CHAPTER 4

336 16 0
                                    

NOVEL’S POINT OF VIEW

Kasalukuyan akong nakatitig sa kandilang hinipan. Isang tinapay ang katabi niyon at wala akong ganang kainin ‘yon. Sa tuwing kaarawan ko, naaalala ko lamang na iyon din ang araw  kung saan nilibing si Nanay Linda. Nakaupo ako sa tapat ng kaniyang puntod at hinayaan  lamang doon ang tinapay na alay ko rin pati ang ilang kandilang puti na sinindihan ko.

“Miss na miss ko na po kayo Nanay Linda. Paumanhin po kung ngayon na lang ulit ako nakadalaw. Na-busy po kasi ako sa paghahanap ng trabaho nitong nakaraan. Hanggang ngayon wala pa rin po akong mahanap na bagong trabaho. Salamat po pala ulit ‘nay sa lahat ng sakripisyo na iyong ginawa para sa akin,” ani ko at ‘di mapigilang tumulo ang mga luha. 

“Novel.” Kaagad naman akong napalingon sa aking likuran at nabigla nang makita si Aling Mina. Ilang taon na rin ang lumipas nang huli kaming magkita. Napatayo ako kaagad at siya ay aking niyakap.

“Aling Mina! Salamat naman at muli tayong nagkita!” saad ko na natutuwa. Hinagod-hagod niya ang aking likuran habang yakap din ako.

“Ako rin hija, nagpapasalamat ako at muli tayong nagtagpo!” Matapos ng ilang sandali ay bumitiw na kami sa pagkakayakap sa isa’t isa.

“Kumusta na po kayo, Aling Mina?” tanong ko na hindi pa rin makapaniwalang muli kaming nagkasama.

“Ayos naman ako pero nalulungkot pa rin. Nasa mansion pa rin ako at madalas na ang pag-aaway ng mag-asawa . . .” Napabuntonghininga na lamang ako saka muling tumingin sa puntod ni ‘nay Linda.

“Wala naman yatang nagbago sa kanila. Noon pa man lagi na rin nilang pinag-aawayan ang tungkol sa akin,” wika ko. Nagsindi rin ng kandila si Aling Mina at naupo, sumunod naman ako.

“Tama ka, pero minsan nakikita kong nakatingin ang iyong ina-inahan sa kawalan at minsan sa sobrang kalasingan niya hinahanap ka niya,” ani niya at ako ay natawa nang mapait.

“Siguradong nababanggit niya ang ngalan ko sapagkat nais niyang harap-harapang isisi sa akin ulit ang lahat at ako’y sumbatan nang paulit-ulit. Hindi na ako aasa pa Aling Mina na nangyari iyon dahil nasasabik siyang makapiling ulit ako nang maayos,” tugon ko.

“Alam kong nalulungkot ka at nasasaktan subalit maligayang kaarawan pa rin, Novel! Sigurado rin akong ‘di matutuwa ang ‘nay Linda mo kung malungkot ka na lamang palagi. Alagaan at mahalin mo ang iyong sarili, iyan ang huwag na huwag mong kalilimutan hija.” Malungkot na napangiti ako saka tumango. Matapos ang halos isang oras na pananatili namin sa puntod ay nagdesisyon kaming umalis na. 

“Dahil matagal na rin tayong hindi nagkikita, halika at hayaan mo akong ilibre kita lalo na kaarawan mo ngayon. Ipagdiwang natin, hindi masamang maging masaya rin paminsan-minsan. Kaya kung tatanggi ka sa akin magtatampo ako, sige ka!” Medyo natawa naman ako kay Aling Mina.

“Opo, hindi ko po tatanggihan. Salamat po muli!” 

“Naku! Wala ‘yon! Saka humingi talaga ako ng isang linggong day off at bukas ang huling araw. Sulitin na natin ito!” 

