Ako ay lumulutang sa loob ng isang madilimat tahimik na lugar. Payapa at nakakakalma dito. Malayo sa sakit, malayo sa gulo, at malayo sa mabagsik na realidad ng buhay. Nang biglang nabutas ang kadiliman ng liwanag at ito ay bumalot sa aking paningin habang nababasa ang aking mukha na nag-ahon sa aking madilim na pinanggalingan.
Nakadama ang aking katawan na parang may mabigat sa aking dibdib. Pagmulat ko ay biglang sumalubong sa aking mga mata ang aking grey na pusa na si Matcha na tinitignan ako gamit ang kanyang kulay berde na mga mata habang nakatayo sa aking dibdib at dinidilaan ako sa mukha na parang ginigising na ako. Umalis sa pagkadagan sa akin si Matcha at tumayo ako sa aking kama at sumilip sa labas ng bintana. Nakita ko na pataas na pala sa kalangitan si Haring Araw, sa madaling salita, umaga na.
Tulad ng nakasanayan, ako ay kumain muna ng isang simpleng almusal na tinapay at kape, tas iinom ng vitamins. Nag-ayos muna ako ng mga mangkok ni Matcha at nilagyan ko muna ito ng pagkain sa isang mangkok at gatas sa kabila na sapat para sa isang buong araw bago ako tuluyan na naligo sa banyo at simulan ang aking orasyon.
Pasok, basa, sabon, hilod, banlaw, shampoo, kuskos, banlaw, sipilyo, dura, hilamos ng mukha, banlaw, punas, labas, pasok ng kuwarto, bihis, ayusin ang gamit, salpak ng musika sa tenga, himasin si Matcha, labas ng unit, pasok ng elevator, pindutin ang lobby, at labas ng building. Ganun ang aking orasyon at gawain sa bawat araw, walang labis walang kulang na paulit-ulit nalang. Sawang-sawa na ako na sa gawi ko, wala nang bago. Pustahan, tiyak na magagawa ko lahat ng yun kahit nakapikit ako, kaso baka maapakan ko si Matcha kawawa naman.
Habang di pa gaanong karahas ang sikat ng araw ay dinama ko ang preskong hangin ng umaga sabay sinimulan ko ang paglalakad patungong eskuwelahan. Ay teka, di na nga pala ako nag-aaral, subalit ay nagtatrabaho na. Para mapaikli ang lakad ay nagpasya akong dumaan sa malawak na parke. Patuloy kong pinagmamasdan ang aking paligid habang naglalakad. Kapansin-pansin na kahit umaga palang ay maraming tao dito na nag-eehersisyo at nagpapahangin. Yung iba katulad ko na papasok sa kanilang trabaho o kaya naman may paroroonan.
_____________________________________________
Isa ang parke sa mga magagandang pampublikong lugar na kung saan pwedeng magtipon-tipon ang mga taong kasama ang mga taong mahal nila sa buhay. Umaga palang pero nakabakat sa mukha nila na masaya sila sa pamilya o kaibigan nila maski ang mga nagiisa ay nakangiti at maganda ang gising. Dito ko napuna sa gitna ng dagat ng mga tao at ang ingay ng kaligayahan nila, ang isang lalaking naka hoodie na naka-upo sa isang park bench habang ang kanyang ulo ay nasa pagitan ng kanyang mga kamay habang nakayuko. Ako ay nabahala kasi sa gitna ng mga taong nakangiti, meron at meron talagang mga nalulungkot na di nila napapansin. Kasi naman, wala silang pake kung nasasaktan ka. Basta sila masaya ang buhay nila, ganun ang realidad eh, ano ba'ng magagawa natin?
Napagpasyahan kong lapitan ang lalaki. Nang ako'y nakalapit sa kanyang pinaroonan ay tinanggal ko ang aking earphones.
"Pre ayos ka lang ba?" Usisa ko sa lalaki.
Itinaas niya ang kanyang ulo at tumingala sa aking mga mata. Napansin ko agad na malaking tao pala ito at matured tignan. Napuna ko din na namumula pala ang kanyang mukha at basang-basa ang kanyang mga mata. Sa puntong iyon, napa-upo siya ng maayos at pinahid niya ang kanyang mga luha.
"O-okay lang ako pre, wala lang ito." Bulong nya habang napapasinghap.
"Pre pasensya na sa pagiging prangka pero, di iiyak ang isang tao ng walang dahilan, lalo na ang lalaking kasi laki mo." Pagpapatuloy ko.
"Sino ka ba para pakialaman ang taong may sariling problema huh?! Di naman kita kilala diba." Pagsusungit ng lalake sa akin.
"Ayun ang punto ko kung bakit ang isang tao na di mo kilala ay lumapit sa iyo, di tayo magkakilala. Nagbakasakali lang ako na baka kailangan mo ng taong makikinig sayo kahit di mo kilala para mailabas yang dinadamdam mo sa dibdib mo. Para gumaan ang pakiramdam mo." Kalmadong salaysay ko sa kanya.
YOU ARE READING
Limang Kandila (One Shot)
Short StoryIsang maikling kwento na tungkol sa 5 kandila.