Multo

455 4 3
                                    

 Note: This is a true to life story happened to me when I was in La Union way back 2000,  enjoy reading...

Part 1:

"To see is to believe.."...iyan ang motto ko noon, di ako agad agad naniniwala sa isang bagay kapag di ko ito nakikita ng harapan. Ngunit may mga pangyayaring nagpabago sa paniniwala kong ito.

        Ako nga pala si Andoy, bata pa lang ay mahilig na ako sa mga kwentong katatakutan, makailang beses na akong napapaaway dahil sa pakikipaghamunan sa mga batang palakwento noon, di kawasa ay di ako naniniwala, kaya ayon, ang kwentong katatakutan, napupunta sa hamunan at nauuwi sa suntukan. Masyado daw akong matapang, sabi ng mga kalaro ko, kaya lahat sila hinihiling na may magpakita sa aking multo o maligno. 

       Para sa akin ang mga multo ay kathang isip lang, patay na sila diba, e ba't pa magpapakita, iyan ang madalas na sinasabi ko noon, hanggang sa dumating ang mga pangyayaring nagpapatayo pa rin ng mga balahibo ko kapag naiisip ko ngayon.

         Hayskul ako noon ng una akong nakakita ng multo, iyon ay noong nasa probinsya pa ako nakatira. Madaling araw noon ng ako ay nakaramdam ng panunubig, kaya naisipan kong lumabas ng bahay para umihi, habang naihi ako, nakita ko ilang dipa mula sa kinatatayuan ko ang isang babaeng nakaputi na nakatingin sa akin, nakalugay ang kanyang buhok habang  wala akong makitang anumang ekspresyon sa kanyang mukha. Noong una'y  binalewala ko lang at sinabi ko sa sarili ko na wala yan, nasa isip ko lang yan, ngunit ng bigla akong napatingin sa kanya, bigla siyang nawala at nakaramdam ako ng malamig na haplos sa batok ko,..bigla akong kinilabutan ng oras na iyon, nagmadali akong pumasok ng bahay at di na nakatulog magdamag.

         Kinabukasan, parang normal lang ang lahat, inisip ko na lang na guni-guni ko lang ang nakita ko ng gabing iyon, ngunit hindi ko inakalang mauulit muli ang pangyayaring iyon...

Part 2:

          Nagkayayahan kaming magpipinsan na maligo sa ilog, tanghaling tapat noon kaya masarap ang magbabad sa malamig na tubig. Naisipan kong mauna sa mga kasama ko dahil dadaanan ko pa ang kalabaw namin na nakasuga sa damuhan nang biglang nakakita ako ng lalaking nakahandusay sa daraanan. Bagamat nahihintakutan ay inalam ko kung sino ang lalaking nakahiga sa kalsada sa gitna ng mataas na tirik ng araw. Nalaman kong si Kuya Inso pala iyon, ang ninong ng bunso kong kapatid. Dilat at tirik ang kanyang mga mata at bumubula ang bibig. Dagli kong tinawag ang aking tatay, at sa tulong ng aming mga kabaranggay ay nadala sa plaza ang katawan ni kuya Inso, sinubukan nila itong lunasan, ngunit nalaman nilang patay na ito. Dahil nandoon naman ang lahat ng kapamilya, napagdisisyunan nilang ilibing na din kinabukasan ang bangkay upang di na kailanganin ang embalsamo. Nang gabi ding iyon ay nagkaroon ng lamay, at sa kasamaang palad ay di ako pumunta, ni hindi ako sumilip o nakipaglibing man lang. Isang gabi, naalimpungatan ako at nakaramdam ng panunubig kung kaya  lumabas ako ng kubo,noong mga panahong iyon ay sa kubo ako natutulog, habang umiihi, nakita ko ang isang di katangkarang lalaki na nakatayo sa ilalim ng punong mangga at nakatingin sa akin. Tinitigan ko siya ngunit di ko maaninag ang kanyang mukha, di rin siya gumagalaw habang nakatunghay lang sa akin. Nagtayuan ang balahibo ko ng oras na yun, di ko maipaliwanag ang aking naramdaman, agad akong bumalik ng kubo at nagtalukbong ng kumot. Kinaumagahan, pinuntahan ko ang ilalim ng puno at tiningnan kung may ano mang bakas ng paa o natumbang mga damo, ngunit sa aking pagkamangha ay nakatayo ang mga damo at wala ni anumang bakas akong nakita. Tinanong ko ang aking ama kung may nakita siyang lalaki kagabi na nakatayo sa ilalim ng mangga dahil ayon sa kanya ay bumangon din daw siya at umihi kagabi, ngunit wala daw siyang nakita. Sinabi niyang maaaring si kuya Inso daw iyon, nagpakita sa akin dahil hindi man lang ako dumalaw sa kanyang libing, huli na ng malaman ko, na kasing tangkad pala ni kuya Inso, ang lalaking nakita ko..... 

Part 3:

            Nasa kolehiyo na ako noon ng makaranas ulit ako ng kakaibang karanasan,...ang baranggay namin ay matatagpuan sa gilid ng bundok, mahirap para sa amin ang transportasyon dahil masyadong mahal ang pamasahe, kung kaya para makatipid, umaakyat ako ng bundok at naglalakad ng mahigit isang oras para makababa sa bayan para mag-aral, bumababa ako ng bundok tuwing linggo ng hapon, sa boarding house ng 5 araw, at aakyat ng byernes ng hapon pauwi sa aming baranggay. Ganun lagi ang ginagawa ko sa loob ng maraming buwan. 

                    Palibhasa mahilig akong kumanta, kumakanta ako habang naglalakad upang malibang ang sarili ko at para di ko din gaanung maramdaman ang pagod. Isang hapon, takipsilim noon, napansin kong may sumasabay sa aking pagkanta, malaki ang kanyang boses at garalgal ang kanyang tono. Noong una, inisip ko na baka "echo" lang yun kasi nga nasa bundok ako, e kaso pag tumigil ako, may boses pa ding naririnig. Takot na takot ako noon sabay karipas ng takbo. Mula noon, di na ako nagsosolo na umakyat ng bundok, sinisigurado ko na may makakasabay ako pag umuuwi sa aming baranggay.

                   Isang hapon , sinwerte ako na may makasabay sa pag-akyat sa bundok, kasama ko noon sina Kuya Maryo at Kuya Ben, kapwa ko sila mga kabaranggay kaya sumabay na ako sa kanila. Di ako nag-aalalang magabihan sa daan kasi may kasabay naman ako, huli na ng malaman ko na , di pala tutuloy ang dalawa pauwi sa aming baranggay, bagkus matutulog sila sa kubo sa bundok.(Madalas kasi, kapag may mga sinasaka kami sa bundok, may mga kubo kami, at pwede doong matulog.) Nabigla ako pero wala akong pagpipilian kung hindi ang magpatuloy para makauwi, kasi mag-aalala ang mga magulang ko. kalahating minuto na lang, malapit na ako, kaso madilim na noon, wala pa naman akong dalang flashlight,,, nang biglang may isang grupo ng mga alitaptap ang sabay-sabay na bumababa sa may bandang taas ko at parang iniilawan ako sa aking daraanan, sumunod naman ako. Ngunit bigla silang nawala ng napatapat ako sa isang malaking puno ng mangga na nasa tabi ng daan. Napatingin ako sa bandang itaas at laking takot ko ng makita ko ang tatlong bata na nakakapit sa sanga, nakabitin at nakangising nakatingin sa akin...kumaripas ako ng takbo kahit nagkabunggo bunggo na ako sa mga bato, sinundan ko na lamang ang daan base sa nakarehistro sa utak ko, awa ng Diyos, narating ko ang paanan ng bundok at nakauwi ng ligtas sa bahay namin...

Mula noon, di na ako nagpapaabot ng gabi sa bundok  at naglalakad ng walang kasama....

NALPAS

MultoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon