PRESENT time…
“Anak? Krystal? G-gutom na ako, anak!” Tila nagmamakaawang turan ng tatay ni Krystal sa kaniya habang siya ay naroon sa maliit na salas nila. Nakaupo si Krystal sa sahig at nakatulala sa laptop sa kaniyang harapan.
May luhang naglalandas sa kaniyang mga pisngi. Pigil at maliliit ang kaniyang mga hikbi. Sobrang sakit at hindi niya matanggap na nawala na ang kaniyang Youtube channel. Burado na iyon ayon sa email na natanggap niya mula sa Youtube mismo. Hula ni Krystal ay nagkaroon ng mass reporting ang mga taong galit sa kaniya para mabura na ng tuluyan ang Youtube channel niya.
Sayang. Kung kailan meron na siyang five hundred thousand subscribers ay saka pa iyon nangyari. Sa loob lamang ng dalawang buwan, mula dalawang libong subscribers ay naabot niya ang ganoong bilang. Nakakatuwa at nakaka-overwhelm. Kaya lang ay sandali lang iyong ipiramdam sa kaniya.
Ang akala niya ay kikita na siya ng malaking halaga ng salapi sa pamamagitan ng pagva-vlog ngunit isang beses pa lang niyang nararanasan na makakuha ng malaking pera sa Youtube ay nawala naman agad ang oportunidad na iyon sa kaniya. Oportunidad na siyang mag-aahon sana sa kanila sa hirap ng kaniyang ama. Hindi na sana niya poproblemahin pa ang panggastos niya sa maintenance na gamot ng tatay niya.
Marahil nga’y kapag nakuha mo ang isang bagay sa mali at masamang paraan ay mabilis din itong mawawala. Hindi lang basta mawawala kundi babawian ka din pagkatapos. Gaya ng nangyayari sa kaniya ngayon—nawala na ang Youtube channel niya.
Dalawang buwan na ang nakakalipas ay isang suggestion ang sinabi ng kaibigan niyang si Roxanne upang magkaroon siya ng maraming subscribers sa Youtube. Anito, gayahin daw niya si Kate Yup na sumikat sa Youtube dahil nagkaroong ng haka-haka ang mga tao na ito ay nakidnap. Sinunod ni Krystal ang sinabing iyon ni Roxanne. Ginaya niya si Kate Yup. Sa mga bago niyang in-upload na vlogs ay naglagay siya ng pekeng pasa sa kaniyang leeg, braso at mukha. Umarte din siya na kahit tumatawa siya o nakangiti sa video ay parang natatakot ang mga mata niya.
Sinasadya din niyang isama sa videos ang minsan ay hindi maintindihang pagsasalita ng tatay niya upang masabi ng mga makakapanood na may lalaki siyang kasama sa bahay. Ngunit hindi niya direktang sinasabi na siya ay nakidnap. Hinayaan niya ang mga tao na mag-assume na nasa panganib siya.
Lahat ay ginawa ni Krystal upang maging kahina-hinala ang videos niya at hindi siya nabigo. Makalipas lamang ang isang linggo ay unti-unti nang nadagdagan ang subscribers niya sa Youtube. Marami ang nagme-message sa kaniya at nag-aalala sa tunay niyang kalagayan pero lahat ng mensahe ay hindi niya nire-replyan. Hinayaan lang ni Krystal na mag-alala ang mga tao sa kaniya.
Naging effective ang “gimik” na iyon para makuha ni Krystal ang atensiyon ng mga tao. Pinag-usapan siya sa Youtube at maging sa Facebook. Kumalat ang pangalan niya at ang teorya na siya ay nakidnap. Na-curious ang tao sa kaniya at mabilis na tumaas ang bilang ng kaniyang subscribers.
Ngunit kung mabilis ang naging pag-akyat ni Krystal sa langit at siya ring bilis ng kaniyang pagbagsak. Pagkatapos lang ng isang buwan at ilang araw ay may mga pulis na nagpunta sa bahay nila. Kinabahan siya dahil ang akala niya ay nalaman na ang ginagawa niyang gimik upang magkaroon ng maraming subscribers sa Youtube. Mabuti na lang at hindi. Tiningnan lang pala ng mga ito kung ayos lang siya doon at hindi totoo ang hinala ng mga tao na siya ay nasa masamang sitwasyon.
Kasunod ng pagpunta ng mga pulis ay ang pagkalat sa social media ng balita na nasa maayos siyang kalagayan at walang kumidnap sa kaniya. Lumutang ang mga hinala ng ilan na sinadya niya na magduda ang mga tao na siya ay nakidnap at marami ang naniwala doon.
Sa paglipas pa ng araw ay padami na nang padami ang bashers niya. Nagagalit ang mga ito dahil niloko daw niya ang lahat upang makuha ang simpatya ng mga ito at dumami ang subscribers niya. Nabuko na siya pero hindi pa rin siya umaamin. Hanggang sa pati ang tatay niya ay isinasali na ng iba. Kesyo daw tamada ang tatay niya kaya todo-kayod siya para kumita ng pera. Sana daw ay mamatay na ito dahil nagpalaki ito ng isang gaya niya na manloloko. Maganda nga daw siya pero ubod daw siya ng sinungaling.
BINABASA MO ANG
CHAINS II: The Kidnapping Of Krystal Cuevas
Mistério / SuspenseUpang makuha ang atensiyon ng mga tao at sumikat online ay nagkunwari si Krystal Cuevas na siya ay nasa panganib at may kumidnap sa kaniya. Ngunit natuklasan ng lahat ang panloloko niyang iyon. Sumikat nga siya pero lahat naman ay galit sa kaniya. N...