Maling Akala

220 18 10
                                    

3-in-1 Story: Ang Mabuhay sa Maling Akala

Sa edad na pito, nabuhay akong puno ng galit partikular sa mga taong dahilan kung bakit ako nasa mundo.

Larawan kami noon ng isang masayang pamilya kasama ang aking ama't ina. Bagamat simple lamang ang pamumuhay, nakararaos kami sa pa-extra-extra ni ama sa construction at paglalabandera ni ina. Hindi man nasusunod ang luho, natutunan naming maging kontento sa kung anong nakahain sa aming harapan.

Pero bakit nga kaya kung kailan tila payapa ang lahat, tsaka naman darating ang di inaasahang unos na maaring magpabago ng buhay ng tao?

Galing paaralan, sinalubong ako ng balita na naaksidente ang aking ama. Nabali ang kanyang kanang binti at braso dahil sa pagkahulog sa gusaling kanilang ginagawa kaya kinailangang manatili pansamantala sa ospital.

Halos ilang buwan din magpapagaling si ama. Bukod pa rito, hindi sinagot ng employer ang gastos sa ospital kaya't nabaon kami sa utang. Dahil mabubuting tao ang aking mga magulang, batid kong mawala man sa amin ang lahat, may mga tao pa ring tutulong sa amin.

Isang kaibigan ang nag-alok kay ina na maging domestic helper sa Saudi. Gayon na lamang ang pagpipigil sa kanya ni ama. Dahil na rin sa dami ng pakakautang at kakulangan ng panggastos, wala nang nagawa si ama kundi payagan siya.

Pagkatapos ng ilang linggo, dumating ang araw ng pag-alis ni ina. Ganito pala ang pakiramdam kapag namamaalam ka sa taong mahal mo. Lumuluha ako ng di ko alam ang dahilan. Di bale, dalawang taon lang naman.

Madali kong natanggap ang kanyang pag-alis dala na rin marahil ng kamusmusan. Ngunit si ama, bakas sa mukha at kilos nya ang kalungkutan. Pansamantala muna akong tumigil sa pag-aaral upang maalagaan si ama.

Paglipas ng ilang buwan, natanggap namin ang telegrama mula kay ina. Galak na galak namin itong binasa. Mabuti at nasa maayos na kalagayan naman pala siya.

Bumalik sa dating sigla si ama. Paunti-unti nyang tinulungan ang kanyang sarili upang makalakad muli. Sa bawat hakbang nya ay inaalalayan ko sya at kitang kita naman ang improvement hanggang tuluyan siyang makarecover.

Ilang buwan ang muling lumipas, hindi pa rin sumasagot si ina sa liham na pinadala namin. Umuwi galing saudi ang kaibigan niya. Ayon dito, wala sa bahay ng amo nya si ina nang dalawin sya nito. Sumama raw sa isang arabo sabi ng amo nito.

Gayon na lamang ang pagkamuhi ko sa aking ina ng malaman ko ito. Nadagdagan pa ang aking galit nang makita ko ang kaawaa-awang kalagayan ni ama. Ang dating masigla at puno ng pag-asa ay napalitan ng galit at pagkagumon sa alak.

Nang maglaon ay sinasaktan na nya ako. Natuto akong mangalakal at kumain ng mga galing sa basura dala na rin ng kumakalam na sikmura.

Araw ng pasko noon ng lumayas ako sa amin. Hindi ko na kinaya ang pambubugbog ni ama. Ang dapat masayang araw na ito ay naging kabaligtaran. Bakit kasi may pasko pa?

Masyado lang pinaparamdam ng okasyon na ito ang kaibahan ng mayaman at mahirap. Ang mayaman, maraming bagong damitt, malulutong na pera, magagarang palamuti sa tahanan at masasarap na pagkain sa hapag. Samantalang ako, nag-aabang sa kung anong itatapon nila. Kalungkutan at galit yan ang kahulugan sa akin ng pasko.

Revelation: A Mother's Battle

Hindi ko na makaya ang panggigipit na ginagawa ng aming mga pinagkakautangan. Lalo na ang hinihinging kapalit ng isa ay ang aking dangal. Kinimkim ko ito sa aking sarili sapagkat ayaw kong isipin pa ito ng aking mister lalo't nagpapagaling pa sya. Mahal ko ang aking asawa. Hindi ko sya magagawang pagtaksilan.

Mabigat man sa aking kalooban, itinuloy ko ang aking balak. Inisip ko nalang ang magandang kapalaran na maibibigay ko sa aking mag-ama kung ako'y mangingibang bansa.

Parang dinudurog ang puso ko sa aking pag-alis lalo na pagnaaalala ko ang pagtangis ng aking mag-ama. Hindi ako umiyak. Ayaw kong ganoong imahe ang iiwan ko sa kanila.

Mapait ang sinapit ko sa amo kong babae. Masyadong mainitin ang ulo nito at laging galit. Kung minsa'y binubulyawan ako nito gamit ang wikang hindi ko naman maintindihan. Tanging magdasal at lumuha nalang ang aking nagawa.

Sumulat ako sa aking mag-ama. Sinabi kong mabait ang aking mga amo at maayos ang aking kalagayan. Ayaw kong malungkot at mag-alala sila.

Ang verbal na pang-aabuso ay nasundan pa ng marami. Pinagseselosan ako nito dahil mabait sa akin ang amo kong lalaki. Hanggang dumating sa punto na ikinulong ako nito sa kwarto at di pinakain. Binabato pa nya ako ng mga kasangkapan. Tinibayan ko ang aking loob. Lahat naman titiisin ko para sa aking mag-ama.

Nakalabas lamang ako at nakakain nang dumating ang amo kong lalaki. Ang akala ko kabutihan nito ay isa palang balat-kayo.

Nasa kalagitnaan ako ng pagtulog nang pagtangkaan ako nitong halayin. Nanlaban ako at di sinasadyang mapatay ko ito.

Confession: A Father's Regrets

Hindi ako galit sa aking asawa. Mahal na mahal ko siya. Hindi ako naniniwalang magagawa niyang sumama sa iba.

Pinili kong magpakalasing. Umasa na kinabukasan ay wala na ang sakit na aking nadarama. Nalulungkot ako hindi para sa akin, kundi para sa aking anak. Ako ang dahilan kung bakit humantong sa ganito ang lahat. Ang galit ko sa sarili ay naibubunton ko sa aking anak. Napagbubuhatan ko sya ng kamay.

Araw ng pasko noon, napakasaya ng marami. Samantalang ako, walang maibigay ni isang magarang damit sa mahal kong anak. Dala ng kalasingan, muli ko syang nasaktan at ito'y umabot sa sukdulan. Maging ako ay nagulat sa aking ginawa kaya pinili kong magpalipas ng galit sa ibang lugar.

Nang mahimasmasa'y bumalik ako nang mapag-isip-isip ko ang mga pangyayaring naganap. Napagtanto kong magbago alang-alang sa mahal kong anak. Itataguyod ko sya sa abot ng aking makakaya. Ngunit sa aking pag-uwi, wala na. Iniwan na'ko ng aking anak.

Conclusion: The Son's Destiny

Panibagong pinto ang nagbukas sa aking paglalayas. Isang mag-asawa ang kumupkop sa akin. Naawa sila sa aking bugbog at puro latay na katawan. Sinubukan nilang hanapin ang aking mga magulang ngunit sila'y aking pinigilan. Pinakain nila ako, dinamitan at pinag-aral.

Ngayo'y isa na akong ganap na inhinyero. Nagbayad ako ng imbestigador upang alamin na ang kalagayan ng aking mga magulang. Ayon sa kanya, binitay ang aking ina dahil napatay nito ang kanyang amo nang ipagtanggol nya ang kanyang sarili mula sa panggagahasa nito. Bagamat aksidente, hindi nya napatunayang self defense ang nangyari.

Samantala, hindi nakaya ni ama ang sinapit ni ina at marahil dala na rin ng patung-patong na pangyayari kaya sya nagpatiwakal. Gayon nalamang ang aking lungkot at panghihinayang. Agad ko silang hinusgahan at iniwan. Huli na upang áko'y magsisi. Wala na ang aking mga mahal na magulang.

Hindi man naging maganda ang ala-ala ng pasko sa buhay ko, natuto akong maging masaya sa pamamagitan ng pagbibigay ligaya sa mga kabataang iniwan ng kanilang mga magulang. Ayaw kong madama nilang sila'y nag-iisa at aba higit lalo sa ganitong okasyon. Ang okasyon dapat ay tanging pag-ibig at pagpapatawad ang mamayani sa puso ng lahat.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 10, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

3-in-1 Story: Maling Akala (One-Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon