayaw niyang abalahin ang kaniyang sarili sa pagpila para lamang sa kape, wala siyang magawa. Ang kapeng ito lang ang kumukumpleto sa kaniyang umaga. Kasing lasa kasi ito ng kapeng ginagawa ng kaniyang pinakamamahal na tiyahing yumao na. Ang tiyahin niyang ito ang nag-aalaga sa kaniya tuwing umaalis ang kaniyang mga magulang papunta sa ibang bansa para sa isang business trip. Nag-aaral pa lamang siya, tinitimplahan na siya ng kaniyang tiyahin ng kapeng ito, upang pampagising at pampasigla tuwing umaga bago pumasok sa paaralan.

Dalawang tao nalang ang pumapagitan sa kaniya at sa counter, tinignan niya ang coffee shop menu sa itaas nito. Natandaan niya ang pangalan ng kapeng ito, nang tanungin niya ang kaniyang sekretrya noong unang beses siya bilhan nito.

Ilang minuto lang, siya na ang pagbibilhan ng baristang nasa kaniyang harapan. Habang nakatingin pa rin sa itaas, binati na siya ng baristang ito. "Magandang umaga po Sir, ano po ang kanila?"

"Isang venti ng-"

Napatigil si Charles sa kaniyang sinasabi nang makita niya ang kislap sa mga mata ng binatang naghihintay sa harapan niya. Tila'y nakalimutan niya ang kaniyang order nang siya'y mawala sa maningning at misteryosong kalawakan na nakita nito sa mga mata ng binata.

"Sir? Yung order niyo po?" Natatawang tanong ng barista.

Nasamid nang kaunti si Charles nang siya'y bumalik na sa katotohanan. "Sorry nakalimutan ko bigla. Isang venti ng hot White Americano."

Inaasikaso ng barista ang kaniyang order at sukli, habang si Charles naman ay hindi mapakali sa kaniyang kinatatayuan. Sa loob ng isip isip niya, hindi niya maipaliwanag ang biglang nangyari sa kaniya; kung bakit nagbago bigla ang kaniyang pagtingin; at kung anong meron sa mga mata ng binatang iyon. Ngunit, di nagtagal ang mga saloobing ito. Maya maya'y dumating na ang kapeng kaniyang binili. "Thank you Sir, come again!" Nakangiting sabi ng binatang tila'y puno ng liwanag at tamis ang pumapaligid sa kaniya, salungat sa lalaking lamig at tigas ng puso ang pinapairal sa sarili.

Umalis nang wala nang ibang sinasabi si Charles sa coffee shop na iyon at nagtungo na muli sa kaniyang opisina. Nakapasok na si Charles sa loob ng kaniyang opisina't ni isang higop mula sa kapeng kaniyang binili ay hindi pa rin niya ginagawa. Alam niya sa sarili niyang hindi niya dapat pinagtutuunan ng pansin ang napakaliit na pangyayaring iyon. Kanina niya pa sinasabi sa kaniyang sarili na wala lang iyon at siguro madalas naman yun nangyayari sa lahat ng tao, na iyon nga'y normal na.

Wala lang iyon. Normal lang iyon. Kalma.

Ito ang mga salitang paulit ulit niyang itinatatak sa kaniyang isipan.

Binuklat na niya ang mga dokumentong nakalatag sa lamesa niya't binasang maigi ang mga ito. Nawawala na sa kaniyang isipan ang larawan ng mga mata ng binatang nasa coffee shop. Habang siya'y pumipirma, humigop siya sa mainit na kapeng pinagkaabalahan niya kanina. At muntik na siyang masamid nang dumaan na naman sa kaniyang isipan ang mga maningning na mata ng binata. Sumandal muna siya sa kaniyang kinauupuan at nagnilay nang kaunti. Pinaulit-ulit na naman niya ang mga salitang pumipigil sa larawang iyon na pumasok sa kaniyang isipan.

Hindi niya alam kung bakit nangyayari sa kaniya ito. Ngayon lang ito nangyari sa buong buhay niya. Alam niya sa sarili niyang malamig siyang tao at lahat ng napapalapit sa kaniya'y di na ninanais na manatili. Ngunit, sa lahat ng kaniyang nakasalamuha, kakaiba ang naramdaman niya nang makita niya ang binatang iyon.

Pangatlong buntong hininga na niya noong umagang iyon at ang dahilan nito'y ang katotohanang hindi niya malilimutan ang mga matang iyon ng binatang kahit saan at kahit kailan ay kaniyang hahanap-hanapin; isang gawaing di niya matanggap-tanggap.

☕️

umagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon