Kabanata 1- SIMULA NANG SIMULA

6.3K 290 32
                                    

Sidapa

Sa simula ay nabuo ang langit at lupa at himpapawid... iyon ang alam sa alamat. Ngunit sino ba ang nakakaalam ng tunay na simula?

Nagising ako na kulay itim, puti at kulay abo ang lahat... kung alam ninyo ang ibig kong sabihin. Sa isang iglap, nagsimula sa akin ang lahat. At lumakad ako sa ibabaw ng mundo mula noon. Nakita ko ang lahat ng uri ng kasakiman ng tao. Mula sa unang digmaan, hanggang sa mga epedemya na dumapo sa kanila, narinig ko ang bawat sigaw ng kaluluwa na humihingi ng kapatawaran. Narinig ko ang sigaw ng mga kaluluwa na walang hinihingi kung hindi paghihiganti. Nakita ko na ang lahat ng mukha ng kasalanan. Mula sa unang tao hanggang ngayon, walang pinagkaiba ang mga ito. Kaya hindi ako nagtataka na nalimot nila ang minsang nagbigay sa kanila ng masaganang ani. Nalimutanan na nila ang gumabay sa kanila mula sa umpisa.

Tao— pinakasakim sa lahat ng nilalang. Kaya dumating ako sap unto na naging bingi ako sa hinaing nila. Kung ang mga diyos at diyosa ay tumalikod, ako ay nagpatuloy ngunit bingi sa kahit anong pagtawag nila. Tinalikuran ko na ang uri ng mga tao. Sila ang pinakamasamang nilalang na nakilala ko.

---------------

"Ano ang ginagawa mo dito?"

Ah, Manggagaway, kahit kailan ay malakas ang pakiramdam.

"Dinadalaw ang anak mo," sagot ko mula sa dilim. Napahiyaw si Marikit nang marinig ang boses ko. Hindi ako lumabas sa anino ng dilim. Nanatili ako kung saan nasanay na ako.

"Bakit?" natatakot na tanong ni Marikit.

"Bawal bang dumalaw?"

"Huwag mo sanang masamain Sidapa, ngunit nakakabahala ang pagdalaw mo," sagot ni Marikit na ikinataas ng kaunti ng labi ko. Iyon na ang pinakamalapit sa ngiti na alam ko. Nakalimutan ko na kung paano ngumiti at tumawa.

"Huwag kang mangamba, Marikit. Hindi ako madaling magtanim ng galit."

"May sagot ka na—"

"Makinig ka Manggagaway. Hindi dahil iniingatan ko ang iyong anak ay ibig sabihin na nito ay papanig ako sa inyo. Wala akong pakialam sa mundo ng tao. Naghihintay akong maubos kayong lahat—na ang tagal mangyari— at nais ko ng magpahinga."

"May balita ka ba kay Jake?"

"Ang anak ni Sitan? Wala. Hindi ako gumagawi sa Kaharian ng Dilim. Ang lugar ko ay ang daigdig at ang pagitan ng langit at impyerno. Bakit ko pa gugustuhing magpunta doon kung ginagawa na ng taong impyerno ang daigdig?"

"May nanakit ba sa iyo kaya ka ganyan?" tanong ni Marikit a ikinabigla ko.

"Wala," maikling sagot ko.

"Manggagaway, sabihin mo kay Amihan at sa salinlahi ni Malaya na tigilan ang kakatawag sa akin at kakahatid ng mensahe gamit ang kandila. Hindi ako anito—"

Tumawa ng bahagya si Bunao na ikinagalaw ng munting bata sa higaan.

"Dinggin mo ang sasabihin nila kung gayon. Walang mawawala sa iyo kung makikinig ka. Marami kang oras sa mundo," sagot ni Bunao sa akin.

"Hindi ako papanig—"

"Malinaw sa amin iyon," putol ni Marikit sa akin. "Ang hiling lamang nila ay ituro mo sa kanila ang tamang gagawin. Ikaw ang pinakahuling baraha na mayroon kami na malapit sa katotohanan. Hindi na nila alam kung anong libro ang babasahin dahil ang pamilya ng Pluma ang karamihang may gawa ng mga sinaunang libro."

"Mauuna na ako Manggagaway. Ingatan mo ang iyong anak."

Inihagis ko sa isang kwintas na may palawit na maliit na bato na hugis ng tulis na palaso. Isa iyong proteksyon para sa bata. Alam ng Manggagaway ang gagawin para doon.

Naiintindihan ko si Bunao ngunit hindi ko nais na bumalik sa pakikialam sa mga tao. Walang naidulot na mabuti sa akin ang pakikinig sa kanila.

Sa Baguio ako naglalagi. Kung saan malamig, makulimlim at gaya ng aking nakagawian, kulay itim, puti at abo lamang ang aking nakikita. Sa Diplomat Hotel ako tumutuloy. Isang abandunadong gusali na sa ngayon ay dinarayo tuwing umaga. Hindi ko naman ito alintana. Kahit daanan ako ng mga tao ay hindi nila ako makikita gaya ng mga kaluluwa dito na ayaw tumawid kahit anong sabihin ko. Ayaw nila— kung bakit— ay ayaw lamang nila.

Madalas akong nakaupo sa itaas ng krus dito sa Diplomat. Nakatingin ako sa paligid, sa mga bahay sa bangin, sa mga luntiang kagubatan na unti-unti nang nauubos, sa mga ulap na humahalik sa lupa. Sa gabi ay parang alitap-tap ang mga ilaw ng bawat bahay. Ilang taon ko ng pinagmamasdan ang tanawing ito. Nakita ko ang unang bahay na nagkaroon ng ilaw at naitayo dito hanggang sa dumami nang dumami. At gaya ng mga nakaraang henerasyon, iisa lang magaling ang tao; ang pagsira ng kung anong maganda na mayroon sila.

Darating ang araw na matitigil ako sa paghahatid, pagkuha, pag-aalo at paghahabol sa mga kaluluwa. Darating ang araw na wala ng taong matitira. Tanging mga nakalimutan ang maiiwan dito. Hinihintay ko ang araw na iyon. Ilang libong taon ko ng hinihintay ang araw na iyon. 

The Book of DeathTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon