SA LOOB NG BAHAY NI LOLA TORY...
Pagkatapos na makita nina Lando, Grace at Karen ang mga nakunan litrato sa silong ng bahay ay tila dismayado ang dalawang babae.
Kaya't minarapat na lamang nilang magpunta sa kusina upang magluto ng makakain para sa tanghalian. Marami pang natitirang mga pagkain mula sa grocery na kanilang dala.
"Akala ko ay may makikita tayong kakaibang bagay sa silong ng bahay" saad ni Karen na noo'y nagpapalingas ng panggatong sa kalan na de-kahoy.
"Oo nga eh. Akala ko din ay malalaman natin kung saan nanggagaling ang amoy na iyon" tugon ni Grace na naghihiwa ng sibuyas.
Si Lando naman na naiwan sa sala ay tila may malalim pa ring iniisip.
"Makakauwi kaya sina Cathy, Lola Tory at Mang Aldo bago maggabi? Kasi kung hindi..." hindi naituloy ni Karen ang sasabihin.
"Kung hindi ay, ano?" tanong ni Grace.
"Eh kasi... yung naranasan natin kaninang madaling araw, sobrang nakakatakot eh. Ayoko na maranasan ulit yun nang tayo lang ang nandito" sagot ni Karen. Halata sa mukha nito ang matinding pagkabahala dahil sa iniisip.
Dahil doon ay tila bumalik ang ulirat ni Lando. Hindi rin nito maiwasang matakot sa maaaring mangyari sa buong gabi na silang tatlo lang ang magkakasama sa bahay. Dali-dali itong nagpunta sa kusina upang makausap ang dalawang babae.
"Guys..." tawag pansin ni Lando sa dalawa. Kaagad namang tumingin sa kanya ang mga ito.
"Kung sakaling hindi makakauwi sina Tatay mamayang gabi, anong balak niyo? I mean... Anong balak niyong gawin sakaling may kakaiba ulit tayong maranasan mamaya?" tanong ni Lando.
Tila kaswal lang na sumagot si Grace habang nagbubukas ng de-latang balak na igisa. "Wala naman tayong magagawa e. Deadma na lang tayo sa mga creepy whatever na yan" tugon ni Grace. Sinadya nitong mag-tunog 'chill lang' dahil alam niyang natatakot na ang mga kasama niya sa posibleng mangyari mamayang gabi. Pero ang totoo, maski siya ay kinakabahan na rin sa mga oras na iyon. Ayaw lamang niyang ipahalata upang hindi na makadagdag sa tensyon ng dalawang kasama.
"Pakiramdam ko, siguradong babalikan tayo mamayang gabi" nag-aalalang saad ni Karen.
Napatingin rito sina Lando at Grace.
Pero pinilit na maging kalmado ni Grace. Bumuntong hininga ito saka muling nagsalita. "Anuman ang mangyari. Kahit gaanong nakakatakot pa ang maganap sa atin mula sa oras na ito. Hindi tayo dapat madaig ng mga nararamdaman nating takot. Limang buhay ang binabantayan natin. Kung magpapabaya tayo ay maaaring mawala ang ating mga kaibigan anumang oras" turan ni Grace.
Dahil sa kalmadong awra ng mukha at timbre ng boses ni Grace ay bahagyang napanatag sina Karen at Lando. Naalala din nila ang kalagayan ng kanilang mga kaibigan na nasa isang kwarto.
Saka biglang may naalala si Lando.
"Marami pa bang gaas sa container?" biglang tanong nito. Ang binabanggit nito ay ang malaking plastic container na lagayan ni Lola Tory ng gaas. Ilang gallon ang maaaring mailagay sa container na iyon.
"Marami pa. Halos puno pa ang container" sagot ni Karen. Ginamit pala nito ang gaas sa pagpapalingas ng panggatong sa kalan kanina.
Kaagad naman lumapit si Lando kung nasaan ang tinutukoy na container. "Gagawa ako ng maraming lamparang de gaas. Para maliwanag ang bahay mamaya" ani Lando. Saka naman ito naghanap ng mga boteng maaaring gawing lampara sa kusina. Alam kasi nitong may mga basyong bote ng toyo, suka at iba pang mga condiments. "Mababawasan ang takot natin sa liwanag ng bahay mamaya" nakangiting turan nito at kumindat pa sa mga babae.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Misteri / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...