“Bitiwan mo nga ako! Jeric ano ba? Naaasar na ako sa ‘yo ha!” narinig kong asik ng isang dalaga sa kanyang kasamang binata. Magkatabi silang nakaupo sa upuan sa harapan ko. Nandito kami ngayon sa loob ng Quiapo Church.
Napukaw ang atensyon ko dahil sa ingay nilang dalawa. Para silang nag-aaway...at sa loob pa talaga ng simbahan! Ang mga kabataan nga naman!
“Kasi naman Paula, bakit ba hindi mo pa ako patawarin? I’m so sorry na kasi. Hindi ko na uulitin! Mahal na mahal kita!” pagmamakaawa ng lalaki sa kanyang kasamang babaeng tinawag nyang Paula.
“Bahala ka sa buhay mo! Ayaw na kitang makita! Umalis ka na sa harapan ko kung pwede lang!” Itinaboy ni Paula ang binatang si Jeric.
“Ganun ba? S-sige...kung yan ang gusto mo Paula. Basta tandaan mo, anuman ang mangyari...mahal na mahal kita!” Nakita ko, tumulo ang luha sa mga mata ni Jeric! Parang kinurot ang puso ko nang makita ko ang kanyang pag-iyak. May Bahagi ng puso ko ang nasaling ng senaryong ito!
Tumayo si Jeric at iniwan si Paula. Nang tingnan ko si Paula, umiiyak din sya! Bakit kailangan nilang magkasakitan samantalang kitang-kita naman ang pagmamahal nila sa isa’t isa? Pride? Isang rason yun. O baka naman mayroon ding isinasaalang-alang si Paula...tulad ko noon.
“Amm...Paula, mahal mo ba si Jeric?” mahinahong tanong ko kay Paula. Napalingon sya sa akin at nagulat. Pakiramdamn nya siguro ay napaka pakialamera ko naman!
“S-sorry ha, narinig ko kasi kayong nag-uusap kanina nung lalaking umalis kaya nalaman ko ang mga pangalan nyo,” paliwanag ko sa kanya. Lumamlam ang kanyang mga mata at saka dahan-dahang binawi ang tingin nya sa akin. Tumingin sya sa altar na nasa aming harapan at saka humugot ng isang malalim na buntonghininga.
“Ah...yun po ba? Boyfriend ko po yun...si Jeric po,” mahinang sabi nya sa akin. Hindi ko alam, pero parang may mabigat syang dinadala sa kanyang kalooban.
“B-bakit? Ordinaryong away lang ba yun o mas malalim pa? K-kasi dito pa talaga kayo sa simbahan pumunta e.” Mataman kong tinitigan ang katawan ni Paula.
Nakatalikod sya sa akin kaya hindi ko nakikita ang kanyang mukha. Manipis lang ang katawan nya na parang mga nasa dise sais hanggang dise otso anyos pa lang sya. Batang-bata pa ang itsura nya.
“B-buntis po kasi ako...tapos sabi sa akin ni Jeric ipalaglag daw namin. N-nagalit ako sa kanya! K-kaya po kami pumasok dito ay para humingi ng tawad sa mga nagawa naming pagkakamali...pero nagagalit po ako sa kanya dahil sa naisip nyang yun!” Hindi na napigil ni Paula ang pagpatak ng kanyang mga luha. Hinagod ko ang yumuyugyog nyang balikat..
“Paula...habulin mo na si Jeric. Mag-usap kayo nang maayos. Sa tingin ko sa kanya kanina, masyado ring mabigat ang nararamdaman nya e. Baka mamaya kung ano pang gawin ng boyfriend mo na lalo mong pagsisihan.” Biglang napalingon ulit sya sa akin nang dahil sa mga binitawan kong salita sa kanya.
“P-papano nyo po nasasabi yan? Naranasan nyo na po ba ang magka-boyfriend?” mahinang tanong nya sa akin. Nakatingin sya nang diretso sa aking mga mata.
“Oo...oo. At ang isang bagay na pinagsisihan ko sa aking buhay ay ang panahong sinaktan ko sya nang dahil lang sa aking kaduwagan. Maniwala ka sa akin Paula, kailangan nyong mag-usap ni Jeric! Tawagan mo na sya ngayon! Nakita ko kung paano syang nasaktan nang itaboy mo sya e. Minsan, ang sakit na yun ay nagtutulak sa isang tao para makagawa ng hindi maganda sa sarili.” Mahaba ang paliwanag ko sa kanya...pero hindi ko alam kung naintindihan nya!
“S-sige po! Hahabulin ko lang po si Jeric. Maraming salamat po ha!” nagmamadaling sagot nya sa akin. Tumayo na sya at nagmadaling lumabas ng simbahang ito. Inihatid ko ng tanaw ang papalayong dalaga.
BINABASA MO ANG
HANAP NG PUSO'Y IKAW
Short StoryHindi lahat ng kabiguan natin sa buhay ay ibang tao ang may gawa...mas madalas, ito ay resulta lamang ng ating mga ginawang desisyon o pagpapasya sa mga bagay-bagay.