Darren as Gunter
Book II - Chapter I
Gunter's POV
Dalawang taon, dalawang taon ang inabot upang manumbalik ang lahat sa normal. Muli kong nakakasalamuha ang dati kong mga kaibigan. Nagagawa kong tumambay sa bahay nila Kei at nakakapagset ulit ng inuman na umaabot hanggang madaling araw. Hindi na rin ako masyadong pinaghihigpitan ni Ate Pritz dahil ayon sa kaniya ay malaki na raw ako at alam ko na ang mga bagay na ginagawa ko. Masasabi kong mas masaya ang college kaysa high school kasi hindi nagiging limitado ang mga kinikilos mo. Sa loob ng isang linggo ay hindi mo kinakailangang gumising ng maaga upang pumasok sa school dahil sa paiba-ibang schedule ng mga klase na papasukan mo.
Ang isa sa ikinatutuwa ko ay ang pagpasok sa iba't ibang classroom kung saan may makikilala kang mga estudyanteng iba ang pinag-aaralang kurso ngunit nagiging kaklase mo sa iilang subject. Isa sa mga nakilala ko ay si Angelique. Bagay na bagay ang kaniyang pangalan sa kaniyang hitsura dahil para siyang anghel na nagtataglay ng maganda at maamong mukha. Ngunit taliwas ang kaniyang ugali at pagkilos dahil sobrang ingay at masiyahin nito. Madalas nagugulat ang mga tao sa tuwing siya ay magmumura na hindi mo aakalaing nasasabi ng isang babaeng kagaya niya.
Halos dalawang semester din kaming nagiging magkasama. Naging malapit kaming magkaibigan sa loob ng higit pa sa isang taon naming pagsasama. Hanggang sa dumating ang sandali na gumawa na ako ng hakbang upang ligawan siya. Ang akala ko nga noo'y mababasted ako dahil base sa mga kwento niya ay hindi basta-basta ang mga naging karelasyon niya. Sa estado ng pamumuhay at angking kagwapuhan ay tiyak matatalo nila ako pero hindi ako pinanghinaan ng loob at tinuloy ko pa rin ang panliligaw sa kaniya. Hindi naman niya ako tinanggihan dahil para sa kaniya ay mas mabuting kilalanin namin ang isa't isa sa relasyong higit pa sa magkaibigan. Hindi ko pa nakukuha ang matamis niyang oo ngunit nagagawa niyang ipadama sa akin na espesyal ako sa kaniya dahil simula nang ligawan ko siya ay naging malambing ito sa akin.
Fine Arts ang kurso ko at siya naman ay nasa Journalism. Kahit na kapwa kaming abala sa aming mga kurso ay nagagawa pa rin naming magkita tuwing linggo. Madalas kasama ko ang pamilya ni Angelique sa pagsisimba tuwing linggo ng umaga. Kilala ako ng mga magulang nila bilang manliligaw ng kanilang anak. Mataas ang paggalang ko sa kaniyang mga magulang dahil mabubuti itong mga tao at hindi hinuhusgahan ang estado ng buhay ko. Kung tutuusin ay malaki ang agwat ng katayuan ng pamilya nila Angelique sa estado ng pamumuhay ko. Isang kilalang businessman ang kaniyang ama na nagmamay-ari ng sampung fast food chains at limang gasoline station sa buong Luzon. Kahit na nagbago na ang antas ng pamumuhay ko dahil sa pagkilala sa akin bilang anak ni Papa Kendrick ay hindi ito sapat upang mapantayan ang yaman na meron ang pamilya ng babaeng nililigawan ko.
Naging maingat ako sa bawat kilos dahil ayokong isipin ng pamilya nila na iba ang habol ko sa kanilang anak. May mga pagkakataon kasi na si Angelique mismo ang nagpapakita ng motibo ngunit nagagawa kong pigilan ang sarili ko dahil ayokong masira ang tiwala ng kaniyang magulang sa akin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isipan niya kung bakit niya nagagawa ang mga bagay na yun. Ang iniisip ko na lang ay baka sinusubukan niya lamang ako kung hanggang saan ba talaga ang pagtitimpi at respesto ko sa kaniya.
Kahit nasa sitwasyon kaming hindi pa kompirmado ang totoong relasyon naming dalawa ay nanatili pa rin kaming bukas para sa isa't isa. Lagi naming sinisimulan ang umaga ng pagbati sa isa't isa. Kapag may oras ay nagagawa naming tawagan ang isa't isa ngunit kapag abala ay nagagawa pa rin naming bumati sa pamamagitan ng pagtext. Bago kami tuluyang mahimbing ay nagagawa naming kamustahin ang isa't isa na para bang ganap na magkasintahan. Halos pitong buwan kaming ganito. Hindi pa man niya naibibigay ang matamis niyang 'oo' ay kahit papano ay nakokotento ako sa pakikitungo niya at pagbibigay ng atensyon sa akin.
Sa sumunod na buwan ay tila nanamlay ang pakikitungo niya sa akin. Alam kong hindi madali ang kursong pinag-aaralan niya at ganun din naman sa akin. Kaya madalas ay wala siyang panahon upang makipag-usap sa akin dahil binubuhos niya ang karamihan ng kaniyang oras sa pag-aaral na madalas niyang dinadahilan sa akin. Nakakasama ko pa rin naman siya tuwing linggo sa tuwing magsisimba kami kasama ang kaniyang pamilya ngunit hindi na namin nagagawang mag-date sa tuwing matatapos ang misa na madalas naming ginagawa. Mas naging abala siya sa pag-aaral at may pagkakataon na hindi na niya nasasagot ang mga text messages at tawag ko.
Nakaraang taon lang nang makasama ako sa kaarawan niya bilang isa sa malapit niyang kaibigan. Ngayong nasa estado na kami ng ligawan ay hindi ako nakasama sa importanteng araw ng kaniyang buhay sa taong ito raw ay mga kaanak lang daw nila ang makakasama niyang magdiwang. Lubos ang pag-intindi ko sa kaniya dahil nakikita ko naman na totoo ang mga sinasabi niya kaya ako na minsan ang gumagawa ng paraan upang makasama lang siya.
Ngayong linggo ang araw na napag-usapan namin ni Angelique na muli kaming magkikita upang ipagdiwang ang kaarawan niya kahit na isang linggo na ang nakakalipas nang sumapit ang kaniyang kaarawan. Nakatayo ako ngayon malapit sa sinehan na aming napag-usapan habang hawak-hawak ang bouquet ng bulaklak at isang papar bag na naglalaman ng iba't ibang kulay ng lipstick mula sa paborito niyang brand matagal-tagal ko ring pinag-ipunan dahil may kamahalan ito. Halos isang oras na mula nang magsabi siya sa akin na papunta na siya ngunit hindi ko pa rin siya nakikita. Nagsimula na ang palabas na dapat naming panoorin ngunit hindi pa rin siya nakakarating. Kaya naman bumalik ako sa pila ng mga tickets upang bumili ulit ng bago para mapanood namin ang palabas sa kasunod na oras.
Nagsimula na akong magpalakad-lakad dahil unti-unti na akong nakaramdam ng pangangalay dahil sa matagal na pagtayo. Nang may nakita akong bakanteng upuan ay kaagad akong lumapit dito upang maupo. Nilapag ko sa aking tabi ang mga bulaklak at paper bag sa aking tabi bago ko muling tinawagan si Angelique. Nagawa kong tawagan siya ng dalawang beses ngunit hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. Nag-iwan ako ng mensahe dahil baka sakaling siya ang nagmamaneho ngayon kaya hindi niya magawang sagutin ang tawag ko. Makalipas ang halos dalawampung minuto nang makatanggap ako ng tawag mula sa kaniya.
"I'm really sorry Gunter. May emergency sa bahay kaya ako bumalik" bungad niyang sabi nang sagutin ko ang kaniyang tawag.
"Ahh ganun ba" ang tangi kong nasabi.
"Promise babawi ako sayo. I'm sorry talaga" dugtong niya at naputol ang tawag. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya o kaya kamustahin kung anong nangyayari sa kanilang bahay. Syempre hindi nawala sa akin ang mabahala dahil minsan lang nagsasabi ng emergency si Angelique. Nang magkaroon ng emergency sa kanila dati ay yun yung araw na isinugod ang kaniyang daddy sa ospital dahil nahihirapan itong huminga. Hindi malayong yun rin ang nangyayari sa kanilang tahanan ngayon. Nakakapanghinayang man ang mga bulaklak at tickets na aking binili ay tinanggap ko pa rin na mas kailangan si Angelique sa kanilang tahanan dahil ang iba niyang kapatid ay nasa ibang bansa nag-aaral at sila lang ng kaniyang ina ang pamilyang inaasahan ng kaniyang ama.
Kinabukasan ay nag-iwan ako ng mensahe sa kaniya at kinakamusta ang kalagayan niya ngayon. Makalipas ang isang oras ay nagawa naman niyang tumugon sa aking mensahe. Hindi na niya nabanggit kung ang tungkol sa nangyari sa kanilang bahay ngunit nasabi niyang maayos na daw ang lahat. Nagpapasalamat pa siya sa akin dahil sa walang sawa kong pag-intindi at pagsuporta sa kaniya. Ganun naman talaga siguro kapag gusto mo ang tao. Nagagawa mong palawakin ang iyong pang-unawa at pagtatiyaga.
Sa aking paglalakad papasok sa unibersidad na aking pinapasukan ay mabilis kong natanaw ang kaibigan kong naging habulin ng mga babae. Hindi ako makapaniwala na sa aming tatlong magkakaibigan ay si Kei pa talaga ang magiging habulin ng mga babae ngayong nasa kolehiyo na kami. Kilala siya bilang star player ng basketball team ng aming paaralan. Marahil malaking tulong ang paglalaro niya ng basketball sa UAAP kaya dumarami ang mga tagahanga niya. Halos hindi niya ako napansing papalapit sa kaniya dahil abala siya sa pagsagot sa mga katanungan ng mga babaeng nakapalibot sa kaniya. Masasabi kong malaki ang pinagbago ni Kei dahil nagkaroon na ng laman ang dating patpatin niyang katawan. Natuto na rin siyang mag-ayos ng husto para sa sarili na dati ay hindi niya masyadong binibigyan ng pansin.
"Sorry girls nandito na yung baby ko" sabi ni Kei sa mga fans niya na mabilis lumingon sa kinaroroonan ko. Imbes na mainis ay nagsitilian pa ang mga lokong babaeng ito. Lumapit sa akin si Kei at inakbayan ako papalayo sa mga fans niya.
"Napakagago mo din eh no!" sambit ko at sabay tulak sa kaniya upang makawala sa pagkakaakbay niya sa akin nang makalayo kami sa mga kababaihan.
"Kaya siguro hanggang ngayon ay hindi ako sinasagot ni Angelique ay dahil iniisip niyang baka bakla ako dahil sa mga pinaggagawa mo" inis kong sabi. Madalas kasi akong gamiting dahilan ni Kei sa mga fans niya sa tuwing tatakasan niya ang mga ito. Nilalambing niya ako na para bang may namamagitan sa aming dalawa sa harap ng kaniyang mga fans. Kaya naman ang iba ay hindi maiwasang maghinala sa tunay na namamagitan sa aming dalawa. Isa pa sa mga nakakalokong resulta ng kagaguhan ni Kei ay nagkaroon na kami ng mga fans dito sa school na naniniwalang may relasyon kaming dalawa. Ilang beses kong sinabi na magkaibigan lang talaga kami pero hindi ko sila makumbinse dahil sa kinikilos ng gago kong kaibigan.
