Prologue

13 0 0
                                    

Malakas na naman ang simoy ng hangin. Pang-ilan na ba ito ngayong buwan? Ang mga tao sa paligid ay nagkakagulo. Hindi mawari kung ano ang dapat nilang gagawin sa ganitong sitwasyon. Ang iba'y tatakbo na lang palayo kahit maiwan pa ang kanilang mga gamit, mas iniisip ang sarili kaysa mga ito. Ang iba nama'y uunahin ang mga gamit bago tuluyang makaalis sa lugar na iyon, marahil naglalaman iyon ng mga mahahalagang bagay, na maaaring mas higit pa sa kanilang buhay.



Ang mga estudyanteng nakaupo sa labas ng mga coffee shops ay nagkakandarapa sa pagpulot ng mga papel nilang nililipad ng hangin. Ang mga babaeng nakatayo't nakapalda ay nahihirapan sa pagtabon sa kanilang mga hita sapagkat nililipad din ng hangin ang kanilang suot. Ang mahahabang buhok ng mga babaeng nakalugay ay nililipad at natatakpan ang kanilang mga mukha. Ang mga taong naglalakad at nakapayong pangsangga sa sinag ng araw ay natatangay din.



Lahat ng mga taong nakikita ko ay tumatakbo papalayo kahit hindi naman ito kasinlakas ng isang bagyo na maaring kumitil sa kanilang buhay. Hindi naman ito maladelubyo na sisira sa buo nilang pagkatao. Pero para sa kanila, nasisira nito ang magandang mood nang araw na iyon. Para sa kanila, panggulo lang ito ng kanilang mga ginagawa. Para sa kanila, isa lamang itong walang kwentang hangin na pampagulo sa mga araw-araw nilang aktibidad.



Para sa kanila lang 'yun dahil iba ako sa kanila.



Halos lahat sila'y nakasimangot dahil dito. Ako lang ata ang natutuwa sa presenya ng hangin na ito. Sa tuwing mararamdaman ko na naman ang hangin na humahaplos sa aking balat ay ibang saya ang nadudulot nito sa akin.



Nagsasaya na naman ang kalikasan, ani ko. Ang mga puno sa paligid ay tila sumasayaw kasabay ng hangin, ang mga nagtataasang damo ay ganun din. Ang mga ibon na lumilipad ay sumasabay din. Ang kapayapaan ng dagat ay natatanaw ko rin.



Dumiretso ako sa sementadong parte ng tabing-dagat. Tumuntong ako rito, tumingala sa langit at pinakiramdaman ang sinag ng araw na tumatama sa aking mukha, at ang haplos ng hangin na tumatangay sa aking buhok. Nanatili ako sa ganitong pwesto nang mga ilang minuto. Napakasarap talaga sa pakiramdam.



Nang akmang tatalikod at aalis na ako'y naestatwa ako sa aking pwesto nang namataan ko ang isang lalaking may hawak ng camera. Nakatutok ito sa akin. Dahan-dahan niyang binaba ang hawak na camera at nanatili rin sa pwesto nang ilang mga minuto. Pinagmasdan ko ang paligid, nagkakagulo pa rin ang mga tao.



Kung ang akala ko'y ako lang ang hindi alintana ang presensya ng hangin, nagkakamali ako. Dahil sa ilang araw na nararanasan at nilalasap ko ito, ngayon lang ako may nakasalamuhang kagaya niya.



Sa mga oras na iyon, tanging kaming dalawa lang ang nakatayo't hindi gumagalaw.



Sa mga oras na iyon, nanatili akong nakatingin sa kaniya at ganun din siya sa akin.



Sa mga oras na iyon, lalong lumalakas ang hangin.



Sa mga oras na iyon, unti-unti na akong natatangay at mahuhulog na sa lupa!



"Aaahh!" sigaw ko.




"Oh, dahan dahan lang," pag-aalalay sa akin ni Kiel, boyfriend ko. Tiningnan kong muli ang pwesto kung saan nakatayo yung lalaking nakita ko kanina at wala na siya roon. Kumunot ang aking noo. May tao ba talaga doon o namamalik-mata lang ako?



To be continued...

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

© loisable

All Rights Reserved 2020

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 28, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

As the Wind BlowsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon