DAHAN-dahan kong inayos ang unan ng aking Lola Iska. Halata sa kanya ang panghihina at panglalanta. Medyo may katandaan na si Lola, kaya't hindi na dapat pa pinagtatrabaho sa bukid. Pansamantala muna akong huminto sa pag-aaral dahil kapos kami sa pera at kailangan ako ni Lola Iska.
"Apo, bakit hindi ka pa nagpalit ng uniporme mo? Wala ka bang pasok?" nanghihina nitong tanong sa akin.
Hindi pa alam ni Lola na hindi na ako pumapasok sa eskuwelahan. Mas pinipili kong mag-alaga ng aming manok at baboy. Dahil kapag tag-gutom na ay may makakatay kami. Nakakasawa na rin ang tuyo at dahon ng kamote bilang ulam.
"Huminto po muna ako, Lola. Kailangan niyo po ako rito. At ako na po ang bahala sa bukid."
Halata sa itsura ni Lola Iska ang pagkakatutol sa desisyon kong ito, ngunit alam kong katulad ko ay wala rin siyang magagawa. Ang pamumuhay na mismo namin ang nagtulak sa akin upang huminto.
"P—pagpasensiyahan mo na ang Lola, A—po. Hindi dapat ikaw ang gumagawa ng mga ito. Pag-aaral lang dapat ang iniisip mo."
Marahan kong hinaplos ang buhok ni Lola Iska. "Lola, buong buhay ko ay inalagaan mo ako. Hindi mo ako pinabayaan simula nang isinilang ako sa mundong ito. Huwag na po kayong mag-alala. Kaya ko po ito. Magpagaling lang po kayo para sa akin."
Bata pa lang ako ay iniwan na ako ng Inay kay Lola Iska. Muntik pa akong ipalaglag noon, buti na lang at sadyang malakas ang kapit ko sa bahay-bata ng aking totoong nanay.
Bunga kasi ako ng isang kasalanan.Hindi ko naman masisisi ang Inay kung muntik niya na akong hindi maisilang. Pero dahil kinamumuhian ng nanay ko ang totoo kong ama, ay pinili na lamang niya na ipamigay ako sa aking Lola.
Nagpapasalamat ako dahil inalagaan ako ni Lola Iska. Utang ko sa kanya ang buhay ko. Gagawin ko ang lahat, huwag lamang mawala sa piling ko ang aking Lola.
"Rara! May maganda akong balita!" bungad ng matalik kong kaibigan na si Carmina.
"Ano 'yon?" Napatingin ako sa papel na hawak niya.
"May trabaho na tayo!" masiglang sagot ni Carmina.
"Anong klaseng trabaho ba iyan? Baka mamaya, ilegal pala iyan at gawin tayong babaeng bayaran."
"Hay, susmarya! Ikaw talaga, Rara. Kung anu ano ang iniisip mo."
Binalingan muna ng tingin ni Carmina si Lola Iska.
"Kakausapin ko po muna itong si Rara, Lola Iska."
"S—sige," pagpayag naman agad ni Lola.
Lumabas muna kami ni Carmina. Hindi naman kami masyadong lumayo, para mabantayan din si Lola.
"Anong trabaho ba iyan, Carmina?" tanong ko na kaagad.
"Ganito iyon, magpapanggap tayong tagapagtaboy ng masasamang espiritu!"
"Nababaliw ka na ba? Ni takot nga tayo sa kalampag lang tuwing gabi. At ayoko, Carms. Para rin tayong nanloloko ng kapwa dahil sa gagawin nating iyan."
"Sige, pumili ka— mapagamot ang Lola Iska mo o hindi?"
"Masama itong gagawin natin."
"Alam ko, pero hindi naman grabe itong gagawin natin. Kailangan natin ng pera. Malaki pa naman ang ibabayad sa atin. Stay in pa! Libre lahat."
"Pero kasi—"
"Rara, kaya tayo hindi umaasenso kasi pinapairal natin ang puso. Anong kakainin natin? Hindi nakakatulong ang pagiging mabait natin. Mas inaabuso pa nga tayo."
"Pag-iisipan ko muna, Carmina. Kasi alam kong tutol din maging si Lola Iska sa trabahong papasukin natin."
"Nagmamadali na nga ako. Bukas na ang alis natin, Rara. At baka maunahan pa tayo. Sayang din iyon. Susunduin na lang kita bukas ng umaga. Sabay tayong luluwas ng Maynila."
Saglit akong napatingin sa hirap na hirap kong lola. Makakatulong sa pagpapagamot ni Lola ang perang makukuha ko sa trabahong inalok sa akin ni Carmina. Pero hindi naman tama ang pamamaraang iyon.
"Oh, siya! Mauuna na ako. Mag-eempake pa ako ng mga gamit ko para bukas. Susunduin na lang kita."
Nagpaalam na ng tuluyan si Carmina. Iniisip ko pa rin ang kanyang sinabi. Hindi naman siguro masama talaga ang gagawin naming ito. White lies lang naman ito. Magkukumpisal na lang ako pagkatapos ng gagawin naming panloloko. Sana naman hindi kami mahuli.
KINAUMAGAHAN dumating nga si Carmina bitbit ang malaking sako bag na may laman ng kanyang mga gamit. Nakapag-ayos na rin ako ng mga dadalhin ko. Noong una ay ayaw sana akong payagan ni Lola. Pero no'ng sinabi kong para ito sa pag-aaral ko ay pinayagan niya na rin akong lumuwas ng Maynila.
Hindi ko sinabi ang totoong trabaho na papasukin ko. Sinabi ko lang ay magiging waitress ako sa isang sikat na kainan sa lungsod ng Maynila. Hindi alam ni Lola ay magiging pekeng psychic ako. Nakokonsensiya ako. Pero wala nang atrasan ito. Alang-alang sa gamot at operasyon ni Lola Iska.
Ibinilin ko muna si Lola Iska sa mga magulang ni Carmina. Ayos lang naman sa kanila na doon muna si Lola habang kami ni Carmina ay mamamasukan muna sa Maynila.
"Handa ka na ba, Rara?" tanong ni Carmina nang makalabas na ako sa bahay namin.
"Handa na." Mami-miss ko ang bukid at mga pananim namin. At pati na rin ang mga alaga kong hayop.
"Sandali lang, Carmina!"
Dali-dali akong pumunta sa likod-bahay upang silipin si Mingky—ang alaga kong unggoy. Ngunit nagsisi ako nang makita ko siya. Nakatingin siya sa akin na tila ba nagmamakaawang isama siya sa pupuntahan ko.
"Hindi puwedi, Mingky. Huwag mo na akong pahirapan pa. Hayaan mo na akong umalis mag-isa."
Hindi niya ako kinibo, bagkus ay tumalikod lang ito na tila ba nagtatampo.
"Carms, isasama ko si Mingky."
"Oh, siya! Sige na."
Isinilid ko si Mingky sa isang maliit na karton na may mga maliit na butas upang makahinga naman siya.
Ito na ang simula ng aming pakikipagsapalaran. . .
-Commander Vevsorare
BINABASA MO ANG
My Fake Probinsiyana Psychic
HumorSi Razel Raine Magantio ay isang ordinaryong babae na may pangarap na makapagtapos ng pag-aaral, ngunit saglit na napatigil ito nang magkasakit ang kaisa-isahang karamay niya sa buhay- ang kanyang Lola Iska. Kaya't napilitan siyang sunggaban ang tr...