"Bakit hindi ba?" dugtong niya na labis na kinainis ko.
"Gago! Isang beses lang akong nagkagusto sa lalaki at hanggang dun na lang yun!" mariin kong tugon.
"Bakit hindi mo ulit subukan sa akin?" dugtong niya habang nakangiti.
"Hindi mo ako titigilan ha? Gusto mo bang ipaalam ko sa mga fans mo ang baho mong tinatago?" sambit ko na mabilis niyang tinugunan dahil sa takot.
"Eto naman hindi mabiro. Wala naman akong balak na sundan ang yapak ni Andrew" tugon niya habang nanatiling nakakunot ang noo ko.
"Bakit mo nga pala ako gustong makausap? Pag-iba ko sa usapan dahil ito naman talaga ang dahilan ng pagkikita namin ngayon dahil may nais siyang sabihin.
"Ahhh...pinapaalam lang ni Andrew na babalik siya ng pinas sa susunod na buwan" masayang sagot niya na ikinagulat ko.
"Haa..papano yung pag-aaral niya sa abroad?" tanong ko at muli niya akong inakbayan habang kami ay naglalakad.
"Lilipat na daw siya ng school para magkakasama tayong muli" tugon niya at napahinto naman ako sa aking paglalakad.
"Seryoso ka?" tanong ko at napailing siya sa aking naging reaksyon.
"Oo nga at saka nga pala kamusta yung date nyo ni Angelique kahapon?" biglang baling niya ng tanong. Nagdududa tuloy ako kung totoo yung sinabi niya tungkol sa pagbabalik ni Andrew.
"Wala hindi natuloy kasi may emergency sa bahay nila" malungkot kong tugon at nagulat na lang nang hatakin niya ako sa may sulok.
"Pare ayokong manghimasok sa inyo ni Angelique pero hindi ko kayang magsinungaling sayo" bigla akong nabahala sa pagbabago ng kaniyang tono. Matagal ko ng kilala si Kei kaya alam ko kung kelan siya seryoso at kung kelan siya nagloloko.
"Gago ilang beses mo ngang ginawa sa akin" hilaw natawa ang aking pinakawalan dahil nababahala ako sa sasabihin ni Kei.
"Gago ako Gon pero kilala mo ako kapag seryosong usapan na" tugon niya at pinalapit niya ako dahil may nais siyang ipakita sa akin mula sa phone niya. Kuha sa video ang paglalakad ni Angelique sa loob ng isang mall. Malinaw ang pagkakakuha kaya mabilis kong nakilala si Angelique. Nagulat ako nang lumapit siya sa lalaki kung saan nagawa niya itong yakapin at halikan sa labi. Hindi ko lubusang makita ang mukha ng gagong kahalikan ni Angelique dahil sa suot nitong itim na sombrero at may kalayuan na ang kanilang pwesto mula sa kumukuha ng video.
"Kailan pa to at sinong kumuha nito?" tanong ko kaagad kay Kei.
"Kuha to kahapon lang galing kay Margaux" ang babaeng tinutukoy niya ay isang miyembro ng cheering squad na tinuturing niyang fuck buddy. Bigla naman akong napaisip na kung kahapon lang kuha ito ay malamang ito yung sandali na hindi nakasipot si Angelique sa aming usapan. Hindi ko mapigilang mapamura ng malakas dahil sa sobrang galit.
"Pare, uulitin ko ayokong makialam sa inyo pero ayokong magmukha kang tanga kung sakali mang may karelasyon na si Angelique" sabi ni Kei habang tinatapik ang aking balikat upang kumalma.
Makalipas ang ilang sandali ay nagpaalam ako kay Kei dahil may klase pa ako ng alas otso. Sa loob ng classroom ay naging lutang ang aking isipan sa aking napanood. Marahil wala akong karapatang magalit sa kaniya kung may nobyo na siya dahil hindi naman kami. Ngunit ang kinagagalit ko lang ay yung ginawa niya akong tanga na patuloy na sinusuyo at nililigawan siya ngayong mayroon na pala siyang boyfriend. Bago ko pa man siya ligawan ay tinanggap ko na ang posibilidad na mabasted pero mas gugustuhin ko pa ang mabasted kaysa naman lokohin ng ganito.
Sirang sira ang buong araw ko at halos hindi ako makapagfocus sa klase. May mga text messages sa akin si Angelique na hindi ko sinasagot. Nakailang missed calls na rin siya na hindi ko pa rin tinutugon. Ayoko muna siyang kausapin dahil baka may masabi akong masama. Nais ko sanang palamigin ang isipan ko bago ko siya kausapin sa bagay na to. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita ko siyang naghihintay sa akin sa may hallway. Tatalikod sana ako para iwasan siya ngunit mabilis niya akong napansin at tinawag ang aking pangalan. Wala akong nagawa kundi ang maglabas ng pilit na pangiti.
"Iniiwasan mo ba ako?" tanong niya habang nilalapit ang kaniyang mukha sa aking mukha. Marahan akong umatras habang umiiling bilang pagtanggi.
"Hmm..kanina pa kita tinitext at tinatawagan pero hindi mo sinagot yung phone mo" sambit niya na may halong pagtatampo sa kaniyang boses.
"Ahh ehhh kasi...nasa loob ako ng classroom kanina kaya naka-silent tapos nakalimutan kong i-off ang data at nakashuffle play ako sa Spotify kaya ayun nalowbat" pagsisinungaling ko na mabilis niyang pinagtaasan ng kilay na tila nagdududa sa aking dahilan.
"Okay..... asan na?" sabi niya habang nakalahad ang kaniyang kanang palad.
"Ang alin?" tanong ko dahil hindi ko naintindihan ang nais niyang ipahiwatig.
"Yung regalo mo sakin? Sabi mo ngayon mo ibibigay" tugon niya na tila nagtatampo.
"Ahh sorry, oo nga pala" mabilis kong sagot at kaagad kong kinuha ang maliit na paper bag na nasa loob ng aking bag. Nang maiabot ko to sa kaniya ay halos magtatalon siya sa tuwa at nagawa niya pa akong halikan sa pisngi. Hindi ko inaasahang gagawin niya yun. Tila nawala napawi ng isang halik sa pisngi ang galit na nararamdaman mo sa kaniya. Niyakap niya pa ako habang paulit-ulit na nagpapasalamat.
Wala na siyang klase kaya naman inaya niya akong kumain sa isang resto bilang pagdiwang namin sa kaniyang kaarawan. Hindi niya ako hinayaang gumastos na kahit magkano dahil ito raw ang paraan niya ng pagbawi sa akin. Tila nagkaroon ako ng pag-asa na baka may tsansa pa sa aming relasyon dahil sa pinapakita niyang paglalambing sa akin. Halos hindi nga niya mabitawan ang aking kamay nang mag-ikot kami sa loob ng mall. Hindi ko maipaliwanag ang saya na aking nadarama dahil nagmumukha kaming ganap na magkasintahan.
Sinamahan ko siyang mamili ng mga damit na gusto niya. Kinuha niya pa ang opinyon ko sa pagpili ng relo na kaniyang ireregalo sa nakakatandang kapatid na darating mula sa Amerika nitong parating na linggo. Kaya naman pinili ko ang relo na siguradong magugustuhan niya at naayon sa kaniyang personalidad. Ilang beses narin kasing nakwento sa akin ni Angelique ang tungkol sa kaniyang kuya kaya medyo pamilyar na sa akin kung anong ugali ang meron ito. Masaya ako na ako ang pinili niyang makasama sa araw na to at natulungan siyang makapili ng regalo para sa kaniyang kuya.
Matapos ang araw na yun ay muling nanumbalik ang pagiging malapit namin sa isa't isa. Madalas na niya akong tinatawagan kahit na abala siya sa mga ginagawa niyang home works. Hindi rin natatapos ang araw na hindi namin nasasabi ang mga matatamis na salita na tila nagbibigay kahulugan sa totoo naming relasyon. Mabilis nabago ang buong linggo ko na para bang nasa alapaap ako na biglang nahila pababa sa lupa nang makatanggap ako ng mensahe mula kay Kei. Kuhang kuha sa larawan na may kasamang lalaki si Angelique sa isang mall na hindi malayo sa condo na tinitirahan ko. Ang unang pumasok sa isipan ko ay marahil kuya niya ang kasama nito ngunit base sa larawan ay hindi masyadong malaki ang pangangatawan nito. Kaya naman malamang ito ulit ang lalaking kasama niya noong nakaraang linggo. Nakasuot na naman ito ng itim na sombrero at natatakpan ng shades ang kaniyang mga mata na para bang pilit na tinatago ang kaniyang pagkatao.
Mabilis akong nagpalit ng damit upang magtungo sa mall kung saan kuha ang larawan. Wala akong balak na makipag-away o manggulo. Ang nais ko lang ay mapatunayan kong totoo bang may kinikita na ibang lalaki si Angelique o sadyang sinisiraan lang siya ni Margaux dahil alam kong matagal na silang magkaaway.
Sa aking pagdating ay kaagad akong nagtungo sa lugar kung saan kinuha ang larawan ngunit nabigo akong makita sila doon. Nagtungo ako sa mga lugar na posible nilang puntahan gaya ng Arcade, Cinema at mga boutiques na madalas na puntahan ni Angelique sa tuwing kami ay nagpupunta sa mall. Halos kalahating oras na akong nag-iikot ngunit bigo akong mahanap ang dalawa. Naisip ko na marahil ay nakaalis na sila o kaya naman ay sadyang sinisiraan lang talaga ni Margaux si Angelique. Bago lisanin ang mall ay sinubukan ko munang tawagan si Angelique upang itanong kung nasaan siya ngayon. Bigo akong makausap siya dahil tila nakapatay ang kaniyang cellphone. Nagdesisyon ako na umuwi na lang at magpahinga ngunit habang naglalakad ako patungo sa main entrance ay kaagad kong nakita si Angelique na nakahawak sa kamay ng isang lalaki. Mabilis kong nakilala si Angelique dahil sa kaniyang pagtawa habang marahang pinapalo ang braso ng lalaking kaniyang kasama. Nanatiling nakatalikod ang lalaki habang ang pwesto ni Angelique ay nakatagilid na patuloy sa kumakausap sa kaniya.
Sinabi ko na sa sarili ko na nagpunta ako dito para patunayan kong tama ba ang paratang nila kay Angelique at hindi manggulo pero tila may sariling buhay ang aking mga paa na unti-unting naglalakad papalapit sa dalawa. Nang mapalingon sa aking kinaroroonan ay mabilis akong nakilala ni Angelique. Mabilis nawala ang kaniyang mga ngiti nang makita niya akong papalapit sa kanila.
"Gon, please huminahon ka. I can explain" mabilis na depensa ni Angelique kahit na wala pa akong sinasabi.
