Chapter X

107 48 80
                                    

Hindi likas sa akin ang gumising nang maaga tuwing araw ng Sabado at Linggo. Hindi ako sanay na bumalikwas ng kama saka uupo lang sa harap ng desk nang ilang minuto para aksayahin ang mahalagang oras ko sa pagmuni-muni.

Ngunit malinaw pa rin sa akin, kahit ilang buwan na ang nakaraan, iyong umupo ako sa tapat ng bintana habang tinanaw ang gubat ng Remedios mula sa study room. Binigyan ko ang aking sarili ng ilang minuto bago lumabas ng kuwarto.

Sa kabila ng mga nangyayari, sa unang pagkakataon ay nagawa kong pakalmahin ang aking sarili. Mababaw kung sasabihin na maganda lang ang gising ko. Dahil kahit tatlong oras lang ang tulog ko, sagli't kong napaniwala ang sarili ko na kaya kong makipagdigmaan laban sa Russia o sumali sa isang pag-aaklas. Sa bandang huli, napagdesisyon kong maglakad-lakad na lang sa gubat.

Katahimikan ang bumungad sa akin pagbaba ko ng hagdan. Pag-uwi rin namin kagabi ay nadatnan naming tahimik ang bahay. Karaniwan sa mga oras na ito ay sinisimulan na nina James at Charlotte ang kanilang ritwal ng pagtutugtog ng mga kanta mula sa 1980s habang umiinom ng kape mula sa teacup, bagay na kinagagalit ni Renata minsan. Nagawa kong kumbinsihin si Edmund na dito matulog pero hindi ko na rin siya nadatnan sa sala.

Tumayo ako sa harap ng nakaawang na pinto nina James at Charlotte saka kumatok. Tinulak ko ito at akmang sabihin sa kanila na darating si Madeline ngunit nakitang wala ang kanilang mga presensya. May nag-udyok sa akin na pumasok sandali at tingnan ang dati kong silid. Pagtapak ko sa loob, agad akong nalunod sa mga samu't saring alaala noong kabataan ko, maiikli ngunit matitindi.

Ang mga dating hubad at mabalisang magagaspang na pader nito ay pininturahan na ng puting base paint, sumalungat ngunit bumagay sa sahig na yari sa Narra. Lalo itong nagbigay ito ng ilusyon na kaluwagan kahit na halos ukupa ng double-deck bed ang isang-katlong espasyo ng silid. Maayos at walang gusot ang ibabaw na higaan nito habang magulo ang sa ibaba, ang kumot nito hindi pa naiayos. Ang mga bedsheet nito ay tila natapunan ng lavender at rose fabcon dahil sa malakas nitong amoy. 

Kahit karamihan sa mga gamit rito ay hindi ko pagmamay-ari, nanatili pa rin iyong kabataan ko habang pinagmasdan ko ang silid. Doon ko lang naintindihan kung bakit nasabi ni Madeline na parang kinikimkim ng bahay ang mga nangyayari rito.

Marahan kong isinara ang pinto sa aking likuran saka humakbang sa kusina para magtimpla ng kape. Nahagip ng mga mata ko ang isang anino mula sa opaque na bintana, at nalaman kaagad na kay Edmund ito. Paglabas ko ng bahay ay bumungad sa akin sina Charlotte at James na nagsasampay ng damit.

Sa harap ng lamesa ay nakaupo roon si Edmund, kumakain ng raisins habang nakatungo sa isang hardbound na libro. Saka lang niya napansin ang presensya ko nang umupo ako sa tapat niya.

"Good morning," walang atensyon niyang wika at akmang babalik sa binabasa niya nang tingnan niya ako muli. "May pupuntahan ka ba?"

"I was just thinking of strolling in the woods to get fresh air." Sinulyapan ko sina Charlotte ngunit mga paa lang nila ang nakikita ko sa gitna ng mga nakasampay. "Yayain ko sana kayong tatlo kaso halatang meron kayong ginagawa."

"Ba't hindi na lang ako ang yayayain mo? Bagot na rin kasi ako rito sa binabasa ko," aniya saka hinarap sa akin ang pamagat ng libro.

Sumimangot ako. "Ikaw ang kauna-unahang taong nakilala ko na nagsabing boring ang The Odyssey. Maybe you're just not in the clear headspace to read this."

Kumibit-balikat siya. "Siguro maling translation lang ang binili ko."

Paisa-isa niyang isinubo ang ilang piraso ng raisins sa bibig niya. "''Yan lang ba ang agahan mo?"

"Pasensya," napatigil siya, "Nauna na kaming kumain, pero hinatian ka namin ng itlog saka kamote. Kumakain ka naman nito, diba?" Humakbang siya papasok ng bahay saka sumenyas sa akin na sundan siya.

ReverieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon