MATAPOS makiusyuso sa mga tanim na kabute na siyang latest business ng pamilya ni Gray sa farm ng mga ito, na balak ring gawin ng kanyang amang si Sanji dahil sa successful niyon sa market, ay nag-aya na si Sanria kay Gray na lalabas na muna siya sa mushroom plantation. Sinamahan naman siya ng binata.
Bukod sa ilang branch ng Posh Bar na matatag pa rin hanggang ngayon ay isa rin ang farm sa source of income ng pamilya ni Gray.
Hindi kalayuan sa mushroom plantation ay may nakatumbang malaking troso na pinuntahan nina Gray at Sanria. Doon ay naupo si Sanria. Ganoon din si Gray.
"Grabe ang pagka-busy mo para sa intramural," basag ni Sanria sa namumuong katahimikan. "Ni hindi mo na ako maalalang kumustahin," sinadya niya na mahimigan nito ang hinampo sa boses niya.
"Okay, my fault."
Iningusan niya ito. "Siguro kung hindi ako sumama kina papa dito sa inyo, hindi pa kita makikita."
"I don't think so. Pupunta dapat ako sa hacienda ninyo ngayon pero dahil narito ka na, kaya hindi na rin matutuloy."
Muling ibinalik ni Sanria ang tingin kay Gray. Kahit hindi ito ngumingiti ay bakas naman sa guwapong mukha nito na totoo ang sinasabi nito. Napangiti na rin siya.
"Totoo?"
"Liligo ba ako ng maaga kung wala akong pupuntahan? Alam mo naman na mas gusto kong matulog lang sa umaga kapag walang pasok."
Napatango-tango siya. "Sabagay. Tanghali ka na bumabangon."
Nang mga sandaling iyon ay animo naglaho na ang hinampo niya kay Gray na naipon ng mahigit isang linggo. Hindi lang talaga siya sanay na hindi nag-i-exist ng matagal ang kaibigan sa paligid niya. At higit sa lahat ay hindi siya updated sa nangyayari dito. Kahit sa social media account nito ay hindi ito nagpo-post.
"Mag-kuwento ka, Gray. Pakiramdam ko, isang taon akong walang balita sa iyo."
Pumihit ng upo si Sanria patalikod kay Gray at itinaas ang paa sa troso.
"Gray, umupo ka rin ng ganito tapos sumandal ka sa likod ko," susog niya sa kaibigan na agad din naman nitong ginawa. Ngayon ay nakasandal na sila sa likod ng isa't isa. Mas kumportable na ang puwesto nila ngayon. "Magkuwento ka na."
"Busy lang talaga ako sa school at practice."
"Ganoon lang?"
"Oo nga. Ikaw ba?"
"School at bahay lang."
Tumawa ito. "Mas boring."
Siniko niya ang likuran nito. "Kasalanan mo."
"Kasalanan ko dahil hindi ka makagala?"
"Ngayon lang ako nakaalis sa bahay na hindi school ang pupuntahan. Naisip ko nga na baka ayaw mo na akong kasama kaya hindi ka na rin nagpaparamdam."
"Tss. Ang drama mo, Ming."
"Daig ka pa nga ng multo, eh."
"Babawi ako next weekend."
"Next weekend? Ang tagal pa naman noon, eh."
"Worth the wait naman."
"Tse!"
"Hanga pala. Alam mo ba na may nakuwento si mommy kagabi habang kumakain kami?"
Isinandal niya ang ulo sa may balikat ni Gray at pumikit. "Tungkol saan?"
"Sa Mama at Papa mo."
Ganoon na lang ang pagmulat ng mga mata ni Sanria. "Bakit? Ano'ng mayroon kina Mama at Papa?"
Bumaba sa troso si Gray at lumipat sa may harapan niya. Sumaklang ito ng upo sa troso paharap sa kanya habang may ngiti sa sulok ng labi. "One hundred percent sure na hindi mo pa ito alam."
"Tungkol nga saan?"
"Nakuwento ni mommy na si daddy pala ang dahilan kung bakit nagkalapit lalo sina Tito Sanji at Tita Anria. Nakipag-kuntsabahan si daddy sa adviser nila para alagaan kuno ng mama mo ang papa mo na naaksidente noon sa school nila. Which is successful. Dahil kung hindi 'yon ginawa ni daddy ay ewan na lang kung paanong mapapalapit ang papa mo sa mama mo. Sabi rin kasi ni daddy na daig pa ni Tito Sanji ang yelo dahil sa pagiging cold sa school nila. Then one day, nag-umpisa na ring magpapansin ang papa mo sa mama mo na nauuwi naman sa aksidente kaya gumawa na ng paraan si daddy para magkaroon ng chance na magkalapit ang parents mo. And the rest is history."
Hindi mabura ang ngiti ni Sanria sa nalaman. Hindi niya alam ang bagay na iyon. Basta sabi lang ng kanyang ina na Senior High School nang maging malapit ang mga ito sa isa't isa. At ilang years din ang lumipas bago muling nagkita matapos maghiwalay ng maraming taon.
"Ang ngiti," ani Gray na pinisil ang pisngi ni Sanria.
Pinalis niya ang kamay ni Gray. "Gusto ko 'yong story nina Mama at Papa. Alam mo 'yon, first and last love nila ang isa't isa. Sana ganoon din 'yong maging love story ko." Nagpakawala siya ng buntong-hininga bago muling napangiti.
"Tss. Magtapos ka muna ng pag-aaral bago mo isipin ang mga ganyang bagay."
Tinaasan niya ng kilay si Gray. "Nag-aaral naman ako ng mabuti."
"Tanggalin mo muna ang mga ganyang bagay. Ang bata-bata mo pa para diyan."
"Wow. Nagsalita ang matanda."
"Well, as you can see, hindi ko inuuna ang mga ganyang bagay," pagyayabang pa nito.
"Palibhasa kasi mas baliw ka pa sa online game kaysa sa mga famous chicks sa school."
Isa sa bonding nilang magkaibigan ang paglalaro ng online games kapag walang pasok. Pinagbawaalan nga lamang siyang maglaro simula noong magkasakit siya. Saka na raw para hindi siya mabaynat.
"Mas okay na 'yon. Kitams? Iwas sakit sa ulo."
"Mga lalaki talaga, iba-iba ang pananaw sa pakikipagrelasyon. May nagti-take for granted. At may tukmol na katulad mo," kantiyaw pa niya sa kaibigan.
Umasim ang mukha ni Gray. "Change topic. Hindi na ako interesado sa tinatakbo ng usapan. At ito na rin ang huling beses na pag-uusapan natin ang topic na ito or else..."
"Or else, ano?"
Mataman siya nitong tinitigan bago nagsalita. "Mag-gi-girlfriend na ako," ani Gray na walang kakurap-kurap na nakatitig sa mga mata ni Sanria.
Natigilan si Sanria sa sinabi ni Gray. Seryoso ba ito? Kung iisipin, wala pa itong nagiging girlfriend. Kahit nga ka-flirt ay wala. Naisip niya na kapag nagkaroon na ito ng girlfriend ay doon na mapupunta ang libre nitong oras. At siya bilang bestfriend nito... ano ang mangyayari? Baka sa isang iglap, maitsapuwera na siya. Matatanggap ba niya? Iba na ang makakasama ni Gray. Iba na ang ililibre nito.
Hindi, aniya sa isip.
"Hey!"
"Ay kabayo!" Sa gulat ay bumuway ang pagkakaupo ni Sanria sa ibabaw ng troso. Dumulas pa ang kamay niya nang ihawak niya iyon sa inuupuan niya. "Gray!" palirit niya nang mahinuha ang sunod na mangyayari. Mahuhulog siya!
"Sanria!"
Mariing ipinikit ni Sanria ang mga mata. Pero bago pa niya maramdaman ang lupa sa likuran niya ay naramdaman naman niya ang mga bisig na pumulupot sa may baywang at likuran niya.
"Got 'yah!" nasiyahang wika ni Gray noong masalo si Sanria sa akmang pagkakahulog sa lupa. Nang iangat ni Gray ang katawan kasama si Sanria ay siya namang pagkakadulas ng paa nito nang maitapak iyon sa tuyong dahon ng mahogany.
Patumba sa likuran na bumagsak si Gray kasama ang yakap na si Sanria.
BINABASA MO ANG
A Princess In Disguise 2: A Princess Promise
Teen FictionLumaki si Sanria na halos si Gray ang palaging nakakasama kaya daig pa nila ang magkapatid kung ituring ang isa't isa. Si Gray rin ang tumatayong protector ni Sanria kaya halos nakadepende ang dalaga rito sa lahat ng bagay. Kapag isinasama si Sanria...