CHAPTER EIGHT
PINUNTAHAN agad ni Andru si Jojo sa bahay nito. Alam niya kung saan ito nakatira dahil palagi niya itong kalaro noong bata pa siya kapag nagbabakasyon siya dito sa Quezon.
Nakakailang katok pa lang siya sa pinto ng mga ito nang magbukas agad iyon. Si Jojo ang kanyang nabungaran.
"Oh, Andru. Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong agad sa kanya ni Jojo.
"Jojo, pwede mo ba akong samahan sa tambakan ng basura?"
"Ha? Bakit?"
"May hahanapin lang ako, sige na. May naisama kasi si Lola Fe na bagay na kailangan ko sa ipinatapon niya sa'yo kanina."
Kakamot-kamot sa ulo na sumagot ito. "Eh, may gagawin pa kasi ako-"
"Bibigyan kita ng pera. Singkwenta pesos! Sige na, samahan mo na ako. Hindi ko kasi alam ang papunta doon. Kung alam ko lang, hindi na sana ako magpapasama sa'yo."
"Talaga? Singkwenta pesos?" Nagningning ang mata ni Jojo.
'Tss! Mukhang pera!' Sa loob-loob niya.
Tumango siya habang nakangiti. "Oo. Fifty!" at ipinakita pa niya ang limang daliri.
"Sige ba! Saglit lang at magbibihis lang ako-"
"'Wag ka nang magbihis. Sa basurahan lang naman tayo pupunta!" at hinila na niya sa kamay si Jojo palabas ng bahay nito.
-----***-----
NANGHIHINA na tiningnan ni Aquano ang kanyang kamay. Nanunuyo na iyon at nangungulubot. Katulad ng kanyang buntot na kahit nakababad sa tubig sa bath tub ay pakiramdam niya ay tuyong-tuyo na rin iyon. Nawala na ang kinang ng kanyang asul na buntot. Ang dating matingkad na asul na kulay niyon ngayon ay unti-unti nang pumupusyaw. Bumabagal na rin ang kanyang paghinga at pakiramdam niya ay wala na siyang lakas para kumilos pa.
Ngayon lang niya nalaman na hindi pala siya pwedeng magtagal sa lupa ng nasa anyong sirena dahil sa manghihina siya. Maliban na lamang kung nasa kanya ang Obus at may paa siya.
Sana ay makuha na agad ni Andru ang Obus. Malaki ang tiwala niya dito na babalik itong dala iyon. Nangako ito sa kanya at naniniwala siya doon.
-----***-----
"ANO ba kasi iyong hinahanap mo, Andru? Ang baho-baho naman dito! Umuwi na lang tayo, pwede?" reklamo ni Jojo sa kanya habang nagkakalkal sila sa tambakan ng basura.
"Umuwi? Sige. Wala kang fifty pesos!" Tumigil si Andru sa ginagawa at inis na tiningnan ang kasama. "Anong ini-expect mo sa tambakan ng basura, mabango? Basta, kwitas iyon na may palawit na parang kabibe," aniya.
"Ah! Iyong kwintas na parang kakaiba?"
"Oo, iyon nga! Nakita mo ba?"
"Eh, kahit pala anong gawin natin dito ay hindi natin iyon makikita dito."
"Bakit?" tanong niya.
"Nasa bahay ang kwintas na sinasabi mo. Nagandahan kasi ako kaya hindi ko na lang itinapon. Itinago ko na lang."
"Bakit ngayon mo lang sinabi?!"
"Hindi mo naman sinabi sa akin na iyon ang hinahanap mo, eh."
"Ay, ewan ko sa'yo! Tara na sa inyo at isoli mo na sa akin iyong kwintas!" at hinila niyang muli si Jojo. Sa pagkakataong ito ay pabalik naman sa bahay nito.
-----***-----
NAGMAMADALI na tinungo ni Andru ang kanyang silid. Mabuti na lang at nakuha niya agad ang Obus kay Jojo. Pagpasok niya sa banyo ay nakita niya ang walang malay na si Aquano sa bath tub. Nilapitan niya ito at pinulsuhan ito. May pulso pa naman ito pero sobrang bagal na.
BINABASA MO ANG
Ang Asul Na Buntot ni Aquano
Fantasi(COMPLETED/ BOYXBOY STORY!) Si AQUANO ay isang sireno na nabibilang sa Unda-e o mga dugong bughaw sa Aquatika-- isang kaharian sa ilalim ng karagatan. Habang si ANDRU naman ay isang pasaway na lalaki kaya ipinadala siya sa probinsiya ng kanyang momm...