"Haa? Wala pa nga akong sinasabi" tugon ko habang nanginginig ang aking boses sa labis na galit. Ilang buwan ko siyang niligawan at ilang buwan niya na rin pala akong niloloko dahil malinaw na sa akin ngayon na may iba siyang lalaking kinikita. Base sa kinikilos at pananalita niya ay halatang guilty siya sa sandaling ito. Sinubukan akong ilayo ni Angelique sa lalaking kasama niya ngunit naging mabilis ang kamay ko at nagawang hawakan ang balikat nang lalaking kasa-kasama niya upang mapaharap sa akin. Gusto kong malaman kong ano ang lamang niya sa akin. Gusto kong malaman kong bakit mas pinili niya ang lalaking to kaysa sa akin. Gusto kong malaman kung papano niya akong gawing lokohin at ipagpalit sa lalaking may kahina-hinalang pagkatao. At sa sandaling makaharap ko siya ay tila tinamaan ako ng kidlat nang malaman ko na ang lalaking pinili ni Angelique ay walang iba kundi si Lance.
"Gon???" tanong niya at kaagad niyang tinaggal ang suot niyang shades na mas nagpatunay na hindi ako namamalikmata lamang. Tila napako ako sa aking kinatatayuan habang nakatingin sa kaniya. Nagulat na lang ako nang lumapit siya sa akin at bigla na lang niya akong niyakap.
"Sobrang namiss kita" sabi niya habang yakap-yakap niya ako. May kung anong kirot akong naramdaman nang marinig ko ang mga salitang iyon. Mahigit dalawang taon kaming hindi nagkita at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkita kami ngayon. Para bang huminto ang oras nang yakapin niya ako dahil tila ang tagal-tagal ng sandali bago siya kumalas sa pagkakayakap sa akin.
"Kamusta kana?" tanong niya habang ako ay natutulala pa rin sa nangyayari. Makalipas ang ilang sandali ay nagawa ko ring makasagot.
"Ahh ayos lang" ang tangi kong naisagot sa kaniya. Bigla na lang siyang umakbay sa akin at pinalapit ako kay Angelique.
"I want you to meet my girlfriend, Angel" pagpapakilala niya kay Angelique sa akin. Halos hindi makatingin sa akin ng derecho si Angel habang pinapakilala siya sa akin ni Lance.
Dalawang taon. Dalawang taon ang lumipas at ang akala ko ay naging normal na ang lahat. Dalawang taon ang lumipas nang maramdaman ko ang katahimikan na aking tinatamasa. Ngunit ngayon ay muling nanumbalik ang aking mga nakaraan na tila narito upang singilin ako sa aking pagkakasala. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa sandaling ito. Halo-halong emosyon ang aking nadarama dahil sa natuklasan kong panloloko sa akin ni Angelique at nang malaman na ang lalaking tinuturing niyang kasintahan ay ang aking kapatid na si Lance.
Itutuloy.........
A/N: Sinusubukan kong pahabain ang istorya nang hindi nasisira yung quality. Paunti-unti muna tayo sa mga pangyayari para mas maging kaabang-abang ang mga susunod na kabanata.
Sobrang nakakabahala ang panahon ngayon kaya naman pinili kong magsulat para kahit papano ay mabawasan ang takot na inyong nadarama. Hanggang maari ay nagsusulat ako dahil natatakot din ako sa kalagayan ko. Mahina ang resistensya ko at mabilis akong dapuan ng sakit, I swear! Kaya kung madapuan ako ng COVID (huwag naman sana) ay maliit ang chance ko na magsusurvive dahil mahina talaga resistensya ko simula pagkabata pa lang. Kaya naman lagi ako ngayong nasa bahay. Sana kayo rin ay huwag maging pasaway at manatili na lang sa inyong tahanan.
Ugaliing maghugas ng kamay at maging malinis sa katawan.
Stay safe everyone. Malalagpasan din natin to!
BINABASA MO ANG
The Curse of Fuentes Kiss (BL)
Romansa"Siraulo lang ang maniniwala sa sumpa na yun. Malabong magkagusto ako sa kanya dahil alam ko sa sarili ko na babae pa rin ang gusto ko. Pero bakit siya na lang lagi ang nasa isipan ko?" -Gunter Kaya bang baguhin ng isang halik ang lahat? Status: Co...