Alas singko na ng hapon. Paakyat ka na sana ng overpass noong napansin mo ang isang matandang nanghihingi ng limos. Sira-sira ang madumi niyang damit habang nakasukbit sa isang balikat ang malaking plastic na naglalaman ng bote. Kumuha ka ng barya sa iyong bulsa at ibinigay ito sa matanda.
Pagdating mo sa terminal ng jeep ay mahaba na naman ang pila, pinili mo ito dahil alam mong mas mahaba ang pila sa tren ng ganitong oras.
Mausok. Mainit. Masikip.
Sinisisi mo ang gobyerno dahil hindi nila magawan ng paraan ang mga simpleng problemang ito sa transportasyon at polusyon gayong mas inuuna pa nilang tugunan ang maliliit na bagay sa senado. Pero naisip mo din na wala kang karapatang magreklamo dahil hindi ka botante. Hindi ka nagparehistro dahil para sayo walang silbi ang iyong pagboto. Pare-pareho lang ang mga politiko.
Pauwi ka na ng bahay. Madami pa din ang mga batang naglalaro sa kalsada kahit mag-a-alas otso na ng gabi, naglabasan na din ang mga tambay na naka pwesto sa harap ng isang tindahan sa tapat ng bahay niyo.
Pagpasok mo bahay niyo ay naabutan mo ang kuya mong nurse na nag aayos na ng gamit para pumunta sa trabaho.
"Night shift ka ulit?" tanong mo.
"Oo e, Baka mag overtime na din ako ngayon dahil sa lumalaganap na virus." sagot nito sabay kabit ng mask.
"Kumain ka muna bago umalis. Maluluto na itong ulam." sabi ng nanay mo sa kuya mo.
Dumiretso ka sa iyong kwarto, binagsak ang bag sa kama at humiga. Tumitig ka sa kawalan. Hindi mo alam kung paano mo sasabihin sa iyong magulang na bagsak ka sa isang subject at maaaring hindi ka maka-graduate.
Bumuntong hininga ka ng malalim.
Mayamaya ay tinawag ka na ng nanay mo para kumain. Kaldaretang baboy ang ulam niyo at piniritong manok. Sa isip isip mo, manok na naman ang ulam. Kakakain mo lang nito kaninang umaga at tanghali.
Umupo ka sa iyong pwesto sa hapag-kainan. Wala pa rin ang inyong haligi ng tahanan. Malamang wala na naman iyong masakyan o nag-overtime ulit sa trabaho. Halos hindi na nga kayo nakukumpleto sa hapag-kainan dahil sa mga schedule ng bawat isa. Maswerte na ang gabing ito na magkakasabay kayo ng kuya at nanay mo na kakain.
Kumuha ka ng kanin. Nagdadalawang isip ka kung ngayon mo ba sasabihin sa kanila na hindi ka makaka-graduate. Wala ang tatay mo, hindi masyadong mabigat ang sermon. Kumuha ka ng kaldareta. Hindi. Sa susunod mo na lang sabihin para isang sermon na lang. Ito ang ang naging desisyong mo.
Tahimik kang kumakain.
Pinag-uusapan ng nanay at kuya mo ang virus na binabalita sa telebisyon. Wala kang pakealam.
"Parang SARS at Meninggo lang 'yan. Bakit masyadong ino-overact ng mga tao?" bulong mo.
Pagkatapos ninyong kumain ay nagpaalam na rin ang kuya mo para umalis.
"Mag-iingat ka anak" sabi ng iyong nanay sa kapatid mo.
"May naitala ng COVID-19 sa bansa. Ito ay matapos magpositibo ang isang Chino na galing Wuhan. Sa ngayon ay tine-trace na ng kinauukulan ang mga taong nakasalamuha nito at ang mga lugar na pinuntahan nito."
Napatingin ka sa telebisyon at muling binalik ang tingin sa mga hugasin.
YOU ARE READING
Reset
ContoHindi ito ang istorya na palagi mong binabasa. Pero malay mo naman may makuha kang makabuluhang salita mula sa bawat pahina ng istoryang ito.