Nagtungo kami sa mga tindahan ng street foods at masayang nagsasalong kumain, umiinom ng palamig at namamasyal-masyal sa paligid. Hanggang sa inabutan kami ng gabi at nagdesisyon kaming kumain sa may tapsilogan at ako naman nanlibre kay Aling Mina. Ayaw niya pa noong una subalit napapayag ko rin. Nahihiya kasi akong magpalibre muli, sapat na sa akin ang kaninang nilibre niya ako. Masaya kaming nagsalo ng hapunan at habang naglalakad patungo sa sakayan ay kumakain kami ng isaw.

“Sa buong buhay ko, ngayon lang ulit ako sumaya nang ganito,” saad ko at nakahingang maluwag. Nabawasan ang bigat na aking nararamdaman matagal na panahon na.

“Masaya ako at napasaya kita hija. Siya nga pala, saan ka nakatira? O kaya number mo hija? Para mapuntahan kita kapag day off ko o kaya magkausap naman tayo paminsan-minsan,” tugon niya.

“Saglit po . . .” Ibinigay ko ang aking numero at siya’y ganoon din. Ang address ko ay sinulat ko na lamang din sa papel na dala-dala ko at matapos niyon ay nagpaalam na kami sa isa’t isa. Pinanood ko ang papalayong sasakyan na sinakyan ni Aling Mina bago ako tuluyang naglakad para makauwi. Halos dalawampung minuto lang naman ang paglalakad na aking gagawin para makarating sa maliit kong tahanan na inuupahan ko pa. 

Habang naglalakad ay tumitingin-tingin na rin ako sa paligid o kaya ay nagtatanong kung saan puwede makapagtrabaho. Ang huling trabaho na mayroon ako ay sa palengke subalit umalis na lamang din ako dahil ayaw ko na ng gulo. Isang masamang alaala ang mayroon ako sa lugar na ‘yon.

Sa kamalas-malasan wala akong mahanap na trabaho sa halos dalawampung minuto kong paglalakad. Pagkarating na pagkarating ko sa tapat ng tinitirhan ko ay bungad ang aking kaibigan. Halatang hinihintay ako nito lalo na diretso na sa akin ang tingin.

“Susmiyo! Nag-alala ako sa’yo nang sobra, as in! Akala ko kung napaano ka na at birthday na birthday mo pa naman Inday! Happy birthday nga pala!” Natawa naman ako sa inasta niya na akala mo ay isang bata na nagtatampo.

“Sus! Huwag ka na magmaktol diyan, nandito na ako okay? Pero, salamat sa pagbati! Natutuwa talaga ako sa araw na ‘to at nagkita kami ulit ni Aling Mina dahil binisita niya rin si ‘nay Linda!” 

“Hala! Talaga? Mabuti naman at nagkita kayo ulit! Oh siya at may regalo ako sa’yo!” Excited niyang sabi at ako’y napapangiti na lamang. Ibinigay niya sa akin ang sinasabing regalo at ‘di ko mahulaan kung ano ang laman ng nakabalot na kahon.

“Mamaya mo na buksan pagkapasok mo sa bahay mo! Sana magustuhan mo! Good nigh and sweet dreams!” 

“Salamat dito, Sherly! Good night saka sweet dreams din!”

“Ano ka ba? Wala ‘yan haha! Sige na at kailangan ko na matulog. May pasok pa ako bukas,” tugon niya at nakangiti akong kumaway sa kaniya bago rin kinuha ang susi ko. Nang makapasok sa loob ay isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan saka kinandado ang pinto. 

Nakukuryusong tiningnan ko ang regalo ni Sherly sa akin. Dahan-dahan ko itong binuksan at napanganga ako nang makita na may dalawang dress na bagay naman sa katawan ko subalit medyo hapit at maikli. May pantalon at blusa rin. 

“Si Sherly talaga . . .” bulong ko pero gayonpaman ay nakangiti pa rin. Ngayon ko lamang naranasan ang nag-uumapaw na kasiyahan sa mismong kaarawan ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nangyari ito sa buhay ko. 

Bukas, simula na naman ng paghahanap ng trabaho para buhayin ang sarili. 

W SERIES ONE: FALLING IN LOVE WITH ISMAEL SMITHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon