Day 17 ng lockdown noong makita ko ulit si Nanding. Nakapila kami sa nag-iisang grocery sa barangay namin na kuwarenta minutos pa bago magbukas.
"Nanay, bawal na hong lumabas ang mga senior citizens. Bakit ho kayo nandito sa labas? Delikado ho ang panahon ngayon," sita sa akin ng isang barangay tanod.
Alam ko naman iyon. Sa edad kong sitenta y dos, delikado talaga ako sa COVID-COVID na yan. May maliit akong black and white na TV sa bahay ko, pinaglumaan yun ng kapitbahay ko at binigay sa akin. At napanood ko dun ang balita tungkol sa tinatawag na pandemic daw na sakit. Pero kasi--
"Wala ho ba kayong anak o apo na pwedeng mag-grocery para sa inyo?" Nakasimangot na ang tanod, nakukunsumi siguro. Naiintindihan ko siya; madami silang pinoproblema at dumadagdag ako sa mga nagpapasakit ng ulo niya.
Kung ako lang, ayaw ko rin naman sanang lumabas. Sino bang may gustong magkasakit? At yung kagaya ko pa na wala namang pampaospital? Mabuti nga, may mabuting loob na taga-simbahan sa malapit na nagbigay sa akin ng bigas at de-lata kaya nakatagal pa ako ng 17 days bago lumabas.
Pero ngayon kasi—
"Pasensya ka na, iho. Wala kasi akong ibang mauutusang bumili ng pagkain," sagot ko sa abot ng makakaya ko. Masakit ang lalamunan ko kaya kahit magsalita lang, ang mahirap na para sa akin. Sa totoo lang, kahit nga itong simpleng pagtayo sa harap ng grocery sa loob nang ilang minuto, masakit na sa katawan.
"Ano ho?" tanong niya. Medyo mahina kasi ang boses ko.
"Wala akong mauutusang iba," ulit ko.
"Eh nasan ho ang mga anak nyo? Ano ba naman sila, kayo pa pinalabas!" sermon niya, medyo tumaas na ang boses. Ulit, naiintindihan ko siya. Tumingin siya sa mga kasama niya. "Pakihatid na nga si Nanay sa bahay nito, baka makakuha pa ng virus dito!"
Kahit hirap, hinabol ko siya at pilit inabot ang braso niya. "Nasa Bicol yung isang anak ko, andun ang pamilya niya. Iyong isa naman..." Lumunok ako at tumikhim para paglabanan ang luha, "nasa bahay."
"Ano ho?" Tumaas ang boses niya. Medyo mahaba na ang pila kaya medyo maingay na talaga. Mahina rin ang boses ko kaya hindi niya ako marinig. Natural lang na magtaas siya ng boses, naiintindihan ko.
"Nasa bahay 'ka ko," pinilit kong sabihin uli sa pinakamalakas na boses na kaya ko.
"Nasa bahay!" Marahas na napakamot sa ulo ng tanod na namula ang mukha sa inis. "Ang kapal naman ng apog niyang anak nyo! Bakit hindi siya ang pumunta dito, kayo pa talaga ang pinag-grocery."
Natatakot na ako. Pakiramdam ko, pipilitin na nila akong umalis doon. At hindi puwede kasi wala na kaming kakainin ngayong araw.
"Eh kasi..." Muli akong lumunok. Kung pwede lang, ayoko talagang masyadong magsasasalita. Masakit talaga sa lalamunan, lalong ganitong kailangan kong sumigaw dahil maingay at hindi ako maririnig ng kausap ko. "Di ho siya puwedeng umalis ng bahay, may sak—"
May sakit ph ang anak ko, yun ang sasabihin ko.
Mahina ang katawan ni Ning-ning ko mula pa noong bata siya. Bukod doon, nung January lang ay nagka-pneumonia siya. Sa aming dalawa, ako ang mas malakas—kung matatawag nga bang malakas yung ang isang setenta y dos anyos na babaeng may type 2 diabetes at mabahingan lang ng iba ay nagkakasipon na.
Parang walang intension ang tanod na pakinggan ang sinasabi ko. "Saka bakit ho wala kayong mask? Hindi ho kayo papasukin sa grocery kung wala kayong mask!"
Nag-init na ang mga mata ko. Ano bang ipambibili ko ng mask-mask na yan kung ganitong mababawasan ko pa nga ang pambili ko ng pang-maintenance at ipambibili ko ng bigas? Saka kung nagkataong may pambili man ako, may mabibili pa ba ako nun sa tindahan? Sa mga ospital nga raw, sabi sa balita sa TV, nagkakaubusan na rin ng mask yung mga doktor at nars.
BINABASA MO ANG
LOVE IN THE TIME OF CORONA
Short StoryThis is a work of fiction, although based on things I've read, heard, and observed. Me and my friend, Monica Bautista, who writes for Bookware, were exchanging tweets one time and this idea came out. Medyo experiment po ito. It's in first-person P...